Nanlalamig ang mga kamay ko habang papalapit sa bahay nina Mama. Kanina pa noong tinawagan ako ni Gabriel at pinapapunta kung nasaan siya.
Akala ko nagbibiro lang siya nang sabihin niyang nandito na siya sa Maynila at nahanap na niya kung nasaan ako. Pero talaga palang nandito na siya.
Kaya nang makababa ako sa subdivision kung saan nakatira sina Mama ay halos lakad-takbo na ang ginawa ko para lang makarating na agad kay Gabriel.
Hindi ko ramdam ang excitement dahil na rin sa pamamawis ng batok at ang panlalamig ng mukha. Natutuyo na rin ang lalamunan ko dahil halos nalunok ko na lahat ng laway ko kanina mula sa jeep na sinakyan ko pauwi rito.
Una kong narinig ay ang boses ni Gabriel na siyang nasa labas ng gate namin. Wala si Mama sa tabi niya. Hindi ko alam kung nasaan. Baka mas pinili nitong wag siyang kausapin lalo pa't alam ni Mama ang situwasyon naming dalawa. Hindi ko rin alam kung nagpakilala ba siya o ano.
Ano ba kasing ginagawa niya rito?!
Nang pagmasdan ko siya ay gusto ko na lang ulit tumakbo.
Iyon naman ang purpose ko, hindi ba? Ang tumakbo, ang layuan siya, at ang tumakas.
Nakakapagod na. Ilang beses ko siyang tinanggap kahit harap-harapan kong nakikita at winawagayway pa sa akin ang pulang bandera niya. Pero dahil mahal ko siya, alam kong hindi ko siya kayang iwanan.
Lalo pa't sa itsura niya ngayon. Hindi man halata dahil matangkad na tao si Gabriel pero ang dati niyang matipunong katawan ay unti-unti nang nawawala. Pumayat siya. Lumaki rin ang eyebags sa ilalim ng mga mata niya.
Putlang-putla rin ang itsura niya. Hula ko dahil isang linggo siyang nasa hospital at nalalayo sa araw.
Nang magtama ang mga paningin namin, naibaba niya ang teleponong hawak niya. Napatigil din ako sa paglalakad. Tama lang nasa harapan niya.
Hindi siya lumapit, hindi ko rin ginawa. Sa itsura namin, para kaming ilang taong hindi nagkita at bago lang ulit na pinagtagpo—hindi rin naman nagkakamali dahil ilang linggo simula noong umalis ako ng bahay namin, nahospital siya at umalis ulit ako—talagang ngayon lang kaming nagkatagpo na dalawa.
"Krystal. . ."
Kumuyom ang kamao ko at muling napalunok. Sinubukan kong tapangan ang sarili, para sa unang pagkakataong pagtatagpo namin muli. At sa mga oras na ito, gising siya at naririnig lahat ng mga sinasabi ko.
"Anong ginagawa mo rito, Gabriel?" pumiyok ang boses ko. "Hindi ba dapat nagpapahinga ka? Kagagaling mo lang sa hospital?"
Napaiwas ako ng tingin nang lumamlam ang mga mata niyang nakatingin sa akin.
Kung may isa man akong kahinaan pagdating kay Gabriel, iyon na siguro ang mga pagmamakaawa niya.
"Ikaw ang tinatanong ko dapat niyan, Krystal," sagot niya sa mababang boses. "Hindi ka dapat nandito. Nasa apartment natin tayo dapat, hindi ba?"
Naalala ko ang huling usapan namin ni Shane sa hospital. Ngayong gising na si Gabriel, dapat may sinasabi na siya sa akin tungkol kay Shane at sa mga napag-usapan namin.
"Nandoon naman si Shane, hindi ba?" Pumaling ako sa kanya at nakita ang paglunok niya. "Dapat doon ka na sa kanya."
"Anong sinasabi mo, Krystal?" Sinubukan niyang humakbang palapit na siyang agad kong inatrasan. "Bakit nasali rito si Shane?"
Doon ko nakumpirmang hindi pa niya sinasabi. Uunahan ko ba? Pero kung hindi, baka ako na naman ang magmukhang mali sa aming dalawa? Gaya noon.
"Bakit hindi mo tanungin yung mahal mong kaibigan, Gabriel? Bakit nga ba?" hindi ko na naitago ang pait sa aking boses. "Iyon din kasi ang tanong ko sa sarili ko, e. Paano nga ba tayo nagkaganito?"
BINABASA MO ANG
Ocean of Lies
General FictionOCEAN OF LIES [COMPLETED] Krystal and Gabriel have only been waiting for the wedding bells, but what if an unfinished business from the past comes back to make them swim into the depth of ocean of lies? *** Five years of living together, Kryst...