SIMULA
Halos madapa sa pagtakbo si Angela para lang makarating sa kinaroroonang silid ng tatay niya sa Love Nursing Home. Tinawagan siya ng isang staff at sinabing nagwala na naman ang tatay niya sa gitna ng agahan. Kaagad siyang nagtungo roon at umalis sa kaniyang trabaho bilang admin assistant sa isang supermarket.
"Excuse me, doc! Kumusta po ang kalagayan ng tatay ko?" nag-aalala niyang tanong sa doktora nang makarating sa silid nito.
Walang malay na nakahiga ang tatay ni Angela sa kama nito. Nasa gilid naman nito si Doktora Julia Gutierez kasama ang isang nurse. May sinusulat sa patient record si Doktora bago tumingin kay Angela.
"Sa opisina tayo mag-usap, Ms. Aquino," saad nito sa kaniya.
May ibinilin muna ang doktora sa kasamang nurse bago lumabas ng silid. Malungkot na tumingin si Angela sa nakahiga niyang ama bago sumunod dito.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Ms. Aquino. Your father's condition is getting worse everyday. Bilang alzheimer patient, hindi nakatutulong sa tatay mo ang pananatili sa nursing home. Mas lalo siyang na-i-stress at dahilan iyon ng pagwawala niya. One of our staff got hospitalized again because of him," saad ni Doktora Julia pagkarating nila sa opisina nito.
Nanlumo naman si Angela. Hindi niya alam kung saan na naman kukuha ng pambayad sa nasaktang staff ng nursing home. Katatapos lang niyang bayaran ang sinirang equipment ng tatay niya noong nakaraang buwan, pero may panibago na naman siyang babayaran ngayon. Kapos na kapos siya sa pera at baon na rin siya sa utang.
"Nauunawaan ko ang sitwasyon mo, Ms. Aquino, at hindi kita sisingilin sa nangyari sa staff namin," muling sabi ni Doktora Julia. Hindi lingid sa kaalaman nito ang hirap ng buhay nilang mag-ama.
"Salamat po, doc." Bahagyang nakahinga nang maluwag si Angela dahil sa sinabi ng doktora. Isipin pa lang niya ang gastusin ay nanghihina na siya, pero kailangan niyang maging matatag para sa tatay niya. Siya na lang ang meron ito at ang tatay na lang niya ang meron siya. Nag-iisa siyang anak at pumanaw na rin sa sakit ang nanay niya noong bata pa lang siya.
"I'm not asking you to bring your father at home, but it's better for him to stay with you."
"Gusto ko rin pong makasama ang tatay ko, doc, pero wala po siyang kasama sa bahay kapag nasa trabaho ako. Iniisip ko rin pong tumigil muna sa trabaho para alagaan siya, pero sa laki ng utang ko sa opisina baka hindi po ako payagan umalis."
"Understood, Ms. Aquino, but I'll be honest with you, your father needs extra care from you. It might break your heart when I say this, but I must say it."
Kinabahan naman si Angela sa maaaring sabihin ni Doktora Julia. Sa patong-patong na problema niya sa pera, baka hindi na niya kayanin ang panibagong problema.
"Your father won't last any longer, Ms. Aquino."
***
Tulala si Angela nang lumabas sa opisina ni Doktora Julia. Hindi niya matanggap na konting panahon na lang niya makakasama ang tatay niya. Pitong taon na simula nang malaman niyang may alzheimer disease ang tatay niya. Kahit mahirap ang buhay, nagdesisyon pa rin siyang dalhin ito sa nursing home para mas matutukan ng mga eksperto ang kalagayan nito. Nabaon siya sa utang dahil kailangan niyang suportahan ang pangangailangan nito. Okay lang iyon sa kaniya, dahil alam niyang mababayaran din ang mga utang niya. Kung kailangan niyang magtrabaho habang-buhay ay gagawin niya para makabayad, pero hindi mapapalitan ang buhay ng tatay niya kapag nawala ito sa kaniya. Ngunit ngayon, isang balita ang nagpapahina sa loob niya. Malapit na itong mawala sa kaniya.
Nagtungo si Angela sa silid ng tatay niya. Doon niya ibinuhos ang pinipigilan niyang luha. Nakayuko siya sa gilid ng kama nito habang hawak ang kamay ng tatay niya.
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES
Historia CortaTunghayan ang mga istoryang maghahatid ng kilig at saya sa inyong mga puso. Mga kwentong puno ng pag-ibig, pagtitiwala, at mga pagsubok. Mga kwentong magpapakita sa inyo na ang pag-ibig ay hindi lamang isang damdamin, kundi isang desisyon na may kaa...
