02

81 4 0
                                        

PAGKAGISING ko ay dumiretso ako sa kusina at nagtimpla ng kape. Makalat ang kusina dahil sa ginawang paglalasing ni papa kagabi, pero wala akong balak na linisin ang mga iyon. Wala ako sa wisyo at gusto ko munang ipahinga na lang ang katawan ko. Kahit natulog ako ay hindi sapat iyon dahil ilang oras lang naman ang naging tulog ko.

Naupo ako sa labas ng bahay habang hawak ang kape ko. Imbes na inumin ko ang tinimpla ko ay hinayaan ko na lang ang sariling tumulala. Kagat-labi kong pinigilan ang pagluha. Pumasok na naman kasi sa isipan ko ang ginawa ni mama.

Kasabay nang pagtilaok ng mga manok ay paghampas ng sariwang simoy ng hangin. Mabuti na lang dito kami sa probinsya nakatira, maingay man ang mga kapitbahay, maaliwalas naman ang kapaligiran. Nakababawas ng sakit ng ulo ang tanawin.

Sinubukan kong libangin ang sarili ko sa pag-iisip nang masasayang bagay. Ayokong alalahanin si mama. Sasama lamang ang umaga at loob ko. Wala rin akong balak na puntahan pa si tita, ang kapatid ni mama. Kung ang gusto ni mama ay iwan kami at magpakasaya kasama ang lalaki niya ay bahala siya. Gayunpaman, mahal ko si mama. Pero wala akong planong respetuhin ang mga walang kwentang desisyon niya sa buhay.

"Anak," tawag sa akin ni papa. Hindi ako tumingin sa kanya. Nanatili ang paningin ko sa mga kapitbahay namin. Kanya-kanyang trabaho na ang bawat isa.

"Kapag nakita mo ang mama mo, huwag mo na sanang sabihin sa kanya iyong sinabi ko kagabi," sabi pa ni papa.

Napabuntong-hininga ako. "Ano'ng sinabi mong hindi ko dapat sabihin sa kanya?"

"Iyong sinabi kong malandi siya at mapunta na siya sa impyerno. Lasing lang ako kagabi, 'nak."

"Wala ka bang balak na puntahan si mama, tapos ibalik siya rito?"

Hindi nakasagot si papa. Tanging malalim na paghinga lang niya ang narinig ko. Tulala na lang akong humigop sa kape ko. Maya-maya lang ay nagpaalam na si papa sa akin na papasok na raw sa trabaho. Pinanood ko ang paglakad niya paalis sa bahay. Nagsihulog ang nangingilid kong mga luha nang makitang pinupunasan ni papa ang mga mata niya gamit ang suot niyang damit. Nang mawala siya sa paningin ko ay napasabunot ako sa sariling buhok. Umiling-iling ako habang pilit na winawaksi ang mga luha.

Bakit ngayon pa nangyari ang bagay na 'to? Malapit na nga akong grumaduate. Malapit ko na silang mabigyan nang magandang buhay. Malapit ko na silang patigilin sa pagtatrabaho para ako naman ang magbigay ng pangangailangan nila. Bakit naman gano'n si mama! Hindi man lang niya ako inisip.

"Oy, Yara!" Napaayos ako ng sarili nang makita kong papalapit sa akin si Aling Rosita. "Nangutang si papa mo sa 'kin kahapon. Tatlong bote ng gin. Mamamalengke na ako, babayaran na ba niya? Nandiyan ba siya?" tanong nito.

"Wala po, kaaalis lang. Saka wala po akong pera rito. Maya na lang po bayaran pagdating niya."

Tumango siya. Akala ko nga ay aalis na siya pero nanatili itong nakatayo sa harapan ko at tahimik akong tinititigan. Nagtaka naman ako kaya tinanong ko kung ano pa ang kaylangan niya.

"May pinag-uusapan kasi sila Christina kanina habang nagwawalis diyan malapit sa bakuran ko. Umalis daw si Veronica," sabi niya, pagtukoy sa mama ko. "Sumama raw sa ibang lalaki. Jusko, iha, kung hindi man totoo 'yon at nalaman ng papa mo na pinagtsitsismisan kayo, siguradong papatulan ng papa mo sila Christina. Iha, hindi na man sa nakikitsismis din ako, pero totoo ba na umalis mama mo? At sumama sa ibang lalaki. . . ." Pahina nang pahina ang tuno ng boses niya nang sabihin iyon.

Palihim kong kinuyom ang kamao ko. "Hindi po totoo 'yon, tsismis lang po talaga," pagsisinungaling kong sabi.

"Ito talagang si Christina oh! Nagkakalat na naman nang pag-aawayan. Hayaan mo, sasabihan ko sila. Oh, sige na, iha, aalis na ako. Ibigay mo na lang sa akin sa tindahan iyong bayad ng papa mo."

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon