Kabanata 64

775 25 13
                                    

|Kabanata 64|


                 Lumabas na si Isay ng silid habang naiwan naman akong nakatulala at nakatingin sa papel na nasa harap ng aking mukha. Sunod-sunod ang naging paghinga ko ng malalim kasabay ang pag-iba ng lasa ng aking bibig. Halos masamid nga ako nang pilit kong pinipigilan ang sarili ko.

               Ang akala ko ay hindi na ako muli pang iiyak dahil matatanggap ko na ang bagay na ito pero nagkamali ako dahil tumulo na naman ang mga luha kong akala ko'y ubos na mula sa pag-iyak dahil sa nangyari kay Agustin. Kasabay ng panginginig ng mga kamay ko ay ang siyang pagkalabog pa lalo ng aking puso.


· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·

Abril 27, 1890

              Binibining Martina,

             Magandang araw, Binibini. Sana ay maayos lamang ang iyong kalagayan diyan. Alalahanin mong walang araw na hindi kita inisip. Laman ka lamang nito hanggang sa ako ay matulog. Nais ko na sanang makita kang muli ngunit nakatitiyak ako ikakalagay mo lamang iyon sa kapahamakan.

           Hinihiling ko ring sana ay magkakaayos na kayo ng iyong ama. Hindi ko akalaing aabot siya sa ganoon upang pigilan lamang ang iyong kagustuhan. Sana ay malaya kang iibig sa taong nais mong ibigin. Kung sana ay maibabalik ko lamang ang panahon ay mas magiging matapang pa ako upang aminin ang nararamdaman ko para sa iyo at haharapin ko ang iyong ama. Ngunit, alam kong huli na ang lahat. Mas pagtutunan ko na lamang ng pansin ang mga bagay na nasa kasalukuyan.

          Masaya ko ring ibabalitang gumagaling na si Ama at nakikita ko na rin ang mga ngiti ni Ina. Masaya akong masaksihan ang mga ito dahil bukod sa iyo ay sila rin ang nagpapalakas ng aking loob at nagbibigay sa akin ng pag-asa. Ginagawa naming magkakapatid ang lahat upang kahit papaano ay makabalik kami sa dati naming pamumuhay, ngunit batid kong malayo-layo pa iyon. Ngunit, hindi ako nawawalan ng pag-asa dahil alam kong kahit malayo pa iyon ay darating ang panahong iyon.

         Hindi ko rin maaaring sulatan ang iyong mga kapatid dahil alam kong ikakapahamak pa nila kapag mayroong nakaalam. Hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag nadamay pa sila sa kaguluhang ito. Gagawin ko ang lahat hindi lamang madudungisan ang kanilang mga pangalan. Kung kaya naman ay maaari mo ba akong ikamusta sa kanila? Sana ay maayos lamang ang kanilang mga kalagayan.

        Susulatan kitang muli, mahal ko. Mag-iingat ka palagi at huwag kang mabahala. Ipahinga mo ang iyong sarili at damdamin.

        Iyong-iyo,

        Mateo Quilario

· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·


          Binuksan ko pa ang ibang mga liham na namumugto ang mga mata. Mas masakit pa pala dahil ngayon ay nalaman ko na ang kalahati ng katotohanan kung bakit siya bumitaw. Mas lalo pa akong nadurog nang mabasa kung paano na lamang siya naghintay at umasang magkaroon ng tugon ng kaniyang mga sulat kasabay ng pagkalito kung bakit hindi ko na ginagawa iyon.

          Sa mga sumunod niyang mga liham ay puro pangungumusta at pagkalito ang laman ng mga iyon. Hindi ko masisisi ang kaniyang kalungkutan at pagkawalan ng pag-asa sa kaniyang mga sulat dahil kung ako rin naman ay ganoon din ang aking mararamdaman. Ngunit, ang masakit doon ay hanggang sa dumating ang araw na ito ay hindi ko man lang naipaliwanag sa kaniyang ang nangyari.

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon