Kabanata 32

1.3K 55 24
                                    

|Kabanata 32|

Nobyembre 18, 1889

Kahit anong pagsubok ang mapagdaanan at sakit na mararamdaman, magpakatatag ka. Lumaban ka at huwag kang magpapatalo.

Martina







Nang marinig ko ang mga salitang iyon ay saglit akong natigilan at unti-unting iginalaw ang aking ulo palingon sa kaniyang direksiyon.

Nasilayan ko ang kaniyang labing bahagyang nakataas ang sulok dahil sa isang matamis na ngiti. Pati na rin ang kaniyang mga matang mapupungay at tila ba'y kumikislap. Ang kaniyang buong mukha ay maaliwalas at makikita ang saya habang bakas rin ang kuryusidad at paghihintay sa aking sagot.

Tama ba ang narinig ko? Inaaya niya talaga ako ng sayaw? Eh hindi naman ako marunong sumayaw. Baka maapakan ko pa siya at marumihan ang kaniyang sapatos.

Ginalaw naman niya kaunti ang kaniyang kamay nang mapansin niya yatang nakatitig na lamang ako sa kaniya at hindi na kumibo.

Napakurap ako at napatingin sa kaniyang kamay na nakalutang sa ere sa pagitan naming dalawa. Mabilis naman akong napabalik ng tingin sa kaniya at nasilayan ko na naman ang isang ngiting tinitiyak akong magiging maayos lang ang lahat.

Inialis ko na lamang sa aking isipan ang mga negatibong mga pag-iisip at unti-unting itinaas ang aking kamay upang tanggapin ang kaniyang alok saka ko siya nginitian.

Isang tipid na tango ang kaniyang ibinigay at hindi pa rin nawala sa kaniyang mukha ang ngiti niya habang iginigiya niya ako papunta sa gitna katabi ang ibang mga pares ng mga mananayaw. Kasabay niyon ang pag-iba ng musika at naghiwalay na ang mga pares at nakalinya na ang mga binibini na katapat ang mga ginoong kanilang kapareho.

Kasama namin sa pagsasayaw, syempre si Clara na nasa pinakauna at iilang mga binibini na hindi ko kilala. Pangalawa kami sa pinakahuli. Narito rin sina kuya Marco, Carolino at ang magkakapatid na Varteliego maliban na lamang kay Leon. May ibang ginoo rin kaming kasama ngunit hindi ko na sila kilala.

Matapos kong pasadahan ng tingin ang mga mananayaw ay natigil at napatitig naman ako sa isang taong ilang metro lang ang layo sa akin. Kay Joaquin. Ang kaniyang katapat ay si Clara.

Mistulang akong nakuryente sa gulat nang matagpuan kong ang kaniyang mga mata ay nakatutok sa aking direksiyon. Puno ng pagtataka at iniisip kong iyon ay ilusyon lamang kaya kaagad akong napaiwas ng tingin at itinuon iyon sa aking saya.

Bakit naman siya titingin sa iyo, eh nasa kaniyang harapan na nga ang kasintahan niya?

Sinubukan kong lumingon at tignan kung iyon nga ba ay totoo. Kung siya ba ay nakatingin nga sa akin. Ngunit ako ay nagkamali. Sapagkat nakatingin siya kay Clara na may kaunting ngiti sa kaniyang labi na siya rin namang sinusuklian ng babae.

Ayan kasi, Chestinell. Kung ano-ano na lamang kasi ang iniisip mo.

Bumalik nalang ang aking gawi kay Agustin na siya rin ang paglingon sa akin. Ramdam ko rin sa aking loob ang aking puso na hindi mapakali at mukhang sasabog na yata sa bilis ng tibok nito nang maalala ko kung nasa anong sitwasyon ako. 

Hindi ako magaling sumayaw. Hindi ko rin alam kung ano at paano ang sasayawin namin. Baka mapahiya pa ako dito. Dala ko pa naman ang mamahaling pangalan ni Kristina.

Sigurado akong alam niya lahat ng sayaw ng kapanuhang ito. Eh ako, hindi eh. Naku naman.

Napaipit tuloy ako sa aking labi nang nagsimula na ang tugtog at nagsipagyukod na ang bawat isa sa kanilang mga pares.

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon