Sa ilang araw kong pananatili sa bahay ni mama, mas naging magaan ang pakiramdam ko. Siguro kasi sa dami nang mga nangyari, alam kong 'pag nagpatuloy pa akong lumaban, baka talagang hindi na kayanin ng pagkatao ko at bumigay ako.
Minsan nang nangyari sa akin iyon at ayoko na sanang maulit. Kaya kahit sa presensya lang ni Mama, nakakalma naman ang utak ko.
Hindi ko na rin pinatay ang telepono ko kaya malaya akong natatawagan nina Dallie. Ayos na rin. Dahil kahit papaano, may nakakausap naman ako. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung babalik pa ba ako o talagang dito na lang ako maghahanap ng trabaho sa Maynila. Sa totoo lang, dito naman talaga ang buhay ko, e. Bago pa kami pumuntang Eldridge at mapadpad sa La Douleur.
Kaya kung may lugar man kung saan ko hahanapin ang sarili ko—dito 'yon.
"'Nak, inom ka muna ng kape," ani Mama.
Napalingon ako sa kanya at napangiti sa baso ng kape na inilahad niya sa akin. Nandito kami sa patio ng bahay nila. Nagpapahangin. Ganitong buhay lang sana yung gusto ko—pinagkait pa. Umiling ako at kinalimutan muna ang tungkol sa bagay na 'yon.
Nandito ako para magpahinga. Hindi para alalahanin kung bakit sinusubukan kong tumakas.
Noong dumating ako rito nung nakaraang araw, hindi ko maiwasang hindi mainggit kay Mama. Mukha na kasi siyang masaya sa pamilya niya ngayon. Kita ko sa mukha niya yung kapayapaan na hindi ko nakita noon. Ang dami kong gustong isumbat sa kanya. Gusto ko siyang sisihin lalo na sa situwasyon ko ngayon.
Tulad ng paano kung hindi siya bumitiw kay Papa at patuloy niya na lang ipinaglaban ang relasyon nilang dalawa?
Hindi na sana namin kinailangang mapunta na magkakapatid sa La Douleur. Hindi ko na rin sana nakilala si Gabriel.
Pero sa tuwing naiisip ko 'yon, binabawi ko rin. Dahil kung hindi kami mapupunta sa La Douleur at hindi ko mararanasan ang lahat ng ito—hindi ko malalaman kung ano nga ba talaga ang pinagkaiba ng fairytale sa reality. Natawa 'ko.
"Kailan ang balik mo sa La Douleur?"
Humigop ako ng kape bago binalingan si Mama. Wala na yung dating bigat sa boses niya sa tuwing nag-uusap kami. Talagang masaya na siya ngayon. Hindi ko maiwasang magkumpara, pero hindi ko inakalang magiging ganito kasaya siya sa iba.
Siguro nga, pinagtagpo lang sila ni Papa. Pero hindi sila ang para sa isa't isa.
"Hindi ko sigurado, Ma. Inaasikaso ko na yung resignation ko sa trabaho ko sa La Douleur. Iniisip ko pa kung dito na lang ba ako maghahanap ng trabaho o sasama ako sa kaibigan ko sa ibang bansa."
Nangunot ang noo niya. "Anong gagawin mo sa ibang bansa?"
Napangiti ako. Gusto ko yung mga ganitong tanong niya. Tunog may pakialam kasi siya sa akin.
"May plano silang magtayo ng business. At gusto nila akong kuhaning business partner nila. Bale, tatlo kaming magpapatakbo no'n. Hindi pa ako sigurado kasi hindi naman ako maalam sa mga ganyan. Employee ako ng isang Real Estate Agency ng limang taon," sagot ko.
Ngayon ko lang naisip na sa limang taon ko do'n, kahit investment man lang para sa sarili naming bahay—wala. Pero kung tutuusin, nitong taon lang din kami ni Gabriel nakabawi-bawi. Walang-wala kasi kami dati, e. Simot na simot kami. Daig pa namin ang may ginagatas kahit na wala pa naman.
Paano pa kaya kung ganito na yung situwasyon namin ta's nagkaanak pa kami? E di nangyari ulit yung dati? 'Yon pa naman ang pinakaayaw ko.
"Bakit hindi mo gawin? Wala namang bagay na hindi napag-aaralan, Krystal. Kung gusto mo talaga ang isang bagay, maghahanap ka ng paraan para magawa iyon."
BINABASA MO ANG
Ocean of Lies
Fiksi UmumOCEAN OF LIES [COMPLETED] Krystal and Gabriel have only been waiting for the wedding bells, but what if an unfinished business from the past comes back to make them swim into the depth of ocean of lies? *** Five years of living together, Kryst...