Isa sa mga naging issue namin ni Gabriel sa relasyon ay ang hindi pagtanggap sa akin ng mga kaibigan niya lalo na ni Shane.
Hindi ko makakalimutan na nagkaroon ng isang beses kung saan narinig ko ang pinag-uusapan nila.
"May problema na naman ba kayo ni Krystal?"
Sinilip ko ang dalawa sa loob ng classroom. Lunch break namin noong mga oras na iyon kaya wala masiyadong tao sa room namin.
"Wala," iyon ang sinagot ni Gabriel.
Nakatalikod sa akin si Shane at tanging sa gilid niya na si Gabriel lang ang nakikita ko ang reaksyon. Tulala lang siya at parang malalim ang iniisip.
Hindi na bago sa akin ang ganitong reaksyon ni Gabriel sa tuwing may pinagtatalunan kami o hindi kami maayos. At kahit hindi naman kami nagtatalo—parang normal na lang sa kaniya ang mag-isip parati nang malalim.
"Tatapatin na kita, Shin. Ang totoo, hindi namin kayang tanggapin si Krystal bilang girlfriend mo."
Kumunot ang noo ni Gabriel sa narinig niya. Habang hindi na rin ako nagulat. Hindi naman kasi ako manhid para hindi makaramdam na ayaw niya talaga sa akin para sa kaibigan niya. Babae ako kaya ramdam ko.
Pero bakit hindi niya ako diretsuhin?
Bakit kay Gabriel niya lang sinasabi?
"Hindi siya pormal na babae. Naninigarilyo, umiinom. Gusto mo ba no'n? Na magkaroon ng girlfriend na adik?"
Kumuyom ang kamao ko. Hindi ko naman itinatangging naninigarilyo nga ako at umiinom. Pero isang beses lang 'yon at hindi na naulit. Alam ko ring ayaw ni Gabriel na ginagawa ko 'yon kaya nga bilang 'yon sa isa sa mga pinag-aawayan namin.
Pero yung adik? Anong pruweba niya para sabihin yon?
Hindi ko siya makuha. Para niyang tinutuldukan yung pagkatao ko kahit hindi naman niya ako kilala talaga.
"Isama mo pang lagi kang nagmumukhang mahina kapag nag-aaway kayo. Hindi mo siya deserve na iyakan. Hindi ka niya deserve."
Napayuko na lang ako. Kung alam lang niyang sila ang pinag-aawayan naming dalawa.
Kung alam lang niyang ilang beses ko nang kinumbinse si Gabriel na layuan na lang ako at iwanan para bumalik na siya sa kanila.
Napapansin ko na rin kasing hindi na siya parating sumasama sa kanila simula nung naging kami.
"Hindi ko alam kung paano mo nasasabing hindi ko deserve si Krystal, e siya naman yung mahal ko. Hindi mo ako puwedeng diktahan sa gusto ko."
Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang marinig kong humikbi si Shane. Umiyak siya sa harapan ni Gabriel at mas natulala na lang ang boyfriend ko.
"Alam ko naman yon. At hindi namin mababago 'yon. Pero wag mo ring i-expect na susupportahan ka namin dahil hindi namin siya gusto," aniya. "Nitong mga nakaraang buwan, simula lang nang sinagot ka niya, nawawalan ka na ng oras sa amin. Ipinagpapalit mo na kami sa kanya."
Kung iyan pala ang hinanaing niya, bakit hindi niya ako diretsuhin?
Bakit hindi niya sabihin nang harapan sa akin? Para malaman ko kung saan ako nagkamali, 'di ba?
Kasi para akong tanga na hinuhulaan kung bakit isang araw na lang, hindi na nila ako gusto para sa kanya. Gayong una palang, sila na yung nagtutulak sa akin sa kanya.
"Anong pinagsasabi mo? Anong ipagpapalit? Shane, girlfriend ko si Krystal. Kaibigan ko kayo. Bakit ko kayo ipagpapalit sa kanya? Magkaiba yung situwasyon ninyo. Syempre, kailangan din naman ako ni Krystal sa tabi niya kaya nandoon ako at boyfriend niya ako."
BINABASA MO ANG
Ocean of Lies
General FictionOCEAN OF LIES [COMPLETED] Krystal and Gabriel have only been waiting for the wedding bells, but what if an unfinished business from the past comes back to make them swim into the depth of ocean of lies? *** Five years of living together, Kryst...