Chapter 15

53 4 0
                                    

"Girl, hindi ka ba naaawa sa sarili mo? Tingnan mo nga yung sarili mo sa salamin. Ang laki na ng eyebags mo," puna ni Dallie na siyang kasama ko.

Isang linggo na akong unproductive. Yung mga trabahong sana natapos ko na nang maaga ay mas lalo pang natambakan dahil ni bumangon sa kama ay hindi ko magawa.

"Malinaw naman na kailangan mo nang makipaghiwalay sa kanya kasi hindi na healthy eh. Tingnan mo nga 'tong ginagawa mo sa sarili mo."

Napailing ako kahit pa hindi naman niya nakikita dahil nakatalukbong ako ng kumot. Wala na akong ibang hiling sa mga oras na ito kundi ang maramdaman sana ang init na yakap ni Gabriel.

Kaso paano mangyayari yun kung ganito naman ang situwasyon namin?

Sa pitong araw na hindi kami magkasama, tiniis ko ang sarili kong hindi buksan ang telepono ko dahil alam kong isa pang pagmamakaawa niyang umuwi sa bahay ay talagang uuwi ako.

Kahinaan ko ang pagmamakaawa niya pero mas lalo akong nanghihina kapag naririnig ko siyang umiiyak at sinasabing wala naman siyang nagawang mali kaya bakit kami nagkakaganito.

Bumuga ng hangin si Dallie. "Hinahanap ka na rin sa akin nina Anna. Alam nilang nandito ka sa dorm pero dahil bawal ang bisita, hindi sila makabisita sayo. Para ka tuloy pasyente lalo na sa itsura mo. Alagaan mo naman yung sarili mo. Paano mo mahahanap yung sarili mo kung ganitong parang wala ka namang gana sa lahat?"

Sa isang linggo kong wala sa apartment namin ni Gabriel, dito ako dumiretso kay Dallie. Alam ko kasing hahanapin niya ako kay Joie kaya pinili ko yung taong malapit sa akin pero hindi malapit sa kanya.

Ilang beses ko na rin sinabi kay Dallie na ang dahilan kung bakit humingi ako ng espasyo para sa aming dalawa  e dahil gusto kong makapag-isip isip, lalo na dahil ramdam kong unti-unti na akong nawawalan ng amor sa lahat lalo na sa sarili ko.

Kung hindi ako lalayo pansamantala kay Gabriel, natatakot akong tuluyan akong lumubog at baka sa pagkakataong iwanan niya ako ay hindi na ako makaahon muli.

Ayoko siyang tuluyang iwan. Pero nakakatakot ding sukuan ako mismo ng sarili ko kapag hindi ako humingi nang kaunting oras.

Pero paano ko nga ba magagawa 'yon kung ganito lang ang ginagawa ko araw-araw?

"Kung nagugutom ka, may delata diyan. Pasensya na, iyon lang keri ng budget ko sa ngayon. Lutuin mo na lang muna 'yon at mali-late na ako sa trabaho," anito.

Hindi ko pa rin tinatanggal ang kumot na nakatalukbong sa akin. Naiintindihan naman ni Dallie 'yon. Kasi sa tuwing nag-aalis ako ng talukbong, isang tingin ko lang sa kanya, naiiyak na naman ako.

Eto ang mahirap kapag nasanay kang may tao sa tabi mo at alam mong may umaalalay sayo kasi unconsciously, nagiging mahina ka. At iyon ang nakuha ko kay Gabriel. Na dahil gusto niyang maibigay sa akin ang lahat, hindi ko namalayang masiyado na pala akong naging dependent sa kanya, pakiramdam ko, hindi ko na kayang buhatin ulit ang sarili ko nang ako lang.

Palagi siyang dapat nandiyan.

Nang tumunog ang pintuan, takda na nakaalis na si Dallie ay saka lang nag-alis nang talukbong.

Napabuga ako ng hangin habang nakatitig sa pintong nakasarado.

Isang linggo kong literal na kinukulong ang sarili ko sa kuwartong ito. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako sigurado kung hanggang kailan ko pa magagawa ito.

Naisip kong kung gusto kong talagang may mangyari sa buhay ko ngayon ay babangon ako ng kama.

Gusto ko lang naman sana makasama si Gabriel na hindi namin nararanasan lahat ng ito. Kasi sa totoo lang, parang kinukurot ang puso ko sa isiping wala na nga akong peace of mind, nawala pa sa akin ang boyfriend ko.

Ocean of LiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon