|Kabanata 67|
"Magandang araw po, Don Agaton, Donya Florentina," nakangiting bati ng isang lalaking may edad kina ama at ina nang makarating kami sa harap ng isang gusali, isang simbahan.
Napasimangot ako nang marinig iyon. Totoo nga na maganda ang araw na ito ngunit para sa akin ay wala ng mas ikakapangit pa kaysa sa nangyayari ngayon.
"Magandang araw rin, Mang Topasyo. Kumusta ang inyong paghahanda?" tugon ni Ama sabay tukoy sa kanilang inaayos na lugar na pagdarausan ng kasal. Bukas na iyon kaya naman ay abala ang lahat sa paghahanda.
"Ayos po, Don Agaton. Umaayon ang lahat sa nais. Sinigurado na naming mga kakaunti na lang na mga pag-aayos ang ginagawa ngayon para matapos na ito ngayong hapon. Hali po kayo," aniya sabay lahad sa kaniyang palad sa buong lugar.
Masasabi kong matayog ang gusaling ito na gawa sa mga bato. Mataas ito at sa tingin ko ay katumbas na ito ng dalawang palapag na bahay, mas higit pa nga ng kaunti. Mula rito sa labas ay makikita at masasabi na kaagad kung ano ang kanilang pinaghahandaan. Lahat kasi ng mga nakasabit na tela at bulaklak ay pawang mga puti.
Sumunod naman ako kina Ina na pumasok sa loob. Ang lawak ng espasyo sa loob at maaliwalas dahil walang pader kung hindi ay pawang mga haligi lamang ang naroon sa magkabilang-gilid ng estraktura. Isang dipa lamang yata ang pagitan ng mga haligi sa isa't isa. Mas lalo pang dumami ang mga puting palamuti sa loob. Pati ang mga gilid na bahagi ng mga kahoy na upuan ay mga mga telang nakatabon at mga bulaklak na nakadikit. Hindi ko tuloy mawari kung kasal ba ito o lamay. Kung sabagay, araw rin ito ng kamatayan ni Kristina.
"Sayang at hindi po kayo umabot kina Don Miguel. Nagpunta rin sila rito kanina para tignan ang kalagayan dito."
Kaagad na nagdugtong ang mga kilay ko nang marinig ang pangalang iyon. Ang taong nasa likod ng lahat ng ito. Balang araw lalabas din ang katotohanan at gagawin ko ang lahat upang maranasan niya ang mga bagay na dapt niya maranasan, kabayaran sa laht ng mga ginawa niya kay Kristina at sa pamilyang ito.
"Ayos lamang iyon. Batid ko naman na magugustuhan nila ang lugar na ito at naaayon din sa aming mga nais ang nangyayari."
Sa inaasahan ay walng kaalam-alam si Am na nakangiti pa nang bahagya sa lalaki. Naiinis din ako sa lalaking ito eh. Hindi magawang pakinggan ang anak pero ang kaibigan niyang ahas ay pinaniniwalaan. Kung sa bagay, nabulag siya sa akala niyang kabaitan at sa salitang pagkakaibigan. Sana hindi maging huli ang lahat bago niya mapagtantong tama nga ang kaniyang anak.
"Maligayang bati po sa inyo, Don at Donya. At sa inyong unica hija rin na sa wakas ay ikakasal na. Sana nawa'y tatagal silang magkasama hanggang sa kanilang pagtanda."
Natigil tuloy ang pagtingin ko sa buong paligid nang marinig ang sinabi ng lalaki. Lihim ko na lang siya na tinignan at umiwas na ng tingin. Hindi ko na lang na pinansin ang kaniyang sinabi at bumalik na sa pagtingin sa lugar. Sinagot naman siya nina Ina at Ama na hindi ko na lang din pinakinggan.
"Salamat, Mang Topasyo. Sana ay iyon nga. Iyon din ang aming hinihiling para sa kanila," si Ama.
Habang nagmamasid sa buong lugar ay hindi ko maiwasang maisip ang isang pangyayaring labis na hindi inaasahan ng lahat. Dito namatay si Kristina na walang kalaban-laban. Dito nagsimula ang pagdurusa ng pamilyang ito. May isang silid sa likod ng lugar na ito kung saan nakaupo ako sa panaginip ko at katabi ng silid na iyon ay ang silid kung saaan naroon ang mga inihandang pagkain. At kung saan nangyari ang paglagay ng lason sa aking baso. Si Dueña, alam ko na talaga na may kung ano mang nakapalibot na awra sa kaniya unang araw ko pa lang siyang nakita. Hindi nga ako nagkamali, siya pala ang papatay sa akin. Pagkatapos ng lahat ng mga pagtuturo at pangaral niya sa akin papatayin lang pala ako. Parang hayop, aalagaan muna at ihahanda upang pagdating ng okasyon kakatayin na. Ang galing.
BINABASA MO ANG
Sa Taong 1890
Ficción históricaSiya si Chestinell Del Veriel Cavillian. Mula sa taong 2020. Isang babaeng laging nasa mali-tingin ng kanyang pamilya. Ninais niyang mawala ang paghihirap sa buhay niya. Nagkaroon siya ng pagkakataong makapunta sa nakaraan upang maitama ang mga baga...