Napaubo ako nang malanghap ang usok na ibinuga ni Dallie. Saglit kaming tumigil sa Seven Eleven na katapat lang ng dati naming eskuwelahan.
"Sabi ko na sayo, 'di ba? May ibang ka-team dinner 'yon," panimula niya.
Uminom ako sa heinikken na binili namin sa loob. "Ewan ko ba, Dallie. Hindi naman ako magagalit kung gusto niyang makipag-bonding sa mga barkada niya dahil matagal ko nang tanggap ang parteng 'yon sa buhay niya. Pero bakit hindi niya kayang magpaalam sa akin?"
"Bakit sa tingin mo magpapaalam sayo yung boyfriend mo kung alam niyang masasaktan ka?" Tiningnan niya ako at uminom na rin ng beer.
Bumuga na lang ako ng hangin at nagpalipas ng ilang oras. Masiyado na yata akong napa-paranoid dahil kung ano-ano nang walang katuturan ang pumapasok sa isip ko.
"Salamat pala, Dallie, ha? Nakita mo pa kung gaano paano ako mag-drama."
Tumawa lang siya. "Wala 'yon. At saka, bakit hindi kita dadamayan kung alam ko naman ang nararamdaman mo? Basta, kung alam mong mali na, bitiwan mo na. Sagipin mo ang sarili mo."
Kumaway lang ako sa kaniya at nagpaalam na.
Ngayon, hindi ko na alam kung ano pang mukha ang ihaharap ko kay Gabriel kapag sinumbatan niya ako tungkol sa naging pag-uugali ko.
"Saan ka galing?"
Umawang ang labi ko nang bumukas ang pintuan at iniluwa si Gabriel. Salubong ang kaniyang kilay at tikom ang kaniyang mga labi.
"Gabriel. . ."
"Tinatanong kita kung saan ka galing, Krystal? Ikaw pa ang naunang umuwi sa atin, 'di ba?"
Tinitigan ko siya sa mga mata at kinalma ang sarili ko. Kaming dalawa na lang ngayon at natatakot akong sumabog dahil baka iwanan niya ako sa mga oras na ito.
"Sa Seven Eleven kasama ko si Dallie." Pumasok na ako kaya napatabi siya sa gilid.
"At nagawa mo pang mag-seven eleven 'pagtapos nating magtalo, Krystal?"
Ibinaba ko ang bag ko sa sofa at naglakad papasok ng kusina. Ramdam kong nakasunod pa rin siya sa akin. Binuksan ko ang refrigerator at kumuha ng malamig na tubig. Nauuhaw ako kaya iinom ako at baka maibsan ang init ng ulo ko.
"Anong gusto mong gawin ko, Gabriel?" tanong ko sa kaniya habang nagsasalin ng tubig. "Damdamin ko yung pag-aaway natin? Para ano? Makapagtanim ako sayo ng sama ng loob?"
"Ganoon na lang ba 'yon? Wala ka na ba talagang pakialam sa akin?"
Napainom ako ng tubig dahil sa sinabi niya. Saan naman niya nakuha ang ideya na 'yon?
"Ayaw mo na ba sa akin, Krystal? Nagsasawa ka na? Kaya kung umasta ka, parang wala na lang saiyo ang lahat."
Kumunot ang noo ko at hinarap na siya. "Anong ibig mong sabihin, Gabriel? Sino ba itong nagsabing may business client siya at hindi ako inimporma na iba na pala ang makakasama sa meeting?"
"Totoo naman kasing may kliyente ako, Krystal!" sigaw niya.
"Kung ganoon naman pala, bakit hindi mo sinabing kasama mo si Shane?" balik ko sa kaniya.
"Mahalaga pa ba 'yon, Krystal?" Umiling siya sa akin. "E wala ka na ngang pakialam sa akin, 'di ba?"
Natawa ako. Muli kong naalala ang sinabi ni Joie sa akin kaninang umaga kaya saglit ko siyang pinakatitigan, tinitimbang kung dapat ko bang alamin o may gusto lang akong patunayan.
"Ano?" aniya.
Ngunit sa huli, alam kong hindi ko pa rin kaya. Umiling na lang ako sa kaniya at inilapag na ang baso sa lamesa.
BINABASA MO ANG
Ocean of Lies
Narrativa generaleOCEAN OF LIES [COMPLETED] Krystal and Gabriel have only been waiting for the wedding bells, but what if an unfinished business from the past comes back to make them swim into the depth of ocean of lies? *** Five years of living together, Kryst...