SIMULA
"Ikakasal na ako, Venice."
Muntik nang mabilaukan si Venice ng fishball na kinakain niya dahil sa sinabi ng kaibigan niyang si Fernan. Kinuha niya ang baso ng gulaman juice at uminom bago nagsalita.
"Nagpapatawa ka ba, Fernan? Wala ka ngang girlfriend, paano ka ikakasal?" biro niya rito.
"Seryoso ako, Venice. Arranged marriage ang nangyari at dalawang araw mula ngayon, ikakasal ako sa St. Pablo Church ala-una nang hapon. Kailangan ko ang tulong mo sa araw na iyon," nakikiusap nitong sabi.
"Ano'ng tulong naman ang magagawa ko?" balewala niyang tanong bago pinagpatuloy ang pagkain ng fishball.
"Ikaw na ang bahalang dumiskarte. Basta itakas mo ako sa araw ng kasal ko."
Naibuga ni Venice ang kinakain. Kulang na lang ay lumabas sa ilong niya ang fishball sa sobrang gulat.
"Nasisiraan ka na ba, Fernan? Bakit mo ako idadamay sa problema mo? Kung ayaw mong ikasal, e 'di huwag kang pumunta sa simbahan. Simpleng problema, pinapalaki mo pa."
"Hindi p'wede. Mayaman ang pamilya ng bride ko at baka sa kulungan ang bagsak ko kapag ginawa ko iyon."
"So, okay lang na ako ang makulong?" sarkastiko niyang tanong.
Umiwas ng tingin si Fernan. Mukhang nakonsens'ya ito sa gustong ipagawa sa kaniya.
"Sorry kung naging makasarili ako, Venice. Ikaw lang kasi ang p'wedeng tumulong sa akin. Naalala ko na ilang beses ka nang pinapakulong ni Madame Solan, pero hindi ka naman nakukulong dahil kay Attorney Clarita na palaging tumutulong sa 'yo. Baka matulungan ka rin ni Attorney kapag kinalaban ang pamilya ng bride ko. Please, Venice. Tulungan mo naman ako."
Bumuntong hininga si Venice bago bitiwan ang lalagyan ng fishball at gulaman juice sa mesang nasa harapan nila ni Fernan.
"Fernan, magkaiba naman ang pinapagawa mo sa ginagawa ni Madame Solan sa akin. Pinag-iinitan lang ako ng baklang 'yon na reyna ng marites dito sa lugar natin. Mas'werte lang ako dahil mga walang k'wentang kaso ang sinasampa niya sa akin. Kahit nga pagbahin ko sa harapan ng bahay niya, dinemanda na ako. Nagdadala raw ako ng virus sa kanila. Grabeng OA talaga no'n."
Nakita ni Venice ang lungkot sa mukha ni Fernan. Halata ang bigat ng problemang pinapasan nito ngayon. Nag-alala naman siya sa kaibigan.
"Sino ba ang babaeng pinagkasundo sa 'yo?" tanong na lang niya rito.
"Si Mila..."
"Mila? Siya ba 'yong babae na palagi mong kinukwento sa akin?"
"Oo," tipid na sagot ni Fernan.
"Matagal mo nang crush 'yon, ah. Bakit ayaw mo siyang pakasalan? Pabor na iyon sa 'yo, tatanggihan mo pa."
Malungkot na tumingin si Fernan sa kaniya.
"Tama ka crush ko si Mila, pero hindi siya ang babaeng gusto kong makasama habang buhay..." sandali itong tumigil sa pagsasalita bago hawakan ang kamay niya. "... Ibang babae ang gusto kong pakasalan at ikaw 'yon, Venice," dugtong nito.
Umangat ang kilay ni Venice. Binawi niya ang kamay kay Fernan at malakas itong binatukan.
"Aray naman, Venice. Sinabi ko lang na gusto kitang pakasalan, nanakit ka na agad," reklamo nito sabay haplos sa nasaktang batok.
"Huwag mo nga akong pinagloloko, Fernan. Ilang taon na tayong magkaibigan at kilala kita. Alam ko ang type mo sa babae at hindi ako 'yon. Huwag kang magsinungaling para lang tulungan kita."
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES
Short StoryTunghayan ang mga istoryang maghahatid ng kilig at saya sa inyong mga puso. Mga kwentong puno ng pag-ibig, pagtitiwala, at mga pagsubok. Mga kwentong magpapakita sa inyo na ang pag-ibig ay hindi lamang isang damdamin, kundi isang desisyon na may kaa...
