05

82 4 0
                                        

ISANG buwan kong hinayaang manligaw sa akin si Ulysses at matapos niyon ay sinagot ko na siya. Hindi ko na pinatagal pa dahil kitang-kita ko sa kanya kung gaano siya kadeterminado sa nararamdaman sa akin. Noong araw na sinagot ko siya ay tuwang-tuwa siya at sympre ako rin. Aaminin ko namang mayroon na rin akong nararamdaman sa kanya. Gusto ko na rin siya, gustong-gusto.

Sa mga araw at oras na nagkakasama kami ay mas nakikilala ko siya. Ngayon ay may ideya na ako sa mga ayaw at gusto niya. Alam na rin niya ang mga bagay tungkol sa akin na si Daleyza lang ang may alam. Ang nakatutuwa pa ay magkaibigan na rin sina Dayleza at Ulysses. Mas lalo silang nagkasundo dahil pareho silang matalino.

Wala na akong hihilingin pa kay Ulysses. Kasi kahit hindi ko sabihin ang mga bagay na gusto ko ay binibigay niya. Sa maraming buwan na nagdaan ay walang araw na nag-away kami. Nanibago nga ako dahil sobrang gaan ng relasyon namin. Consistent si Ulysses, kung ano siya noong nanliligaw ay ganoon pa rin siya noong kami na. Natulungan din niya ako sa pag-aaral ko. Mas magaling pa nga siyang magturo kaysa sa mga prof ko. Sa tulong niya kasi ay nakakuha na ako nang mataas na grado. Ang pinakamataas kong grado sa isang subject ko ay 1.25 at ayos na sa akin iyon.

Final examination week ngayon kaya tutok ako sa pag-re-review. Hindi kami madalas nagkikita ni Ulysses dahil pareho kaming naka-focus sa pag-aaral. Kaylangan kong maipasa ang lahat ng exam ko para maka-graduate. Siya naman ay kaylangan makakuha nang mataas na scores sa exam para tuluyan na niyang makamit ang nais niyang karangalan. Ang maging summa cum laude.

"Pa, labas na po ako. Nakahanda na r'yan 'yong umagahan mo," sabi ko kay papa na nakaupo ngayon sa kusina. Nagtaka nga ako dahil noong nakaraang araw pa siya balisa. Panay din ang pagkakaroon niya ng lagnat dahil siguro sa sobrang pagod sa trabaho.

Nang hindi siya umimik ay nagpunta ako sa kusina. Tumingala siya sa akin. Pinunasan pa niya ang nagpapawis niya noo at saka ngumiti sa akin. "Ingat ka sa pagpasok, 'nak. Kulang pa ba baon mo? Kunin mo wallet ko roon sa ibabaw ng telebisyon, dagdagan ko baon mo," aniya.

Imbes na tumugon ay kinapa ko kaagad ang noo ni papa. Ikinatayo ng mga balahibo sa braso ko ang naramdaman kong init ng temperatura niya. Nilalagnat na naman siya. Parang noong nakaraang araw lang ay ganito rin siya.

"Pa! Taas ng lagnat mo," nag-aalala kong sabi. "Hindi muna ako papasok. Aalagaan muna kita, Pa," dagdag ko.

Inalis niya ang pagkakahawak ko sa noo niya. "May exam ka, 'nak. Ako na bahala sa sarili ko. Madadaan ito sa gamot. Saka papasok ako sa trabaho, 'nak. Kaylangang-kaylangan ng empleyado ngayon sa factory," determinado niyang sabi.

"Ganito na lang, Pa. Pagkatapos ng exam week, sasamahan kitang magpa-check up sa doctor."

"Nagpatingin na ako."

"Ano'ng sabi, Pa?"

"Niresetahan lang ako ng gamot para sa lagnat," sabi niya sabay pagtayo. "Susunduin ka ba ni Ulysses?" tanong niya.

"Opo"

"Kung ganoon lumabas ka na at doon mo hintayin ang boyfriend mo."

"Pa, huwag ka na pumasok, please."

Tinapik niya ang balikat ko. "Mainit lang ako pero wala akong nararamdamang sakit ng ulo. Kayang-kaya kong kumilos nang maayos. Ang intindihin mo sa ngayon, 'yang exam mo. Gusto ko nang umakyat ng stage sa graduation mo," malawak ang ngiting sabi niya.

Nang may pumasok sa isipan ko ay napayuko ako. "Si mama pala? Nalaman mo na ba kung nasaan siya, Pa?"

Napansin ko ang biglang paglungkot ng itsura niya. Ang mga mata niya ay tila ba sinasagot na ako kaagad, sagot na hindi ko magugustuhan. "Pasensya na, 'nak. Ayaw sabihin ng mga kaibigan niya kung nasaan siya ngayon. Sinubukan ko rin na puntahan ang tita mo, pero nanahimik lang siya."

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon