NAPATAKIP ako ng bibig nang sumalakay ang hapdi sa katawan ko. Buong atensyon ang babaeng nurse sa pagdampi ng bulak na may alcohol sa nasugatan kong paa. Mangiyak-ngiyak ako habang nakatingala sa kisame.
"Mama," tawag sa akin ni Ada. Nakakapit siya sa braso ko habang ginagamot ako.
"Isuot mo face mask," sabi ko nang makitang nakalapag lang sa upuan ang mask niya.
Kinuha niya iyon at pinangtakip nga sa ilong at bibig. "Mama, okay na daddy?" tanong niya sabay tingin kay Ulysses na ngayon ay taimtim nang nakahiga sa kama rito sa emergency room.
Kumalma na ang kalagayan niya. Kaya naman bumuti na rin ang takbo ng sistema ko. Nararamdaman ko na nga ang sakit ng sugat ko. Kanina kasi ay hindi ko ininda, dahil siguro ang buong wisyo ko ay naka'y Ulysses lang.
"Maayos na si daddy," nakangiti kong sabi. Kaso nabitin din ang ngiting iyon nang dampian muli ng nurse ng bulak ang talampakan ko.
Nang matapos na ang paggagamot sa akin ay tinawagan ko si Mama Reyna. Sinabi niyang babyahe na sila mamayang gabi pabalik dito sa Maynila. Tumawag din ako kay Daleyza para pakiusapan siyang mag-impake nang kaunting gamit sa condo para kay Ulysses. Pumayag naman siya.
Maya-maya lang ay kinausap din ako ni Dr. Ramos. Pamamalagiin daw muna si Ulysses dito sa hospital. Kaya panibagong gastos na naman kami para sa kuwarto niya. May kalakihan ang bayad per day. Private hospital kasi. Pero mas ayos na sa amin ito, kahit mahal ang bayad, komportable naman si Ulysses.
Pagkagising ni Ulysses ay nilipat na namin siya sa kuwarto. Mula nang magmulat siya ng mga mata ay hindi pa ito nagsasalita. Nakatulala lang siya na para bang pinakikiramdaman ang sarili.
"Daddy, how are you?" Hindi gaanong malinaw ang pagbigkas ni Ada dahil naka-face mask siya. Titig na titig siya kay Ulysses. "Masakit pa, Daddy?" dagdag niya.
Umiling lang si Ulysses. Ako naman ay kinuha si Ada saka pinaupo sa hita ko. "Salamat, tinulungan mo si daddy kanina," malambing kong sabi. Naalala ko kasi ang ginawa niyang pagtulong para maikabit kay Ulysses ang oxygen mask. Ngayon ko lang naramdaman ang labis na paghanga.
"Si Teacher Lyn, sabi niya . . . help daw. Tulong daw sa matatanda po. Tatawid sa . . . daan. Help daw sila. Si Daddy, sabi niya 'di siya makahinga. Kaya tawag kita, Mama," masiglang sabi niya.
"Ang galing mo naman umintindi. Pero paano mo nalaman na kaylangan ni daddy ng oxygen mask?"
"Kasi 'di siya huminga. Turo niya sa 'kin . . . kanina 'yong mask."
Niyakap ko siya. Matalino ang batang ito. Manang-mana kay Ulysses. Napakasuwerte naming mayroon kaming Ada. Pagdating sa kanya ay hindi ko na dapat isipin ang pagkakamali nina Ulysses at Calli. Labas siya roon. Parte na siya ng buhay ko. Tanggap na tanggap ko na siya.
"Dito ulit tira daddy?" tanong ni Ada na ikinagising ng diwa ko.
Tumingin ako kay Ulysses. "Oo, dalawin mo na lang siya ha."
"Labas din po siya?"
"Oo, Ada." Pinisil ko pa ang pisngi niya.
"Mama, sabi Teacher Lyn, mag po ako. Kasi . . . usap ko siya no'n. Sabi niya, bad daw 'di mag po sa matanda," kuwento niya. Mabilis akong tumango-tango. Saka muli siyang dumaldal. Naaliw ako sa mga sinasabi niya kaya naman natuon ang atensyon ko sa kanya.
Halos kalahating oras din kaming nagkuwentuhan. Pinapanood lamang kami ni Ulysses. Wala itong sinalita na kahit ano. Paniguradong pagod ang katawan niya. Kaya hinayaan kong gugulin niya ang lahat ng oras sa pagpapahinga para bumalik ang lakas niya.

BINABASA MO ANG
One Last Dance (COMPLETED)
General FictionLove is the bright skyline on someone's dark path. It can turn what was once a lonely life into a life that is suddenly worth living. *** Mula noong nalugmok ang mundo niya sa kadiliman dahil sa nakagugulat na pagkawala ng kanyang ama. May kaisa-i...