|Kabanata 60|
Naalimpungatan ako nang naramdaman kong may yumuyogyog na sa braso ko. Kaagad akong napadilat at nakita ang isang babaeng sa tabi ko na hawak ang aking braso. Kunot-noo lamang ang naibigay ko sa kaniya at napatingin sa buong paligid. Nasa barko pa ako.
"May naghahanap sa iyo sa labas. Iyon yata ay iyong Lolo?" aniya pa kaya mabilis akong napabangon at lumabas mula roon. Napatingin naman ako sa aking kaliwa nang may nakatayo at nakita ko si Mang Tomas na may hawak na lalagyan ng tubig at isang telang may umbok. Napalingon naman siya sa akin at ngumiti.
"Magandang hapon, Binibini," bati niya kaya nalaki ang mga mata ko. Pechay, hapon na?! "Napasarap ang inyong tulog at alas dos na kayo nagising ah. May dala akong tubig at tinapay. Kainin mo ito," aniya saka inabot ang kaniyang mga hawak. Nginitian ko naman siya saka tinanggap ang mga iyon. Napailing na lang ako sa sarili ko dahil hindi ko inakalang magigising ako ng hapon. Itinuro naman niya ang gilid ng barko kaya nagtungo kami roon. "Ilang minuto pa ay dadaong na itong bapor sa isla ng Maniuaya. Doon na ako baba at aalis din kaagad ang barko patungong Santa Cruz. Naroon ang bayan ng De Alrazon."
"Malayo po ba rito ang Santa Cruz?" tanong ko saka kumain uli ng tinapay.
"Ilang minuto pa ang lalayagin ninyo ngunit malapit naman iyon dito," tugon niya. "Pasensya ka na, Binibini, at hindi kita masasamahang hanapin si Joaquin. Ngunit, ipagdarasal kong mahanap mo siya."
"Huwag kayong humingi ng tawag, Mang Tomas. Naiintindihan ko po kayo at alam kong mahalaga rin ang inyong lakad. Huwag po kayong mag-alala, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mahanap siya at ikukumusta ko kayo sa kaniya."
"Maraming salamat, Binibini. Mag-iingat ka roon ha."
"Opo, Mang Tomas." Inubos ko na ang tinapay pati na rin ang tubig. Binigay ko naman uli sa kaniyang ang lalagyan ng tubig saka nagpasalamat.
Hindi rin nagtagal ay dumaong na kami sa isla na sinasabi ni Mang Tomas. Inayos na niya ang kaniyang mga gamit at nagpaalam na ako sa kaniya.
"Maraming salamat po sa pagtulong niyo sa akin, Mang Tomas. Hindi ko ito malilimutan."
"Walang anuman, Binibini. Mag-iingat ka sa iyong lakad at huwag kang magpapaloko sa mga tao sa paligid. Sana rin ay makauwi ka sa San Luisiano na nasa maayos na kalagayan," aniya kaya kaagad akong napatango.
Isa-isa nag nagsibaba at alis ang iilang mga pasahero na kagaya ni Mang Tomas na titigil na rin dito. Nagpaalam ng muli si Mang Tomas at umalis na rin siya. Tinanaw ko na lang siya at kinawayan ang kaniyang papalayong pigura. Nang makatapak siya sa daungan ay lumingon siyang muli sa akin na nakatayo sa dulo ng barko saka nakangiting tumango. Tumango rin ako sa kaniyang habang nakangiti at ilang sandali pa ay tuluyan nang naglakad muli si Mang Tomas papalayo sa barko at daungan.
Kalahating oras yata ang hinintay bago muli lumayag ang barko dahil nagpasakay pa ng ilang pasahero. Muli na lang akong bumalik sa aking tinulugan at inayos at inihanda ang sarili para sa lakbay ko. Nagpalit na rin ako ng damit na ikatlo sa pares ng damit na aking dala. Tatlong pares ng damit ang aking dinala para kahit papaano ay maging malinis at maaliwalas ang aking pakiramdam. Parehong terno ng camisa at saya lang ang mga iyon kaya hindi malaki ang bolso na aking dala.
Lumabas na uli ako at nagpahangin sa may dulo ng barko. Hindi ko naman maiwasang kabahan sa anumang posibleng mangyari sa lakad ko. Hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman ko ngunit naroon ang kislap ng saya sa puso ko nang isiping muli ko nang makikita at makakausap ng personal si Joaquin. Ang daming tanong ang nagsisulputan sa aking isipan na nais kong maitanong sa kaniya. Kumusta na kaya siya? Magiging masaya kaya siya kapag nakita ako? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Ano kaya ang kalagayan ng kanilang pamilya? Bakit hindi na niya ako pinadalhan ng liham?
BINABASA MO ANG
Sa Taong 1890
Ficção HistóricaSiya si Chestinell Del Veriel Cavillian. Mula sa taong 2020. Isang babaeng laging nasa mali-tingin ng kanyang pamilya. Ninais niyang mawala ang paghihirap sa buhay niya. Nagkaroon siya ng pagkakataong makapunta sa nakaraan upang maitama ang mga baga...