"IPAHINGA mo ang katawan mo," bilin ko kay Ulysses. Nakaupo kasi siya sa kama at hawak ang phone, ka-text ang boss niya. Mahigit limang minuto na siyang nakaharap sa screen. Nakaupo rin ako sa kama katabi niya, kaharap ang laptop ko.
"Wait, may tinatanong lang si boss," aniya.
Kinuha ko ang phone sa kanya. "Idikta mo ang i-re-reply mo, ako ang mag-ta-type."
Pumayag na lamang siya. Pagkatapos nang pakikipag-usap namin sa boss niya ay pinahiga ko na siya sa kama. Tatlong araw na ang lumipas pero hindi pa rin bumababa ang lagnat niya. Nagtaka nga ako dahil dati ay hindi siya ganito magkasakit. Isang araw lang magaling na siya.
Sa kalagitnaan nang pagtutok ko sa laptop ay tumawag si Mama Reyna. Sandali siyang nagbilin sa akin sa kabilang linya saka pinasa kay Ada ang phone. Napamulat si Ulysses habang kausap ko ang anak niya.
"Kausapin mo si daddy?" tanong ko kay Ada na masiglang nakikipag-usap sa akin.
"Opo, Mama!"
"Sandali lang." Binigay ko kay Ulysses ang phone. Walang kalagyan ang tuwa niya nang marinig ang boses ni Ada. Hindi ko na narinig pa ang pinag-uusapan nila dahil muli akong tumutok sa tinatrabaho ko. Personal akong nagpaalam sa superior ko na hindi muna ako makapapasok nang isang linggo. Pinayagan naman ako dahil ngayon lang naman ako nag-request ng leave nang ganito katagal. Saka sinabi ko namang aasikasuhin ko pa rin ang proyekto ng department namin kahit naka-leave ako.
Sandaling minuto lamang ang tinagal nang pag-uusap nina Ulysses at Ada. In-off ko na ang laptop ko saka nahiga. Ayaw ni Ulysses na manatili ako rito sa kuwarto baka raw mahawa ako. Pero hindi ako pumayag. Malakas ang immune system ko, hindi ako basta-bastang nagkakasakit. Iyon ang dahilan ko kaya hindi na ito nakipagtalo.
Nilapat ko ang palad sa noo ni Ulysses. "Mainit ka pa rin," sabi ko. Naimulat niya ang mapungay na mga mata. "Bukas kapag hindi pa rin bumaba 'yang lagnat mo, magpupunta na tayo sa doctor."
"H'wag na, Yara. Gagaling din ako. Madadala 'to sa gamot."
"Susundin mo ako."
"Pe-"
Nahinto siya dahil hinawakan ko ang leeg niya. Nakapa ko ang bukol doon. Ang nakabibigla pa ay hindi lang isa iyon. Tatlo ang nakita at naramdaman ko gamit ang kamay.
"Hindi 'to normal," sabi ko.
Kumunot ang noo niya. "Hindi normal?"
"Bakit hindi lumiliit 'yong isang bukol dito no'n? Ang masama, parang nanganak pa. Tatlo na oh, hindi mo ba nararamdaman?"
Dinampi rin niya ang palad sa leeg. Bumalatay sa itsura niya ang kaba nang makapa nga niya ang sinasabi kong mga bukol. "What is this thing?" naguguluhan niyang tanong.
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko rin alam. Kaya nga huwag ka nang tumanggi. Bukas na bukas magpapa-checkup ka."
Bumuntonghininga siya. Wala na siyang inangal pa. Mas lumapit ako saka nag-aalalang yumakap sa kanya sa paghiga. Ramdam ko rin ang pagganti niya ng yakap. Parang piniga ang puso ko nang sinakop ako ng init ng katawan niya. Alam kong sobrang sama ng pakiramdam niya ngayon. Pansin ko lang na pinipilit niya ang sariling huwag indahin ang lagnat kapag kasama niya ako.
Buong giliw kong nilaro ang buhok niya gamit ang kanang kamay. "Sabihin mo kung nilalamig ka ha, para ma-off ko ang aircon," sabi ko.
"It helps me a lot. Gumagaan pakiramdam ko kapag malamig." Tumango na lamang ako sa sinabi niya. "Yara, thank you. Inuna mo pa ako kaysa sa trabaho mo."
"Mas importante ka kaysa sa trabaho."
Mahina siyang napahagikgik. "Mahal na mahal mo talaga ako 'no?"

BINABASA MO ANG
One Last Dance (COMPLETED)
Narrativa generaleLove is the bright skyline on someone's dark path. It can turn what was once a lonely life into a life that is suddenly worth living. *** Mula noong nalugmok ang mundo niya sa kadiliman dahil sa nakagugulat na pagkawala ng kanyang ama. May kaisa-i...