Epilogue

96 6 3
                                    

WALANG awa ang mundong ito.

Iyan ang patuloy kong sinasabi sa sarili ngayon. Naghahanap ako ng sisisihin sa mga nangyayari sa buhay ko. Napakarami ko na ngang kasalanan. Una, kinuwestiyon ko ang Diyos. Pangalawa, naisipan kong patayin ang sarili ko. Pangatlo, sinisisi ko si Ulysses, sinasabi ko sa sarili kong napakahina niyang tao. Wala siyang paninindigan.

Pilit kong pinapatahan sa pag-iyak si Ada. Nakayakap ako nang mahigpit sa kanya habang hinahagod ang likod niya. Wala na akong maisalita dahil biglang lumutang ang isipan ko.

Hanggang nakita ko na lang sina Mama Reyna at Papa Eugene na patakbong pumasok dito sa kuwarto. Nakita nila ang lubid na kinabit ko sa kisame para gamitin sa plano kong pagpapakamatay. Nagpapalit-palit ang tingin nila roon at sa amin ni Ada.

"Jusko, Yara!" sigaw ni Mama Reyna nang tuluyang rumehistro sa isipan niya ang ginawa ko.

Kinuha ni Papa Eugene si Ada at pinatahan. Tumabi naman sa akin si Mama Reyna at niyakap ako. "Jusko ka! Ano'ng plano mo? Magpapakamatay ka? Yara! Gumising ka nga! Bakit mo ginagawa ito?" umiiyak na tanong ni Mama Reyna.

Tumigil ako sa pagluha saka napatulala na lamang. "H-hindi ko po kaya na wala siya," utal kong sabi.

"Kaya mo, Yara. Mag-isip ka nang maayos ngayon. Lahat naman tayo rito nasasaktan sa pagkawala ni Ulysses pero hindi mo kaylangang kitilin ang buhay mo para lang matigil na 'yong sakit. Yara, magagalit sa 'yo ang anak ko sa ginagawa mo!"

"Galit din po ako sa kanya!" sigaw ko. "Bakit ganoon na lang kadali sa kanyang isuko buhay niya!"

"Hindi siya sumuko, Yara. Lumaban si Ulysses. Pinilit niya. Huwag mo siyang sisihin dahil hindi niya ginustong bawian siya ng buhay."

Napahagulgol muli ako. "Ma! Paano na ako? Paano na si Ada? Hindi ko kayang tanggaping wala na siya. Hindi p'wede 'yon."

"Tahan na. Narito kami. Tanggapin na lang natin, Yara. Huwag tayong maging makasarili. Isipin natin na hindi na makararamdam ng sakit si Ulysses. Makapagpapahinga na siya. Huwag mo na ulitin itong ginawa. Huwag kang maging makasarili. Kaylangan mong mabuhay para kay Ulysses. Iyon ang gusto niya. At hahayaan mo bang mawalan ng mama si Ada? Huwag mong iparamdam sa batang ulila siya. Higit ka niyang kaylangan sa mga oras na ito."

Pumikit ako at niyakap din nang mahigpit si Mama Reyna. Naramdaman ko rin ang pagyakap sa akin ni Ada. Bumulong ang bata sa aking mahal na mahal niya ako.

Kalaunan ay nahinto na ako sa pag-iyak. Walang lakas akong nakaupo sa sofa. Nakatitig ako sa naka-off na telebisyon. Si Ada ay natutulog sa tabi ko. Ang ulo niya ay nakasandal sa hita ko.

Mula rito ay narinig ko ang usapan nina Mama Reyna at Papa Eugene tungkol kay Ulysses. Dahil halos isang linggo na ang lumipas ay nailibing na ang asawa ko sa isang private cemetery. Noong mga oras na iyon ay hindi ako mapatahan. Kaya habang binababa ang kabaong niya sa ilalim ng lupa ay halos himatayin ako.

Gabi-gabi akong hindi makatulog. Wala akong ganang kumain. Hindi na bumuti ang kalagayan ng mga mata ko dahil araw-araw itong namumugto. Palagi na ngang akong nahihilo kaiiyak. Panay din ang pagsuka ko.

Marahan kong binaba ang ulo ni Ada sa pagkakapatong sa hita ko. Mabagal akong lumakad papunta sa kuwarto. Napatingala ako sa kisame. Nanindig bigla ang balahibo ko nang makita ko sa isipan ang kalagayan ko kanina. Ngayon ay nagsisisi na akong plinano kong patayin ang sarili ko.

Naupo ako sa kama namin ni Ulysses. Pilit akong ngumiti habang nakatitig sa gawi ng kama kung saan ang puwesto ng asawa ko tuwing natutulog. Naninikip na naman ang dibdib ko at may bumabara sa lalamunan ko. Kaysa muling umiyak ay inalis ko na lamang ang tingin sa kama. Tumulala ako sa kawalan.

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon