Warning: this story contains disturbing scenes. I do not recommend this story if you are going through something painful. This story might trigger you. Reader discretion is advised.
ANO ang gagawin mo kapag nasa pinakamababang punto ka na ng buhay?
Ako kasi . . . wala na akong maisip na paraan upang iakyat ang buhay ko pataas. Gusto ko nang manatili rito sa baba, sa dilim. Gusto ko nang humiga at hindi na bumangon pa. Nais ko nang pahintuin ang paghinga. Dahil nais ko nang mamatay.
Ano pa ba ang silbi ng buhay?
Ang sagot ko r'yan . . . wala nang halaga ang buhay kung wala na iyong taong dahilan para mabuhay. Oo, wala na akong dahilan pa upang ipagpatuloy ang pagmulat ng aking mga mata. Wala na siya. Iniwan na niya ako.
Unti-unti akong tumungtong sa upuan na nasa gitna ng kuwarto ko. Blanko ang isipan ko habang marahang hinahawakan ang lubid na tinali ko sa kisame. Nanlalabo na rin ang mga mata ko dahil nais kumawala ang luha mula roon. Nang tuluyan na akong pumikit ay nagsihulugan na ang mga ito.
Mahigpit ang hawak ko sa lubid habang inilalagay ko ito sa leeg. Wala na akong ibang iniisip pa sa mga oras na ito. Ang gusto ko lang ay maglaho na sa mundo. Pagod na pagod ako. Hindi ko na kayang ipaglaban pa ang buhay ko.
"S-sorry, hindi ko na . . . kaya. Suko na ako," lumuluha kong sabi.
Pikit mata kong pinakiramdaman ang sarili ko. Walang bahid nang pag-atras ang isipan at katawan ko ngayon. Sang-ayon ang buong pagkatao ko sa gagawing pagpapakamatay.
Nang matagumpay kong maipuwesto ang lubid sa lalamunan ko ay napagdesisyunan ko nang ihulog ang sarili sa upuan. Bahagya ko pang sinipa ang upuang kahoy palayo sa akin.
Nanindig ang balahibo ko nang maramdaman ang labis na sakit na nagmumula sa leeg ko. Nanlaki ang mga mata ko dahil nahihirapan na akong huminga. Kasabay nang panginginig ng katawan ko ay ang walang humpay na paghampas ng mga paa ko sa ere.
"Mama! Mama! Mama!"
Hindi ko inasahan ang biglang pagsulpot ng batang babae sa loob ng kuwarto ko. Ang anak ko. Agad niyang kinuha ang upuan at sumisigaw na nilagay iyon sa paanan ko. Umiiyak na rin siya habang pilit akong pinapababa. Nang makita ko ang labis na paghagulgol niya ay walang pagdadalawang isip kong tinulungan ang sariling makaalis sa madilim kong sitwasyon.
"Mama! Baba ka na! Mama! Ano ginagawa mo? Mama!" sunod-sunod niyang pasigaw na sabi.
Namanhid ang buong katawan ko pero hindi ko pinanatili ang sarili sa ere. Pilit kong tinatanggal ang lubid sa leeg ko. Naramdaman ko pa ang kamay ng anak ko sa paa ko. Buong tiyaga niyang tinatapat ang paa ko sa upuan. Napapikit ako sa sakit dahil hindi ko matanggal ang sarili sa pagkakabigti, mas lalo pa ngang humigpit ang lubid sa leeg ko.
Kahit hindi ko nakikita ay rinig ko ang mabilis na pagtakbo ng anak ko sa labas ng kuwarto. Pagbalik niya ay mayroon na siyang inaabot sa akin na kutsilyo. Nang makuha ko iyon ay buong lakas kong pinutol ang lubid sa pagkakatali sa kisame. Kasabay nang paglaglag ng kutsilyo ay ang pagkahulog ko sa sahig. Tumama pa nga ang katawan ko sa upuang kahoy kaya nagdulot iyon nang nakakapang-iyak na sakit sa akin.
Kahit nakapikit ay ramdam ko ang presensya ng anak ko sa gilid. Habol-habol ko ang hininga habang humahagulgol ako. Rinig ko rin ang pagsabay ng anak ko sa akin.
"Mama, a-ano po 'yon?" umiiyak niyang tanong.
Tinulungan ko ang sarili sa pag-upo. Hindi ko na ininda ang sakit ng katawan ko. Dagli akong yumakap sa anak ko at hinaplos-haplos ang likuran niya.
"S-sorry, anak. P-pagod na kasi si mama," nauutal kong sabi. Tumugon din siya sa yakap ko. Hindi siya matigil sa pag-iyak gayon din ako. "H-hindi na uulitin ni mama. Promise," dagdag ko pa.
"Mama! H'wag mo po 'kong iiwan. W-wala na nga po si daddy, tapos aalis ka na rin!"
"Oo, anak, hindi ka iiwan . . . ni mama."
Pagkaharap ko sa kanya ay pinahiran niya ang mga luha ko. Hindi nga ako namatay sa pagbibigting iyon pero tila ba mas pinapatay ako ngayon ng katotohanang nasaksihan ng batang ito ang pagpapakamatay ko. Hindi niya dapat nakita ang pangyayaring iyon. Mag-iiwan iyon ng takot sa kanya hangga't nabubuhay siya.
Patawarin mo ako, Ada.
Muli ko siyang niyakap at pinatahan sa pag-iyak niya. Ipinagsawalang bahala ko ang pisikal na sakit na bumabalot sa katawan ko. Ang mahalaga sa mga oras na ito ay ang anak ko. Napakawalang kwenta kong tao. Napakahina at napakatanga.
Galit ako. Galit na galit ako sa sarili ko. Gayon na rin sa kanya. Galit ako sa lalaking dahilan ng plano kong pagpapakamatay. Kung lumaban siya, kung hindi siya sumuko, hindi ko sana mapagpaplanuhang patayin ang sarili ko. Kung mahina ako, mas mahina siya. Paano na ako? Paano na kami ng anak niya. Iniwan niya kami. Wala siyang paninindigan.
BINABASA MO ANG
One Last Dance (COMPLETED)
General FictionLove is the bright skyline on someone's dark path. It can turn what was once a lonely life into a life that is suddenly worth living. *** Mula noong nalugmok ang mundo niya sa kadiliman dahil sa nakagugulat na pagkawala ng kanyang ama. May kaisa-i...
