04

90 4 0
                                        

DUMAAN na ang tatlong buwan pero hindi pa rin nagpapakita si mama sa amin. Sinubukan kong puntahan si tita para itanong kung nasaan na si mama ngayon. Ang tanging sinabi lang niya sa akin ay wala siyang alam. Pero hindi ako kumbinsido dahil halata naman sa kanyang nagsisinungaling siya. Nagbigay na lamang si tita sa akin ng pera pandagdag sa tuition fee ko. At napagpasyahan kong hindi na ulit ako pupunta sa kanila. Kung kinukunsinti niya ang kapatid niya, konsensya na niya iyon.

Mas lalo ko namang hindi nakausap nang matino si papa. Palagi kasi siyang nasa trabaho at panay overtime pa. Kinukumusta lang niya ako at binibigyan ng allowance. Sa totoo lang hindi sapat iyong presensya ni papa para maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Kasi araw-araw kong nararamdaman na ulila ako.

"Papa, papasok na po ako," sabi ko habang sinusuot ang sapatos ko. Nang hindi umimik si papa ay lumapit ako sa kanya. Abala siya sa pagbibilang ng sahod niya. Napansin naman niya ako kaya tumingala ito sa akin.

"Binigyan na kita ng baon kagabi hindi ba?" tanong niya.

"Opo"

"May kaylangan ka pa ba? Kulang ba? Sandali iba-budjet ko lang ito kapag may sobra sa iyo na," saad niya.

Naupo ako sa tabi niya. Tahimik lang ako habang pinapanood siyang nagsusulat sa isang notebook. Biglang bumigat ang pakiramdam ko nang makita ang mga sugat sa kamay ni papa. Marahil gawa iyon ng trabaho niya. Sa factory kasi ng mga bakal siya nagtatrabaho. Pansin kong nahihirapan siya sa trabahong iyon pero hindi siya nagreklamo sa akin. Sinabi ko sa kanya noon na maghanap na lamang siya ng trabahong hindi magdudulot nang labis na pagod sa kanya. Ang palagi naman niyang sinasabi ay kapag hindi ka nakapagtapos ng kolehiyo tanggapin mo nang wala kang mahahanap na trabaho na paupo-upo lang. Saka malaki raw kasi ang sahod sa trabaho niya ngayon at kapag nawala ang trabahong iyon sa kanya ay hindi na niya ako masusuportahan sa pag-aaral.

"Ito 'nak, dagdag," sabi ni papa sabay abot ng isang daan sa akin. Imbes na tanggapin iyon ay agad ko siyang niyakap. Napalunok ako habang pinipigilan ang pagluha.

"Salamat, Papa. Salamat kasi hindi mo ako iniwan. Pangako ko sa 'yo, kapag nakapagtapos na ako, ibibigay ko lahat ng gusto mo. Kahit ano, kahit malaking pera ang kaylangan kong gastusin maibigay lang 'yon, ayos lang. Kasi, Pa, sobrang laki ng utang na loob ko sa 'yo. Malapit na, ga-graduate na ako." Mabuti na lamang hindi ako nautal kahit may kaunting luha nang tumulo sa mga mata ko.

Napapikit ako nang yumakap din si papa sa akin pabalik. "Ano ba ang dapat ginagawa ng mga magulang, 'nak? Sympre ang suportahan ang mga anak nila sa pag-aaral. Wala kang utang na loob sa akin, 'nak. Kasi obligasyon kong buhayin ka." Rinig ko sa boses ni papa na paiyak na siya. Kaya kunwari akong tumawa para mawala ang pagiging emosyonal namin.

Pagkaharap ko sa kanya ay nakumpirma ko ngang lumuha siya. "Si mama! Hanapin mo ha, Pa. Kasi hindi na ako magtatanong kay tita, pinagtatakpan lang naman kasi niya si mama."

"Gusto mo pa talagang makita ang mama mo?"

"Oo naman! Kahit galit ako sa kanya, mahal ko pa rin siya. Papa, gusto ko siyang makasama sa graduation ko," pilit ang ngiting sabi ko.

Tinapik-tapik niya ang balikat ko. "Sige, 'nak. Susubukan ko."

"Pero, Pa, mahal mo pa rin naman si mama hindi ba?"

"Sobrang mahal, 'nak. Kapag nalaman ko kung nasaan siya ngayon, kukumbinsihin ko siyang huwag na tayong iwan."

"Paano pala, Pa, kung hindi niya gustong iwan 'yong lalaki niya?"

Ngumiti si papa sa akin. "Kokonsensyahin ko siya."

Natawa naman ako sa sinagot niyang iyon. Hindi rin nagtagal ang pag-uusap namin. Hinatid ako ni papa sa eskwelahan at hindi ako nahiya sa bagay na iyon. Natuwa nga ako kasi ngayon ko lang ulit siya nakasama nang matagal.

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon