13

71 3 0
                                        

PUMALUMBABA ako sa lamesa. Titig na titig ako sa laptop, ang kanang kamay ko ay gamit ko para pagalawin ang computer mouse. Abala ang isipan ko sa pag-aasikaso sa product development ng kumpanya.

Ilang sandali lang ay napahinto ako sa ginagawa. Napatingin ako sa labas ng bintana at pumirmi ang mga mata sa ulap. Napalunok ako sabay iling nang maalala ko ang ginawa ni Ulysses.

Ilang araw na ang lumipas pero hanggang ngayon ay masakit pa rin. Siguro hindi na talaga gagaan ang pakiramdam ko. Habang buhay na akong masasaktan nang ganito katindi.

Nag-request ng one month leave si Ulysses sa trabaho. Nalaman ko dahil narinig ko iyon na pinag-uusapan nilang dalawa ni Daleyza. Hindi ko naman na kasi pinapansin si Ulysses kaya hindi na ito makalapit sa akin. Sinusubukan man niyang i-update ako sa mga nangyayari sa kanya ay hindi siya nakakukuha ng pagkakataon dahil palagi akong lumalayo sa kanya. Wala siyang narinig na anumang salita galing sa akin sa halos dalawang linggo.

Hindi na ako madalas umuwi nang maaga. Kahit wala naman akong masyadong ginagawa sa trabaho ay nag-o-overtime pa rin ako. Tuwing umaga, sarili ko na lang ang hinahandaan ko ng pagkain. Lumipat ako ng kuwarto sa condo. Namamalagi ako sa bakanteng kuwarto, iyon ang naging munti kong tirahan. Tuwing nasa condo ay hindi ako lumalabas ng kuwarto, hangga't maaari ay iniiwas ko ang sarili kay Ulysses at sa anak niya.

10:35 p.m na ako umuwi galing trabaho. Hindi pa man ako nakapapasok sa sala ay narinig ko na ang malakas na iyak ni Ada. Napasilip ako sa kinaroroonan nila sa may sala. Nataranta si Ulysses nang makita ang anak niyang nadapa. Napatid ata ito sa mga laruang nakakalat sa sahig.

"Saan masakit?" nag-aalalang tanong ni Ulysses sa bata.

Tinuro ni Ada ang tuhod niya. "Daddy, sugat po."

Kita ko ang labis na pag-aalala sa mga mata ni Ulysses. Pinaupo niya si Ada sa sofa at buong atensyon niyang inobserbahan ang tuhod nito.

Hindi ko napigilan ang luhang kumawala sa mga mata ko. Nilayo ko kaagad ang tingin sa kanila at tumingala na lamang sa kisame. Pinakiusapan ko ang sariling huwag maglabas ng emosyon.

Bakit humantong sa ganito? Sa isang iglap nagbago ang lahat. Lumungkot ang buhay ko, nawalan ng kasiyahan.

Mahaba ang naging paghinga ko bago maisipang pumasok nang tuluyan. Nang mamataan ako ni Ulysses ay napatayo siya. Nagtama ang paningin namin. Blanko ang ekspresyon ko. Hindi ko pinakitang nasasaktan ako. Gusto ko siya na maniwalang wala akong pakialam sa kanila.

Diretso akong nagtungo sa loob ng kuwarto ko. Hindi na ako kumain pa. Natulog akong walang laman ang tiyan.

Nang mag-umaga na ay matamlay kong minulat ang mga mata. Marahan akong naupo sa kama at napatingin sa kalendaryo na nakapatong sa lamesang nasa gilid ko.

Napagtanto kong walang pasok sa trabaho. Pumangit tuloy ang araw ko. Mas gusto kong nagtatrabaho. Kasi tuwing walang pasok ay maghapon akong nakahilata rito sa kuwarto. Nanonood o kumakain lang ang ginagawa ko.

Napahawak ako sa tiyan dahil bigla itong nag-ingay. Marahil kaylangan nitong magkaroon ng laman. Kaya buong tapang akong lumabas ng kuwarto at dumiretso sa kusina. Kaso napaatras din ako nang makitang kumakain sina Ulysses at ang bata. Kaagad akong nakita ni Ulysses kaya tumayo siya. Pinanood ko lang ang ginagawa niya. Mula sa pagtitimpla ng kape hanggang sa paghahanda ng pagkain. Sa tingin ko ay para sa akin iyon.

"Yara, kumain ka na," magiliw niyang sabi.

"Wala akong gana," pagsisinungaling na usal ko.

Tatalikod na sana ako pero dagli itong tumakbo palapit sa akin. Kumapit siya sa braso ko. Humarap din siya sa akin. Hindi ko binitawan ang tingin diretso sa mga mata niya. Nakipagkompetensya ako sa kanya. Kaso ay hindi ito nagpatalo, walang pagkailang niyang nilabanan ang seryoso kong tingin.

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon