Chapter 6

45 5 1
                                    

Muli kong sinubukang tawagan si Gabriel habang pinakikinggan ang ingay ng mga kasamahan kong agent nang makapasok kami sa napiling restaurant.

Naisip ko kasing wala naman sigurong masama kung sasama ako ngayon sa kanila. Ayoko rin na maramdaman kong mag-isa lang ako sa bahay dahil wala ang presensiya ni Gabriel.

"Hindi talaga ako makapaniwalang nagawa niyong pasamahin si Krystal ngayon. Hindi naman mahilig sumama 'yan sa mga ganitong ganap, 'di ba?" komento ni Carlos nang makahanap kami ng lamesa.

"Minsan lang naman daw kaya bakit hindi sulitin?"

May lumapit na waiter sa aming long table at nagsimula nang mag-order si Sir Aries ng mga kakainin namin.

"Baka brokenhearted at naghahanap ng kalinga. 'Di ba nga kapag palagi nating inaaya ang laging rason, kasabay niyang mag dinner yung jowa niya? Baka hindi sila sabay ngayon," gatong pa ni Anna.

"Uy, hindi, 'no!" Tumawa ako. "Hindi ba puwedeng nasapian lang at natakam sa libre kaya sumama ngayon?"

Umiling si Dallie. "Mga palusot mo, Krystal, nagamit na ng iba sa amin. At saka, ikaw matatakam sa libre? Kahit nga anong aya nga namin sayo at sinasabing libre namin, hindi ka sumasama eh."

"Ngayon ka magdahilan, Krystal," segunda naman ni Rachel na tumatawa.

Napailing na lang ako. Talagang hindi ko sila malulusutan. "Ah, basta! Bakit ako rin ba yung pinag-uusapan ninyo at hindi si Sir Aries? Himala na manglilibre siya ngayon oh. Parang dati, sumasabit-sabit lang sa inyo 'yan kapag may team dinner ah."

Dahil sa sinabi ko ay napabaling naman sila ng tingin kay Sir Aries na tahimik kaming pinapanood.

"Oo nga, Sir. Wag niyong sabihin sa aming masiyadong malaki yung binayad ng kliyente at nagka-extra ka pa para librehin kami?"

"Bakit, Carlos? Ayaw mo ba ng libre? Puwede mo naman bayaran yung kakainin mo," sagot sa kaniya ni Sir Aries.

Umismid si Carlos kaya nagtawanan kami. Naiba ang usapan at nagkaroon ng sari-sariling kuwento ang mga kasamahan ko habang ako ay nakatitig lang sa call logs nang hindi na naman sagutin ni Gabriel ang tawag ko.

"Krystal, ayos ka lang ba?"

Napalingon ako kay Ronald at alanganin na ngumiti. "Oo, ayos lang. . ."

Ilang sandali lang ay dumating na ang mga in-order namin. Isa-isang nilapag ang mga soju bottle sa gitna ng lamesa at pati na rin ang kalan malapit kay Rachel na siyang nasa pinaka unahan.

May mga lettuce at bawang din na magkahiwalay na platong inilagay sa aming lamesa.

"Salamat po, Ate!" sabi nila sa may-ari kaya napatungo ako bilang pasasalamat.

"Walang anuman! Enjoy kayo!"

Sumaludo lang sa kaniya ang mga lalaki habang nagsimula naman nilang ayusin ang kalan na siyang lulutuan namin ng samgyupsal.

Pamilyar ako sa samgyupsal pero hindi ko pa iyon natatry lutuin. Kaya eto ang unang beses kong kakain nito.

Tumunog ang mga boteng binuksan at isa-isang d-in-ristribute ni Dallie na siyang nasa gitnang lamesa ang mga soju sa aming mga puwesto.

"Oh, sabay-sabay tayo ah?" maingay ang boses ni Dallie.

"Talaga bang ganito dapat kaingay si Dallie kapag may team dinner kayo?" tanong ko kay Ronald.

Tumawa siya at tumango. "Oo. Akala mo nga siya yung may-ari ng restaurant, e. Pero ayos na rin kasi yung mga pinipili naman naming restaurant, puwedeng mag-ingay."

Ocean of LiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon