21

70 3 0
                                    

NASIMULAN na ang high-dose chemotherapy ni Ulysses. Mas lalo lamang nanlata ang katawan niya. Hindi na siya makangiti sa akin o makapagsalita nang tuloy-tuloy. Palagi siyang nakapikit kahit gising naman. Mas lumalala ang kirot ng tiyan niya. Palagi niyang iniinda iyon, pero wala akong magawa para pahintuin ang sakit.

Paminsan-minsan ay nais ko na lamang umalis sa kuwarto para hindi siya makitang nahihirapan. Ngunit hindi ko p'wedeng gawin iyon dahil ako lang ang higit na maaasahan ni Ulysses.

Parang may tumatarak na matulis na bagay sa puso ko tuwing nag-he-hysterical siya kapag natatapos ang chemotherapy niya. Malakas siyang sumisigaw at sinusuntok ang kama. Kapag nagkakaganoon siya ay hinahayaan ko ang mga nurse na umasikaso sa kanya. Tumatayo lamang ako sa gilid ng pintuan at tumatalikod.

Gabi-gabi akong walang tulog. Hindi ako nagrereklamo roon. Napababayaan ko na ang sarili ko pero wala akong pakialam. Hangga't maaari ay dapat tutok ang paningin ko sa asawa ko, oras-oras. Malingat lang kasi ako ay may iniinda na naman siya.

Gayunpaman, hindi ko nakalilimutang manalangin sa Diyos. Kaya nandirito ako ngayon sa maliit na chapel sa loob ng hospital. Pagkapikit ko ay tumulo ang luha ko. Humapdi ang mga mata ko dahil tuloy-tuloy ang pagluha ko. Walang ingay, tahimik lamang ako.

"Huwag po ganito," mahina ang boses kong sabi. Mabagal kong pinahid ang likidong bumabagtas sa pisngi ko. "Ayoko pong itanong kung bakit sa dami ng tao sa mundo 'e bakit kami pa 'yong nakararanas nang ganitong hirap. Kasi wala ni isang taong deserve pagdaanan ang paghihirap na 'to."

Huminga ako nang malalim at minulat ang mga mata. "Si Ulysses po. Alam kong may nagawa siyang mabigat na kasalanan. Pero sana naman po, patawarin mo na po siya. Natuto na po siya. Masakit na po itong pagdidisiplina n'yo sa kanya. Kahit ako hindi ko na kaya. Patigilin mo na po 'yong sakit. Tama na po."

Iyon ang panalangin ko sa Diyos. Kung nakikinig siya, sana pagbigyan niya ako. Walang kasiguraduhan ang lahat. Sa mundong ito, siya lang ang may kakayahang gawing posible ang imposible. Kaya nagmamakaawa ako sa kanya na ibigay na lang muna niya sa akin si Ulysses, sa amin ni Ada. Huwag munang kuhanin sa amin. Hindi pa namin kaya.

Ayokong mawala si Ulysses sa ganitong paraan. Bata pa siya. Marami pa siyang dapat maranasan sa mundong ito. Hindi pa kami nagkakaanak. Hindi pa siya nagkakaapo. Gusto kong sabay kaming tumanda. Iyong hawak kamay naming pinapanood ang mga apo namin habang naglalaro sila. Iyon ang nais ko.

Inayos ko ang sarili nang makita ko si Daleyza na patakbong nagpunta sa akin. Hinihingal niyang tinawag ako at sumenyas na magpunta sa kuwarto ni Ulysses. Mabilis akong tumayo at kinakabahang tumakbo patungo sa asawa ko. Hinabol ko ang hininga nang mahinto ako sa tapat ng pintuan. Walang pagdadalawang-isip kong pinihit ang saradora ng pinto.

Nadatnan ng paningin ko ang tatlong nurse na pinapakalma si Ulysses. Humihiyaw kasi siya habang hawak ang dibdib. Napansin ko rin si Ada na umiiyak sa isang gilid. Binuhat ko ang bata saka nilabas sa kuwarto. Sinabi ko kay Daleyza na huwag papasukin si Ada. Agresibo itong tumango.

Pagkapasok ko sa kuwarto ay tinabihan ko si Ulysses. Nabigla ako nang kuhanin niya ang kamay ko. Madiin siyang kumapit sa akin. Nasaktan ako sa ginawa niya pero hindi ako umangal. Hinayaan ko siyang ibuhos ang sakit na nararamdaman niya.

"Ang sakit ng dibdib ko," lumuluha niyang sabi. Klaro kong nakikita sa itsura niya ang matinding paghihirap. Kumuyom ang kamay niyang hindi nakahawak sa akin. Hinampas niya iyon sa kama.

Hindi ako nangialam sa ginagawa ng mga nurse. Pinaubaya ko sa kanila ang kalagayan ni Ulysses.

"Sobrang sakit, Yara," umiiyak niyang sabi. Namumugto ang mga mata niya habang diretso ang tingin sa akin. Napakurap-kurap ako upang hindi mahulog ang nagbabadyang pagpatak ng luha ko.

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon