Billionaire in Disguise

617 20 2
                                        


SIMULA

"Ano ba, Archer?! Hindi mo ba kayang gampanan ang simpleng pag-arte? Napahiya ako sa mga kaibigan ko dahil sa 'yo! Magpapanggap ka lang na normal, hindi mo pa nagawa!" sigaw ng isang babae sa kasama nitong lalaki.

Naagaw nito ang atens'yon ng mga customer sa restaurant kung saan nagtatrabaho si Marga bilang waitress. Lumapit si Marga sa table ng dalawa. Natandaan niyang masaya ang grupo sa table na iyon kanina. May kaniya-kan'yang partner ang limang babae. Halatang ipinagmamalaki kanina ng galit na babae ang sinisigawan nitong lalaki. Pagkatapos kumain, nagpaalam na agad ang apat na pares at naiwan ang dalawa.

"I'm sorry, Perry," paumanhin ng lalaki.

Napansin ni Marga na hindi ito nakatingin sa tinawag na Perry. Deretso lang ang tingin nito sa kawalan.

"Sorry? Maaalis ba ng sorry mo ang nangyari kanina, huh? Alam mo ba ang iniisip ngayon ng mga kaibigan ko? Iniisip nila na sinungaling ako!"

"Sinabi ko naman na ipagtapat mo sa kanila ang lahat, 'di ba?" katuwiran naman ng lalaki sa mahinahon na tono.

"Gusto mong sabihin ko sa kanila na bulag ka? Archer naman! Mas mapapahiya ako kung sasabihin ko iyon. Ano'ng mukha ang ihaharap ko sa kanila kung magsasama ako ng bulag sa get together namin? Ayos na sana e. Complete package ka na kung hindi ka lang bulag. Bakit kasi ngayon ka pa pumalpak?"

"I'm sorry, Perry," muling sabi ng lalaki.

Nakaramdam ng awa si Marga sa lalaki. Hindi niya akalain na may kapansanan pala ito at iyon ang kinagagalit ng babae rito. Tila ba walang pakealam ang babae kahit mapahiya ang lalaki sa mga customer. Hindi naman pinansin ng babae ang paghingi nito ng sorry.

"Nasaan ang bill namin?" Masungit nitong baling kay Marga na nakatayo sa gilid ng dalawa.

Ibinigay ni Marga ang hinihingi ng babaeng customer. Kinuha 'yon ng babae at ibinagsak sa harapan ng lalaki.

"Bayaran mo 'yan nang may silbi ka naman. Anyway, break na tayo, Archer. Bye! Umuwi ka'ng mag-isa mo. Bwesit!" Umalis ang babae at iniwan ang lalaki walang kibo. Hinayaan lang nitong umalis ang babae. Sabagay, ano ba'ng magagawa nito dahil may kapansanan ito. Hindi naman ito basta-basta makakahabol sa masungit na babae.

"Sir?" Pagkuha ni Marga sa atens'yon ng lalaki.

Kumilos ang lalaki ngunit hindi nagbabago ang direksyon ng tingin nito. Ayaw maniwala ni Marga na bulag ito. Wala itong suot na sunglasses at normal ang mga mata. Napaka-g'wapo nga rin nito at mukhang mabait. Bahagya siyang lumapit dito. Kinaway niya ang kamay sa harapan ng lalaki. Hindi ito kumurap. Walang emosyong makikita sa mga mata nito. Doon lang siya naniwala na bulag nga ito.

"Ito ang wallet ko, miss. Kunin mo na lang kung magkano ang bill namin," sambit ng lalaki. Nilagay nito ang wallet sa ibabaw ng mesa.

"Ikaw na lang po ang kumuha, sir. Bawal po kaming makealam sa gamit ng customer e," pagtanggi ni Marga.

Naiintindihan niya ang sitwasyon ng lalaki, pero gusto niya itong ituring na normal. Iniisip niya ang kapatid na may kapansanan sin. Gusto nito na ituring na normal sa kabila ng kapansanan nito. Ayaw nito na may special treatment, kaya ginagawa niya ang lahat para tulungan ito. Marahil ganoon din ang gusto ng lalaki.

Kinapa ng lalaki ang nilagay na wallet sa mesa. Pasimple naman inilapit ni Marga sa kamay nito ang wallet. Binuksan iyon ng lalaki at humugot ng mga perang papel.

"Sapat na siguro 'yan, miss," sambit nito bago ilagay ang pera sa mesa.

Kinuha iyon ni Marga. Binilang niya ang pera. Labis iyon ng anim na libo para sa bill ng mga ito.

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon