"Anong gusto mong gawin ko, Krystal? Pabayaan ko siya ro'n na walang nagbabantay sa kaniya?"
Tinakpan ko ang bibig ko habang pinakikinggan ang mga sinasabi niyang tila punyal kung tarakin ang dibdib ko.
"Pinigilan ba kitang puntahan siya? Pinigilan ba kitang bantayan mo siya, hindi naman ah? Bakit parang kasalanan ko na naman?"
Nang babaan ko siya nang tawag ay agad siyang sumugod pauwi sa bahay namin para pagtalunan ang bagay na 'to.
"Hindi mo kasi ako maintindihan—"
Suminghap ako. Kaya na niyang sabihin sa akin ito ngayon? Na ako pa ang hindi makaintindi gayong siya itong pinaasa ako?
"Kailan ba kita maiintindihan, Gab? Ano pa bang kailangan kong gawin para malaman mong mas iniintindi pa kita kaysa sa sarili ko? Hindi naman kita pinilit na piliin ako, 'di ba?"
Naabutan niya akong iyak nang iyak at hindi makapasok sa pintuan ngunit imbis na mahinahong pag-usapan ang tungkol sa nangyayari ngayon, heto siya, nakikipagsigawan sa akin.
"Kaya nga!" sigaw niya. "Tangina, pagod ako ngayong araw, Krystal. Sana naman pagpahingahin mo ako. Gusto ko na nga ring magpa-admit kanina kasi nahihilo na ako pero nandito pa rin ako sa harapan mo. Oo, sabihin na nating hindi mo ako pinigilang puntahan siya kasi wala ka nang magagawa at nandoon na ako. Pero ano 'to? Bakit ka umiiyak ngayon?"
Napailing na lang ako. "Gab, hindi lang ikaw. . . hindi lang ikaw yung napapagod kasi pati ako, pagod na pagod na! Sabihin mo na lang na talagang nagbabago na ang lahat sa atin, sabihin mo na lang na hindi mo na ako kayang pakasalan at ngayong bumabalik na yung totoong mahal mo, kaya mo na akong iwanan kasi may sasalo namang iba na sayo, hindi ba?!"
Mariin niyang ginulo ang buhok niya. "Naririnig mo ba yung sarili mo, Krystal? Anong hindi kayang pakasalan ang pinagsasabi mo? Kaibigan ko 'yon! Tinutulak-tulak mo nga akong makipagbati sa kanila noon kasi masiyado kang guilty para sa walang kuwentang bagay, hindi ba? Kahit hindi naman ikaw yung dahilan kung bakit kami nagkawatak, sinisisi mo pa rin yung sarili mo! Kaya nahihirapan din ako! At ngayong eto, pinapakita ko sayong maayos na kami. Na maayos na ang lahat. . . guguluhin mo pa rin ba?"
Hindi ako makapaniwalang tumingin sa kanya. Ano raw? Ano raw yung sinabi niya? Guguluhin? Nino? Ako? Guguluhin ko?
Paano niya nagagawang sabihing walang kuwentang bagay yung dahilan kung bakit hindi ako makatulog nang mahimbing gabi-gabi kahit pa sabihing nandito naman siya sa tabi ko?
Napaupo na lang ako sa semento at tinakpan ang magkabilang tainga ko. Libu-libong boses na naman ang bumubulong sa akin at sumisigaw na kasalanan ko nga, na may kasalanan ako sa lahat ng ito.
Tama na, please! Tama na!
"Krystal, ano ba! Tigilan mo na yang pag-iinarte mo kasi hindi na gagana sa akin 'yan! Eto yung gusto mo, 'di ba? Yung magkaayos kami? Eto na at ibinibigay ko na sayo pero bakit ikaw rin ang sumisira sa gusto mo!"
"Oo!" sumigaw ako sa kaniya pabalik. "Oo, gusto kong magkaayos kayo. Oo, gusto kong mawala na yung guilt na sa ilang taon nating pagsasama, dala-dala ko pa rin. Oo, Gabriel! Oo at natutuwa akong maayos na kayo! Pero tangina kasi! Sa bawat araw na lang na dumadaan, parati mo na lang dinudurog ang pagkatao ko. Aminin na natin, hindi na tayo yung dati, Gab. Andami nang nagbago sa atin. At kung ang pagpunta mo lang naman doon ang pag-uusapan, tatanungin kita, sino ba yung nangako?"
Natigalgal siya at pinagmasdan lang akong patuloy ang pagragasa ng mga luha.
Sinabi ko sa sarili kong hindi na ako ulit iiyak at kung mangyayari man ulit ang bagay na ito, siguro nga hindi talaga kami ang para sa isa't isa. Kasi alam kong pagdating sa ganitong bagay ay hindi niya sila matatanggihan at hindi ko siya matatanggihan—lalo na't wala naman talaga akong magagawa kasi nakaakto na siya bago pa man ako kumilos.
"Sinong nagpaasa na pupunta sa ganoong lugar kung puwede namang dito na lang din? At kung isusumbat mo pa rin sa akin ang bagay na ito, Gab, hindi ko na alam. Gusto ko lang naman malaman pa, e. Kung may lugar pa ba ako sa puso mo? Kasi kung wala, handa na akong umalis."
Hindi siya nakagalaw. Natulala na lang din ako sa kanya matapos kong magmatapang na sabihin ang bagay na 'yon.
Kahit na alam ko sa sarili kong hindi ko kaya at mas lalong hindi ako handang talikuran siya lalo na lahat ng mga pinagsamahan namin.
"Kung matapang mo nang masasabi na sila ang pinipili mo o kahit siya na mismo, hindi kita pipigilan, Gab."
Napailing siya at lumuhod sa harapan ko. "Hindi, hon. . . hindi. Hindi ka aalis. Please, I'm sorry. . . hindi na mauulit."
"Kung talagang mahirap na akong piliin kahit sa mga simpleng okasyon o simpleng ganap lang sa buhay natin na hindi mo na magawang bigyan ako ng puwang sa buhay mo, ayos lang."
"Please, Krystal!" nagsimula na rin siyang humikbi at sumubsob sa leeg ko. "Please, don't leave me."
Napangiti na lang ako. "Hindi naman kita iiwan eh. Ako ang iiwanan mo, Gabriel."
Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko at nagsimulang halik-halikan ang noo at ilong ko pati na rin ang magkabilang pisngi ko hanggang sa muli kong naramdaman ang pagdampi ng mga labi namin.
Hindi ako makapaniwalang inaalay ko ang sarili kong pagkadurog sa kaniya ngayon pang birthday ko.
"I'm sorry, Krystal. . . I'm sorry, babe. . . hindi na mauulit. Hinding-hindi na mauulit. Hindi kitang kayang iwanan, babe. Hindi. . . please. . ."
Umiling ako sa kanya kaya humiwalay siya sa akin upang kuhanin ang kamay kong nakakuyom. Pareho niyang hinalikan iyon, paulit-ulit na para bang sa bawat paghalik niya ay ibinubuhos niya lahat ng pagmamahal niya para sa akin.
Mauubos kaya iyon doon?
"Nag-alala lang talaga ako kay Shane. Na hindi ko na napansin yung oras tapos hindi pa ako nakapagtext sayo. Pagod ako ng mga oras na 'yon kaya hindi na rin ako nag-abala kasi nabasa ko naman yung texts mo kaya naisip kong baka umuwi ka na."
Mas lalong nadurog ang puso ko. "Paano pala kung sa labas ako ng restaurant nakatulog sa paghihintay sayo, Gabriel, hindi mo pa rin ba ako itetexts?"
"Hindi," umiling siya. Dama ko ang pagod sa boses niya. "Syempre, ititext kita. Pagod lang talaga ako. Isama pa 'yong pag-aalala ko kay Shane, wala nang mapaglagyan. But I'm sorry. . . I'm really sorry, hon."
Bumitiw ako sa kaniya at tumayo na sa pagkakaupo sa semento.
Wala na akong masabi dahil hindi naman siya nauubusan ng rason. Ayoko na ring pag-awayan pa namin yung mga bagay na hindi dapat pag-awayan.
Pero anong magagawa ko kung ikinakasakit ng dibdib ko yung mga hindi namin dapat pag-awayan?
Bumuga ako ng hangin nang makarating ako sa kuwarto. Nakasunod pa rin si Gabriel sa akin.
"Hayaan mo akong bumawi, hon. Magli-leave ako bukas. I promise. . . I promise, Krystal. Magdi-date tayong dalawa."
Ngunit sa pagkakataong 'yon, masyado na akong ubos para tugunan pa ang plano niya para sa aming dalawa.
Masiyado na akong pagod at siguro dapat hayaan ko na ring lumipas 'yan gaya ng laging nangyayari sa amin.
BINABASA MO ANG
Ocean of Lies
General FictionOCEAN OF LIES [COMPLETED] Krystal and Gabriel have only been waiting for the wedding bells, but what if an unfinished business from the past comes back to make them swim into the depth of ocean of lies? *** Five years of living together, Kryst...