The Crippled Rich Man Naughty Maid

50 2 0
                                    


SIMULA

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng babaeng doktor paglabas sa silid ni Rander. Sinalubong naman ito ni Bennie—ang ina ni Rander. Dinala ito ng ginang sa opisina nito sa loob ng malaking bahay. Nagpahanda rin ng maiinom si Bennie sa mayordoma nang makasalubong niya ito sa pasilyo.

"Doc, how's my son? Pumayag na ba siya sa medical treatment para bumalik sa normal ang mga binti niya?" tanong ni Bennie nang makaupo sila ni Doctor Fernandez.

Nanlulumong umiling ang doktora bilang tugon sa tanong ni Bennie. "He's still refusing to get the medical treatment for his legs, Mrs. Anderson. Kung tutulungan lang niya ang kaniyang sarili, may pag-asa pa siyang bumalik sa dati. Pero sa nakikita ko, mas gusto na niyang sumuko sa buhay dahil sa nangyaring aksidente."

Nangilid naman ang luha ni Bennie. Anim na buwan na ang nakalipas simula nang maaksidente si Rander. Nakipaghiwalay kay Rander ang kasintahan nito na labis na dinamdam ng binata. Nagmaneho ito ng lasing dahilan ng nangyaring aksidente, pero hanggang ngayon hindi pa rin tumatanggap ng kahit anong gamot si Rander para bumalik sa dati ang paralisado nitong mga binti. Kahit siya na ina ni Rander ay ayaw pakinggan ng sarili niyang anak. Gusto niya itong makalakad muli, pero mismong si Rander naman ang tumatanggi sa mga gamot na binibigay nila.

"Bakit napakalupit ng tadhana sa anak ko? Iniwan na siya ng kaniyang kasintahan na labis niyang minahal, pati ang makalakad ng maayos ay nawala rin sa kaniya. Ano na lang ang magiging lakas niya para lumaban sa buhay?"

"Magpasalamat na lang tayo at buhay si Rander. Isang himala na nakaligtas siya sa nangyaring aksidente. Kaya sana tulungan mo akong kumbinsihin ang anak mo para gumaling siya, Mrs. Anderson."

Malalim na bumuntong-hininga si Bennie. Sakto namang kumatok sa pintuan ang mayordoma para dalhin ang inumin ng dalawa.

"Salamat, Manang Karel," saad ni Bennie nang ilagay ng matanda ang mga inumin sa mesa sa harapan nila.

"Walang anuman po, ma'am. May kailangan pa po ba kayo?" tanong ng matanda.

"Wala na. Pakidalhan na lang ng pagkain si Rander sa silid niya. Kagabi pa siya hindi kumakain."

"Okay po, ma'am."

Nang umalis ang mayordoma, saka pa lamang ibinalik ni Bennie ang paksa nila ng doktora.

"Malayo ang loob sa akin ni Rander, kaya siguro nahihirapan akong kumbinsihin siya. Kung nabubuhay siguro ang papa niya, hindi siya malalayo sa akin. Bata pa lang si Rander nang pumanaw ang kaniyang ama sa sakit nito sa puso. Kailangan ko magtrabaho para sa aming dalawa. Kung hindi ako kikilos, hindi kami mabubuhay."

"Naiintindihan ko, Mrs. Anderson. Susubukan ko rin kumbinsihin si Rander para sa treatment ng mga binti niya. Makakatulong din sa kaniya kung lagi siyang may kausap at hindi nag-iisa sa silid niya. Kailangan natin baguhin ang pananaw ni Rander sa kalagayan niya. Makabubuti iyon sa mabilis niyang paggaling."

"Salamat, doc."

Pagtapos ng usapan ni Bennie at Doctor Fernandez, nagpaalam na rin ang doktora sa ginang. Hinatid ito ng ginang sa sasakyan bago muling bumalik sa silid ni Rander. Nakasalubong naman ni Bennie si Manang Karel sa pasilyo. Nagmamadali ang matanda na lumapit sa kaniya. Naririnig niya rin ang boses ni Rander sa silid nito. Galit at tila may sinisigawan.

"Ano'ng nangyayari, Manang Karel? Bakit sumisigaw si Rander?" tanong niya habang nagmamadali rin patungo sa silid ng anak niya.

"K-Kasi, ma'am, nahulog po si Sir Rander sa kama niya."

"Nahuhulog? Bakit siya mahuhulog? Hindi naman malikot si Rander. Kung hindi siya nakahiga, nakaupo lang siya sa kama."

Hindi naman sumagot si Manang Karel dahil nakapasok na sila sa silid ni Rander. Kitang-kita ni Bennie ang kasagutan sa tanong niya sa matanda. Naroon ang isa nilang kasambahay na si Camila. Galit namang nakatingin si Rander sa babae habang nakaupo sa sahig katabi ang mga nagkalat na pagkain.

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon