Kabanata 41

1K 33 16
                                    

|Kabanata 41|

Agosto 8, 1888

           Ang pag-iisang dibdib ay isang sagradong seremonya na ginagawa ng dalawang taong iniibig ang isa't isa. Labis ang aking galak nang masilayan kong simula noong una hanggang sa sandaling ito ang pagmamahalan na namuo at pinagtibay ng panahon nina Tiya Arcela at Tiyo Costavio ay naroon pa rin.

Ako'y natutuwa na kanilang pinili ang pagmamahal sa isa't isa kumpara sa ibang mga bagay at mga hadlang sa kanilang relasyon. Ako'y natutuwa na makitang may kakayahan silang piliin ang kanilang puso kaysa sa kung sino at ano ang dinidikta ng mga tao.

Sana ay balang araw, ako rin. Sana ay magkaroon ako ng pagkakataong pipiliin ang taong aking iniibig na siyang ihaharap at ipapakilala ko sa Manlilikha bilang makakasama ko hanggang sa aking huling hininga. Deja que el amor gane todo.

— Martina




"Anong nangyayari rito?!"

Sabay-sabay kaming napalingon nang marinig ang sigaw ni Dueña Hilda. Matatalas ang kaniyang mga tingin sa amin—lalo na sa akin. Dala-dala niya ang kaniyang patpat at pinansingkitan kami ng mga mata. Nang makita ko nga siya ay nanlamig ang likuran ko at medyo kinilabutan pa ako sa kaniyang tingin.

"H–hah! May dugo sa aking ilong."

Napatili na uli siya na ikinanginig ng mga ngipin ni Dueña Hilda sa pagkainis. Hindi pa rin siya makakilong at gulat na gulat dahil sa nangyari sa kanyang ilong na sinuntok ko. Umaagos pa rin naman kasi ang iilang dugo mula rito.

Ayan, ayan ang napala niya. Siya itong sumugod-sugod sa pamamahay namin at mananakit kaya nararapat lang din na mangyari sa kaniya iyan!

"Pumasok kayong dalawa," utos ng nakakatandang babae. "Bilis!"

Nang dahil sa pagtaas ng kaniyang boses ay napaigtad ako ng kaunti. Pati na rin si Clara ay napalingon sa kaniya at napatitig. Dahan-dahan naman akong inalalayan ni kuya papunta sa mansiyon. Si Clara naman ay tinutulungan ni ate Guada na hindi makapaniwalang sinuntok ko ang babaeng hawak niya.

Nakasunod naman sa amin si Dueña Hilda na naririnig ko pa ang pagpalo-palo niya sa kaniyang patpat sa kaniyang palad.

"Doon, sa azotea."

Nanggigigil ngunit kalma pa rin ang boses ng Dueña nang sinabi niya ang mga salitang iyon. Tinulungan ako ni kuya na umupo sa mahabang upuan na katapat ng pinto ng azotea. Sinuklay naman niya ang mga buhok ko gamit ang mga daliri niya saka inayos iyon sa likuran.

"Ano bang ginagawa mo, Martina? Haya't nagpapagaling ka pa nga mula sa iyong mga pasa, ngayon ay may mga kalmot ka na at sugat," bulong na sermon ni kuya habang inuusisa ang mga braso kong namumula mula sa kalmot at kurot.

"Paumanhin, Kuya," tanging nasambit ko saka at inayos ang aking buhok papunta sa likuran.

"Iwan niyo muna kaming tatlo."

Napahinga ng malalim si kuya saka bahagyang ngumiti sa akin. Tumayo na siya at bumaling kay Clara na natagpuan kong nakatingin pala sa akin. Kaagad kong nilobo ang ilong ko saka umirap at umiwas ng tingin.

Magkasama naman na lumabas ang magkasintahan na lumingon muna sa akin bago tuluyang nawala sa paningin ko. Napabuga ako ng hangin saka itinaas sa upuan at pinahinga ang mga paa ko at nag-unat. Pechay! Ang sakit ng likod ko.

Napalingon naman ako kay Dueña Hilda na narinig kong nagmamadali ang mga yabag niya. Papalapit siya sa akin na nakakunot ang kaniyang noo. Nakapamaywang din siya saka ako tinuro gamit ang kaniyang patpat.

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon