19

46 1 0
                                    

"GANDA!" hiyaw ni Ada habang nakatutok ang paningin sa labas ng bintana ng kotse. Napalingon ako sa kanya mula rito sa passenger seat. "Mama, kunin ko na jacket ko," sabi niya.

Tinuro ko ang katabi niyang bag. "Tignan mo riyan. Huwag mo halungkatin ha, nakapuwesto lang sa gilid 'yon."

"Yes, Mama!"

Binalik kong muli ang tingin sa harap. Dumaing bigla si Ulysses na masakit na ang braso niya sa pagmamaneho. Pinatong ko ang kamay sa buhok niya at inayos iyon. Napakagulo kasi.

"Malapit naman na tayo," sabi ko.

"I didn't know that Baguio was this far."

"Ako rin, naloko ako ni Daleyza sabi niya four hours lang daw byahe."

Tumatawang tumingin sa akin si Ulysses. "Lumipad ba siya?"

Napahalakhak din ako. "Malay ko ro'n."

"Sulitin dapat natin 'tong Baguio bago umuwi sa Manila."

"Oo, hindi ako papayag na hindi malibot ang Baguio." Inangat ko ang tingin sa mga bundok na pumapalibot sa amin ngayon. Nakawawala ng pagod ang tanawin.

Tatlong taon nang mabuti ang kalagayan ni Ulysses. Sa mga nakaraang taon at ngayon ay binabantayan pa rin naman namin ang kalusugan niya. Laking pasasalamat ko dahil wala na akong napapansing sakit sa kanya.

Gumanda ang katawan ni Ulysses dahil tambay na sa gym. Nakatulong din ang healthy diet niya para mas maging malusog. Wala na rin siyang iniindang anumang karamdaman. 

Mula noong ideklara ni Dr. Ramos na complete remission na si Ulysses ay bumalik na siya kaagad sa trabaho. Mula nga noong nagbalik siya sa mga gawain niya ay unti-unting lumakas ang pangangatawan niya. Sa isang iglap naging normal ang lahat. Ngayong tatlong taon na ang lumipas tila wala ng bakas na nagkaroon siya ng cancer. Noong unang taon ng remission niya may nagaganap pang kaunting treatment pero ngayong pangatlong taon ay halos hindi na kami nakatatapak sa hospital.

Naging payapa ang lahat sa amin. Natakot ata ang kalungkutan dahil napatakbo ito paalis. Totoong walang araw na nalungkot kami. Hindi ko nga malaman kung panaginip lang ba ito. Dahil para kaming namumuhay ngayon sa ulap. Magaan ang takbo ng buhay, walang bigat.

Pagkarating namin sa Grand Sierra Pines isang hotel dito sa Baguio ay kaagad kaming nag-check-in. Sinamahan kami ng hotel crew sa pagtungo sa napili naming kuwarto. Pagkapasok ay dumiretso sina Ulysses at Ada sa paghiga sa kama. Ako naman ay nag-ayos na muna ng mga gamit matapos ay tumabi na sa kanila. Ginugol namin ang oras sa pagpapahinga. Kaya kinabukasan ay punong-puno kami ng enerhiya sa paglalakad-lakad sa Burnham Park.

Nag-rent kami ng bike na maaari naming sakyan sa paglilibot. Nangunguna si Ada sa pag-ba-bike habang nakasunod kami sa kanya.

"Don't be too fast, Ada," kinakabahang usal ni Ulysses.

"Yes, Daddy!"

"Wait for us."

"Yes!"

"Oo nang oo pero binibilisan naman lalo," sabi ko nang makitang pasimple nitong minamadali ang pagpidal. Akmang lilingon ito sa amin pero kaagad akong umangal. Ang sabi ko ay ituon nito ang pansin sa daanan.

"Mukhang gustong mapag-isa ni Ada," sabi ni Ulysses sabay bungisngis.

"Ayos lang sana kung kaya niyang gabayan ang sarili na mag-isa lang. Palagi kayang nadadapa 'yan. Kung kaylan lumaki saka naman naging lampa."

"Mas kilala mo na siya. Ngayon ko lang nalamang madalas pala siyang madapa."

Sandali akong bumaling ng tanaw sa kanya. "Kabisado ko na rin kung paano magsalita at gumalaw 'yang si Ada. Ganoon ako katutok sa kanya."

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon