TW: Suicide
"ANAK, pumunta ka sa palengke ngayon. Mag-grocery ka," utos ni tatay sa akin. Mapungay ang mga mata kong tumingin sa kanya habang palabas siya sa kuwarto niya. Kagigising ko lang. Pataas na ang araw pero tinatamad pa rin akong kumilos.
"Pa, may lagnat ka na naman ba?" nagtataka kong tanong nang mapansin kong namumula siya at pinagpapawisan pa.
"Hindi, 'nak, maayos lang ako," sabi niya at saka nginitian ako.
Tumayo ako at nilahad ang kamay sa harapan niya. "Pera, Pa. Tapos huwag ka na munang pumasok sa trabaho ha. Manatili ka na lang dito sa bahay. Bonding tayong dalawa!"
Hinugot niya ang wallet sa bulsa. Naglabas siya ng isang libo at inabot sa akin. "Mag-iingat ka, anak."
Pagkakuha ko ng pera ay kaagad kong kinapa ang noo ni papa. Umatras pa siya palayo sa akin kaya naiwan ang kamay ko sa ere. "Medyo mainit ka, Pa. Magpunta na kaya tayo sa doctor ngayon?" suhestiyon ko. Bago pa man niya ibukas ang bibig ay napaubo siya nang malakas. Mas nag-alala tuloy ako sa kanya.
"Bumili ka na lang ng gamot para sa ubo. Pagod na pagod lang ako sa trabaho kaya ganito nangyayari sa akin," sabi niya.
"Huwag kang mag-alala, Pa. Bukas, sabi ni Ulysses mag-aayos na kami ng requirements para sa paghahanap ng trabaho. Sigurado akong mabilis kaming matatanggap. Kaya kapag may trabaho na ako, aalis ka na sa factory. Maliwanag ba, Papa?"
Hindi niya maipirmi ang mga mata. Magulo ang mga ito at para bang ayaw niya akong tignan. "Sige, 'nak. Basta pagbutihin mo. Aalagaan mo palagi ang sarili mo at kahit may trabaho ka na, huwag mong isantabi ang kalusugan mo."
"Oo, Papa! Importante sa 'kin kalusugan ko. Basta kapag nakauwi na ako galing palengke dapat ay nakaligo at nakapagbihis ka na."
Doon na siya tumingin sa akin nang diretso. "Bakit?"
"Magpupunta nga tayo sa doctor. Kasi hindi normal 'yang palagi kang nilalagnat tapos panay pa ang pag-ubo mo. Akala mo ba hindi ko narinig kagabi 'yang mga tahol mo, Pa? Mas maingay ka pa sa aso ng kapitbahay natin 'e," paatungal kong biro.
Tumawa naman si papa at saka umiling-iling. "Ikaw nga, kung makahilik akala mo takuri."
Nagpamewang ako. "Naku! Marunong ka na pa lang magbiro, Pa?"
Lumapit siya sa akin. Hindi ito nagsalita tanging pagtitig lang ang ginawa niya. Para bang pinag-aaralan niya ang mukha ko. Napapangiti pa siya at kitang-kita ko sa mga mata niya ang pangingilid ng mga luha. Tila bata naman akong napalabi sa kanya.
"Ano'ng ginagawa mo, Papa? Titigan challenge ba 'to?" pabirong tanong ko.
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko at saka hinaplos iyon. "Malaki na talaga ang anak ko. Parang dati lang ganito ka kaliit oh." Pinuwesto niya ang kamay sa tagiliran niya. Pinapakita niya kung gaano ako kaliit dati. "Binubuhat pa kita tapos hinahagis-hagis sa ere. Tuwang-tuwa ka naman noon. Iyong ibang mga bata nga riyan takot na takot na hinahagis sila pero ikaw para kang nasa peryahan kapag ginagawa ko iyon."
Tumawa ako nang malakas nang maalala ang kuwento niyang iyon. "Sige nga, ihagis mo ulit ako ngayon!"
Humawak siya sa likod niya. "Kung p'wede lang kaso hindi na kita mabubuhat. Mabigat ka na ngayon."
Kumapit ako sa braso ni papa at hiniga ko ang ulo sa balikat niya. "Ano na pangarap mo para sa 'kin ngayon?"
"A-ang pangarap ko para sa iyo ngayon. Sana magkaroon ka ng masayang pamilya." Dinig ko ang panginginig ng boses ni papa kaya napatingala ako sa kanya.

BINABASA MO ANG
One Last Dance (COMPLETED)
Fiksi UmumLove is the bright skyline on someone's dark path. It can turn what was once a lonely life into a life that is suddenly worth living. *** Mula noong nalugmok ang mundo niya sa kadiliman dahil sa nakagugulat na pagkawala ng kanyang ama. May kaisa-i...