Kabanata 53

916 27 13
                                    

|Kabanata 53|


“Kristina, anak?” 

Agad akong napatingin sa pinto nang marinig ko ang boses ni Ina. Kaagad kong inilapat ang mga kubyertos at uminom ng tubig. Narinig ko ang ingay ng ilang susi mula sa labas senyales na binubuksan ang silid. Maya-maya pa ay bumukas iyon at bumungad si Ina na naglakad papasok. Kaagad ko siyang nginitian at saka tumayo. 

“Huwag ka nang mag-abala pa, Kristina. Magtuloy ka lang sa iyong pagkain,” mabilis na aniya kaya umupo na lang din ako pabalik. 

Nginitian ko naman siya na huminto sa harap ko. Tinuro ko naman ang isang upuan na nasa kaliwa ko. 

“Upo po kayo, Ina.”

“Ayos ka lang ba, anak? Nasaktan ka ba?” 

Mula sa pagkuha ko ng pagkain ay napalingon ako kaagad sa kaniya. Anong—marahil ay alam na niya ang nangyari dahil hindi niya ako nakita sa baba. 

Ngumiti ako. “Ayos lamang po ko, Ina. Hindi naman po ako sinaktan ni Ama, ng pisikal.” 

“Hindi ko akalaing ika’y ikukulong niya rito. Ngunit, huwag kang mag-alala dahil tiyak akong nadala lamang siya sa kaniyang pagkabigla at damdamin,” aniya saka ako hinawakan sa braso. “Batid kong paulit-ulit ko lamang na sinasabi ito ngunit wala pa ring nangyayari, pero huwag kang mabahala sapagkat kakausapin ko siya at gagawin ko ang lahat upang mabago ang kaniyang pasya.” 

Agad akong napatigil at mabilis na umiling. “Huwag mong sabihin iyan, Ina. May nangyayari, Ina. Napipigilan at napapakalma mo si Ama. Ngunit sadyang mas nangingibabaw lang talaga ang mga kagustuhan niya,” pagtitiyak ko sa kaniya. 

“Pero, Ina, huwag niyo na po pahirapan ang sarili ninyo. Ayaw ko lang po na madamay kayo, kayo nina Kuya. Mas masasaktan ko lang kayo kapag kayo po ang humaharap kay Ama kasi kayo ang mas naapektuhan sa nangyayari,” wika ko. “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga ginagawa mo sa akin, Ina. Ramdam na ramdam ko po ang pagmamahal ninyo. Kaya po, Ina, hihilingin ko po sa inyo na hayaan niyo po akong ako mismo ang mag-iiba ng pananaw ni Ama.” 

Hinaplos naman niya ang pisngi ko. “Gustuhin ko man na hayaan ka, anak, ay hindi ko magagawa. Masakit sa akin na makita kang magdusa na mag-isa. Bilang Ina, hindi ko matitiis na makita kang nasasaktan. Kaya pakiusap, Kristina, anak huwag mong hilingin sa akin iyan.” 

“Pero, Ina…” 

“Hindi, anak. Anak kita at gagawin ko ang lahat para sa iyo.”

Namumuo na ang mga luha ko sa aking mga mata nang yakapin ko siya. Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan si Ina na laging nariyan para sa akin. Sobrang palad mo, Kristina, ay may Ina kang kagaya niya. 

“Siya, sige na. Magpatuloy ka na sa pagkain. Hindi tayo mag-iiyakan dito,” aniya sabay tawa kaya natawa na rin ako. 

“Labis akong nagulat sa naging anunsiyo kagabi. Ang akala ko ay nananaginip lamang ako,” biglang sabi ni Ina kaya nginitian ko siya ng kaunti. 

“Ako rin po, Ina. Hindi ko akalaing magagawa iyon ni Ama.” 

“Hanggang nakarating kami sa aming silid ay hindi ko siya tinantanan sa pagtatanong. Ngunit, ang lagi naman niyang sinasabi ay para iyon sa iyong kapakanan.” 

Nanatili lang akong tahimik at pinakikinggan siya.

“Batid mo ba ang kinakatakot ko?” aniya kaya dahan-dahan akong umiling. “Kilalang-kilala ko ang iyong Ama. Kapag pinagpasyahan niya ang isang bagay wala ng makapipigil pa roon at mangyayari’t mangyayari talaga iyon.” 

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon