King's Island Club Series 2
SIMULA
Tahimik ang limang tao sa loob ng PNP Drug Enforcement Group office kasama si Marquesa De Lemon. Malalim ang iniisip ni Marquesa habang pinapaikot ang ballpen sa mga daliri. Naglalaro sa isip niya ang misyon ng kanilang grupo na hanggang ngayon ay wala pa ring improvement. Maya-maya ay dumating na rin ang kanilang kapitan para simulan ang magaganap na meeting. Natuon ang atensyon nila sa kapitan nang magsalita ito.
"Chief Mercado gave us another one-month extension to solve this case. Maglaan tayo ng dobleng oras sa trabaho para makita ang alyas Guru na kanang kamay ni Fernando Rossi. Siya ang makapagsasabi sa lokasyon ng droga na pinuslit ni Rossi sa bansa. Kung hindi natin ito magagawa sa loob ng isang buwan, ililipat ni Chief Mercado ang kaso sa ibang grupo. Kapag nagkataon, ito ang kauna-unahang beses na papalpak tayo," problemado nitong sabi.
"Kapitan, wala pa rin bang malay si Rossi simula nang mahuli siya ng pulisya?" tanong ni Estrada.
"Anim na buwan na, pero comatose pa rin si Rossi at walang pagbabago sa kundisyon niya. Mapapadali sana ang trabaho kung may malay siya, dahil ako mismo ang pipiga sa italyanong drug lord na 'yon para magsalita. Siya lang ang nagpahirap sa atin ng ganito!" gigil na sagot ni Kapitan Ramos.
Umayos ng upo si Marquesa at kinuha ang atensiyon ng mga kasama niya.
"Pamilyar ba kayo sa King's Island Club?" tanong niya sa mga ito.
Kumunot ang noo ni Marquesa nang makita ang pagtataka sa itsura ng mga kasama. Parang iniisip ng mga ito kung nagbibiro ba siya o ano sa tanong niya.
"Hindi mo alam kung ano ang King's Island Club? Sikat na sikat 'yon, ah," saad naman ni Baltazar.
"Hindi e. Alam kong out of the topic ang tanong ko, pero palagi ko kasing naririnig ang tungkol doon simula nang magpanggap ako bilang assistant ng ex-wife ni Fernando Rossi. Noong isang araw naman ay nakatanggap ng imbitasyon si Madam Lucinda mula sa nagngangalang Duke Montemayor na miyembro ng club. Ano ba'ng meron doon?"
"Leisure club iyon ng mayayaman, De Lemon. Subukan mong hanapin sa internet ang tungkol sa King's Island at mararamdaman mo kung gaano kadaya ang mundo. Ramdam na ramdam mo ang kahirapan sa sobrang mahal ng membership fee sa isla. Ginto yata ang buhangin doon," sagot ni Baltazar.
"Mga bilyonaryo lang kasi ang pwede roon. Walang lugar ang mga kagaya natin sa islang iyon," segunda ng isa pang kasama ni Marquesa.
"Tama ba ang narinig ko, De Lemon? May imbitasyon si Madam Lucinda mula sa King's Island?" singit na tanong ni Kapitan Ramos.
"Yes, Captain. Nakita ko ang logo ng club sa invitation kalakip ng pangalan ni Duke Montemayor. Hindi ko lang masabi kung ano ang koneksyon ni Duke Montemayor kay Madam Lucinda at iniimbitahan niya ang ginang sa naturang isla."
"Magandang pagkakataon ito para sa atin. Baka si Duke Montemayor ang taong hinahanap natin. Kaya siguro hindi natin siya makita-kita ay dahil nagtatago siya sa King's Island," masayang sabi ni Kapitan Ramos. Nagkaroon ito ng pag-asa kahit hindi pa sila sigurado sa katauhan ni Duke Montemayor.
"All right, team! Mananatili pa rin kayo sa mga posisyon niyo. Huwag niyong aalisin ang paningin sa mga taong malapit kay Rossi. Bantayan niyo silang mabuti at i-report ang mga kahina-hinalang kilos ng mga ito. Hulihin agad kapag napatunayan niyong kasapi sila sa grupo ni Rossi. Ikaw naman, De Lemon, huwag kang aalis sa tabi ni Madam Lucinda. Alamin mo kung sino si Duke Montemayor at kung ano ang koneksyon nilang dalawa."
"Noted, Captain!" alertong sagot ng buong team ni Marquesa.
Pagkatapos ng meeting, naglaan ng oras si Marquesa para alamin ang tungkol sa King's Island. Wala talaga siyang ideya sa lugar na iyon. Puro trabaho ang ginagawa niya at wala nang oras para maglibang. Napanood naman niya ang Youtube video ni Myka Revoluccion na nagpapakita sa buong isla. Namangha siya sa tila paraisong itsura ng lugar. Bawat anggulo ay sumisigaw ng karangyaan. Nalaman niya rin na pag-aari ni Gio Alcaraz ang King's Island at privacy ang pinaka-malaking offer ng isla sa mga miyembro. May apat na bahagi iyon kung saan makikita ang iba't-ibang disenyo ng mga villa. Mataas din ang seguridad sa isla at hindi basta-basta makapapasok ang hindi miyembro o walang imbitasyon mula sa miyembro.
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES
Short StoryTunghayan ang mga istoryang maghahatid ng kilig at saya sa inyong mga puso. Mga kwentong puno ng pag-ibig, pagtitiwala, at mga pagsubok. Mga kwentong magpapakita sa inyo na ang pag-ibig ay hindi lamang isang damdamin, kundi isang desisyon na may kaa...
