"HAPPY 6th birthday, Ada!" masayang hiyaw ni Daleyza habang bitbit niya ang cake. Pumalakpak ang bata kaya napagaya na lamang kaming dalawa ni Ulysses.
Tatlong taon na ang dumaan sa buhay namin. Hindi ko pinagsisisihang binigyan ko nang pangalawang pagkakataon si Ulysses. Bumalik ang maayos na kalagayan namin. Unti-unti naming nabuong muli ang nasirang relasyon. Gayunpaman, hirap pa rin akong kalimutan ang lahat. Tuwing naaalala ko ay nasasaktan pa rin ako.
Mas lumapit sa akin si Ulysses saka umakbay. Dinampian niya ng halik ang pisngi ko. "Thank you so much, Yara," aniya.
Ngumiti lang ako sa kanya at muling nagbaling ng atensyon kay Ada. Binuhat ko ang bata para mahipan niya ang kandila. Ang bigat-bigat na niya pero pinagtiyagaan ko pa rin siyang buhatin. Matapos niyon ay si Ulysses naman ang nagbuhat sa kanya at hinalikan pa niya ito sa pisngi. Naghanda na ako ng pagkain sa lamesa habang nag-uusap-usap sila.
Magaan na ang loob ko kay Ada. Noong una ayoko talagang nakikita o nahahawakan siya. Pero habang dumaraan ang panahon, lumambot ang puso ko sa kanya. Napagtanto kong wala siyang kasalanan sa mga nangyari. Hindi siya ang dapat kong sisihin. Hindi naman niya ginustong mabuhay siya sa pamamagitan nang nagawang pagkakamali ng mga magulang niya.
Kahit papaano ay sumaya rin ako sa presensya niya. Nakakawala ng pagod tuwing tatawagin niya akong mama. Habang lumalaki siya ay ako na ang kinikilala niyang ina. Wala na kaming balita kay Calli. Hindi ko rin naman ito sinubukang hanapin o kausapin. Saka ano pa ba ang dahilan ko para makipagkomunika sa kanya? Ni hindi na nga siya hinahanap ni Ada.
Maya-maya lang ay dumating na si Mama Reyna. Hindi niya kasama si Papa Eugene, umuwi ito sa probinsya dahil pinatawag siya sa munisipyo. Halos tatlong taon nang nakatira rito sa Maynila ang mga magulang ni Ulysses. Sa condominium malapit sa pinagtatrabahuhan ni Ulysses sila namalagi. Sila ang nag-aalaga kay Ada kapag nasa trabaho kami. Lalong kaylangan sila ni Ada dahil grade one na ito. Tumigil na si Mama Reyna sa trabaho kaya naman kaylangan daw niya nang pagtutuunan ng pansin. At ang pag-aalaga kay Ada ang nakita niyang magandang libangan.
"Iuuwi ko si Ada sa condo namin mamayang gabi, para makapasok kayo nang maaga," sabi ni Mama Reyna habang ngumunguya.
"Ma, dito na muna siya. Ako na lang maghahatid sa kanya sa condo n'yo bukas," sabi naman ni Ulysses.
Pinanindigan nga ni Ulysses ang sinabi niyang responsibilidad niya si Ada. Wala akong pinuhunang pagod sa bata. Ni hindi ko nga siya palaging nakakasama. Kinokonsidera ng mga magulang ni Ulysses ang nararamdaman ko kaya sila ang nagsakripisyong mag-alaga sa bata kaysa ako ang mahirapan. Kaya nakagagalaw pa rin ako nang buong malaya dahil wala akong inaalala sa buhay bukod sa trabaho.
Mula noon ay hindi na namin napag-usapan pa ni Ulysses ang pagkakaroon ng anak. Isang awkward na topic iyon para sa amin. Ayoko na rin munang alalahanin iyon. Lalo na't mula noong nagloko siya ay wala nang nangyayari sa amin. Hindi lang dahil nahihiya na siya sa akin. Dahil din katabi namin sa pagtulog si Ada. Tuwing uuwi kasi galing sa trabaho itong si Ulysses ay dinadaanan niya si Ada sa condo ng mga magulang niya para kuhanin. Kaya nakakasama namin ang bata tuwing gabi at kapag weekend.
Hapon na at natapos namin nang masaya ang selebrasyon. Nagbubukas si Ada ng mga regalo namin sa kanya. Tuwang-tuwa kaming pinapanood siya sa ginagawa. Inuna niyang buksan ang regalo ko para sa kanya. Titig na titig naman ako sa magiging reaksyon niya. Mula sa box ay marahan niyang nilabas ang iPad na pinag-ipunan kong iregalo.
Malawak ang ngiting pinakita ni Ada ang iPad sa amin. "Manood na 'ko, Daddy!" masaya niyang sabi.
Hindi mahilig ang batang ito sa laruan. Dahil mas nawiwili siya sa panonood sa telebisyon. Kaya naisipan kong bilhan na lamang siya ng iPad. Nag-download na ako ng games at p'wede niyang panoorin doon.

BINABASA MO ANG
One Last Dance (COMPLETED)
Ficción GeneralLove is the bright skyline on someone's dark path. It can turn what was once a lonely life into a life that is suddenly worth living. *** Mula noong nalugmok ang mundo niya sa kadiliman dahil sa nakagugulat na pagkawala ng kanyang ama. May kaisa-i...