11

71 2 0
                                        

MAKARAAN ang ilang araw, nawalan kami ng oras sa isa't isa. Panay kasi trabaho ang pinaglaanan namin ng panahon. Kahit ganoon naman ay nakakapag-usap pa rin kami nang maayos. Bihira nga lang kaming nagkikita. Madalas na kasi ang pamamalagi niya sa trabaho. Ako naman ay pumapayag nang mag-overtime sa kumpanya.

Masakit ang likod kong naupo sa sofa. 11:32 p.m na, kanina pa ako nakauwi galing trabaho. Hindi lang ako makatulog dahil hanggang ngayon ay wala pa akong natatanggap na text message galing kay Ulysses. Sanay kasi ako na kapag hindi siya nakauuwi tuwing gabi ay nagpapadala siya ng mensahe sa akin, pero ngayon ay walang-wala.

Kasama ko naman siyang nag-umagahan kanina. Datapwat wala siyang nabanggit na hindi siya makauuwi ngayon. Sinubukan kong tawagan siya kaso ay wala namang sumasagot.

Pinakalma ko ang sarili at kinumbinsing nasa maayos na kalagayan si Ulysses. Hindi naman niya hahayaang mapahamak ang sarili niya. Kilala ko siya, maingat siya sa sarili. Kaya nga hindi nakikipag-away iyon dahil ayaw niyang mabangasan.

Nahiga na lamang ako sa sofa. Pilit kong kinuha ang antok. Kaunti na lang sana ay dadapo na ito sa akin pero nabitin nang may mag-doorbell. Agresibo akong napabalikwas sa pagbangon. Patakbo ko rin na binuksan ang pinto.

Naging bato ako sa kinatatayuan nang lumantad sa aking paningin si Calli. Nakaakbay si Ulysses sa kanya at mukhang lasing na lasing ito. Ang mga kamay ni Calli ay nakakapit nang mahigpit sa bewang ng asawa ko. Hindi niya napansin ang pagbukas ng pinto dahil nakatuon ang buong atensyon niya kay Ulysses.

"We're here, Ulysses. Ano ba'ng code? Para mabuksan ko pinto," sambit ni Calli kay Ulysses.

"N-nag-doorbell na . . . 'ko." Hindi malinaw ang pagkakasabi ni Ulysses ng mga salita.

Natawa si Calli. "Mag-isa mo lang naman dito, sino'ng magbubukas ng pint—"

"Narito ako," usal ko, pagputol ko sa pagsasalita ni Calli. Nanlaki ang mga mata niya nang mapatingin siya sa akin. Nakita ko pa ang pag-atras ng mga paa niya pero hawak pa rin niya ang asawa ko. Nag-init ang pakiramdam ko sa inis dahil tila ba hindi ito makapaniwala na may tao siyang kaharap. Kita ko sa mga mata niya ang pagkukuwestiyon kung bakit narito ako sa condo ng ex niya.

"S-sino ka?" utal niyang tanong. Seryoso akong lumabas ng condo at kinuha si Ulysses sa pagkakabitbit niya. Kahit mabigat ang asawa ko ay tiniis ko na lamang na hawakan siya. Sinilip ko pa ang mukha niya, namumula at nakapikit na siya.

Bago ko harapin nang maayos si Calli ay buong tiyaga ko munang pinunta sa loob ng condo si Ulysses. Pinahiga ko siya sa sofa. Matapos ay dali-dali akong nagtungong muli sa labas ng condo. Naestatwa si Calli sa kinatatayuan. Magulo rin ang mga mata niya sa kawalan. Nang mapansin niya ang presensya ko ay may pagdadalawang isip siyang bumaling sa akin.

Diretso ko siyang tinignan sa mga mata. Hindi niya kayang labanan iyon kaya napayuko siya. "Ano ang nangyari?" may diin kong tanong.

Hindi umiinom si Ulysses. Wala nga siyang bisyo ni isa, pero ngayon umuwi siya na lunod sa alak?

Napahawak ito sa sariling kamay. "N-napilit s'yang uminom ng mga katrabaho n'ya."

"At naroon ka? Kasama nila?" walang pagdadalawang isip kong tanong.

"M-may kaibigan akong kasamahan niya sa trabaho, na-invite ako." Inangat niya ang paningin sa akin. "Ikaw ba 'yong ate ni Ulysses?" tanong niya sa akin.

Dahil doon ay napakuyom ang kamao. May ideya na siya kung ano ako sa buhay ni Ulysses. Nakikita ko iyon. Pero parang kinukumbinsi pa rin niya ang sariling hindi ako asawa ng ex niya.

"Asawa niya ako," seryoso kong sabi.

"A-asawa? Akala ko nagbibiro lang s'ya no'ng sinabi n'yang kasal na s'ya." Dinig ko ang kaba sa boses niya. "Totoo ba talagang asawa ka n'ya?" hindi makapaniwalang tanong niya.

One Last Dance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon