Kabanata 33

1.3K 47 7
                                    

|Kabanata 33|

Nobyembre 10, 1887

Ang iyong ngiti ang gamot sa aking mga pagdaramdam
Ang iyong pagtawa'y tila musikang aking pinapakinggan
Hinihiling kong balang araw, hindi lang ako hanggang pagtanaw
Balang araw, maririnig ko rin ang pintig ng iyong puso
Balang araw, ipapahinga ang damdamin sa iyong yakap at haplos
Balang araw

— Martina


"Magandang umaga po!"

Binati ko silang lahat ng nakangiti nang madatnan sila sa kainan. Nakaupo na sa bawat upuan nila at nagkasabay silang lumingon sa akin.

Magkasabay rin naman na nagsipagngiti sina kuya nang makita ako. Mas malapad naman ang ngiti ni Ina matapos na ilapag ang isang mangkok ng ulam.

"Magandang umaga rin, anak. Umupo kana na't tayo ay kakain na," aniya na masaya ko namang ginawa. Nginitian ko naman si Tiya na nakaupo sa tabi ko.

Hindi naman mawawala ang napakaseryosong mukha ni Ama na hindi man lamang lumingon o tumingin sa akin.

Hmm, hindi bale. Nasanay na rin naman ako.

Inilapag na ng mga tagasilbi ang huling mga pagkain na inihanda at magkasabay silang pumuwesto sa likuran.

Nagsipagyuko na kami at nagsimula ng magdasal si kuya Lucio. Nakapikit silang lahat maliban sa akin. Pinagmasdan ko ang bawat isa sa kanila ng may ngiti sa labi.

Hindi ko aakalaing mapapabilang ako sa kanilang pamilya. Napamahal na sila sa akin. Nasasabik na akong makasama sila ng matagal at makagawa ng maraming alaala kasama sila.

Magkasabay kaming nagsipag-amen at tahimik na nagsipagkuha ng mga pagkain. Kagaya ng nakasanayan, wala ni isang nagsalita na tila ba nag-iisa lamang na kumakain. Tanging mga kubyertos lamang at mga plato ang gumagawa ng ingay sa tuwing nagtatama sa bawat isa.

Kasalungat ang kainan na ito sa amin sa hinaharap. Ang iingay naman kasi nina Kiann, Yesha at Yanna. Tapos nagkekwentuhan pa sina Mama at Papa sa kung ano-anong bagay. Minsan nakikikwento o tawa rin naman ako pero kadalasan talaga nakikinig lang ako sa kanila.

"Ano ang pagkakaabalahan ninyo ngayong araw na ito?"

Tila nakaplano na sapagkat sabay-sabay kaming nagsipag-angat ng ulo nina kuya nang marinig namin ang boses ni Ama.

Nagkatinginan kaming apat kasabay ng pagtama ng mga kilay sa isa't isa, sinisiguro sa pamamagitan ng mga tingin kung tama ba ang narinig namin. Lalo na si kuya Marco na kunot na kunot talaga ang noo dahil sa pagkalito.

Sabay rin naman kaming nagsipagkibit-balikat at unti-unting lumingon sa gawi ni Ama. Tila ba ay hindi man lamang siya naapektuhan sa naging reaksiyon namin at patuloy lamang sa pagkain, at ni hindi man lamang nag-angat ng tingin.

Napapunas muna ng labi si kuya Lucio gamit kaniyang serbiliyeta bago nagsalita.

"Paroroon ako sa rancho mamaya, Ama. Darating ngayong araw ang dalawang kabayong ating binili."

Tipid na napatango si Ama dahil sa narinig. Ilang sandali pa ang kaniyang inangat ang kaniyang ulo at napatingin kay kuya Lucas na tahimik lamang sa pagsusubo.

"Ikaw, Lucas, mayroon ka bang lakad ngayon?"

Napatigil si kuya sa pag-nguya at napamilog ang kaniyang mga mata. May pagtataka niya tinignan mula sa gilid sa Ama at kasabay niyon ang pag-inom niya ng tubig.

"Opo, Ama. Paroroon ako sa tanggapan sapagkat marami akong pasyenteng kailangan aasikasuhin," tugon niya sabay lapag ng baso.

"Ako naman po ay may dadalawin sa sentro ng bayan," kaagad na singit ni kuya Marco sabay ngisi.

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon