The Unexpected Billionaire Heiress

325 9 1
                                        


SIMULA

"Tracey, pakilinis muna ang banyo ng mga lalaki. Konti na lang naman ang mga tao sa gym. Madalang na ang gumagamit no'n ngayon," utos ni Pundong—ang may-ari ng gym kung saan nag-t-trabaho si Tracey bilang janitress.

"Yes, boss. Tatapusin ko lang po ang paglilinis nitong mga equipment." Nakangiting sagot ni Tracey.

"Sige. Ibalik mo sa lalagyan ang mga equipment na kaya mong buhatin.'Yong mabibigat, si Carlo na lang ang mag-aayos mamaya. Balikan mo na lang ang ibang equipment pagkatapos mong maglinis ng CR dahil ginagamit pa iyon ng mga customer."

"Okay po, boss."

Bumalik sa paglilinis si Tracey nang umalis si Pundong. Pagkatapos niyang maglinis ay kinuha naman niya ang cleaning tools sa storage room bago pumunta sa banyo ng mga lalaki. Siniguro muna niyang walang tao sa banyo bago siya pumasok.

Nasa kalagitnaan ng paglilinis si Tracey nang may pumasok na lalaki sa banyo. Napahinto siya sa pag-m-map at napatitig dito. Bumabakat ang pawisan at macho nitong katawan sa suot na muscle fit sando. Bahagya pang tumutulo ang pawis nito sa makinis na noo. Nakatungo ito habang hawak ang cellphone na waring may kinakausap sa kabilang linya. Parang bumagal ang paligid ni Tracey nang tumingin ang lalaki sa kaniya.

"Dalhin mo sa akin ang mga detalye. Magmadali ka," sabi nito sa kausap.

Nakatingin lang kay Tracey ang lalaki at hindi napansin ang timba ng tubig sa lalakaran nito. Huli na para sabihan niya ang lalaki. Nasipa nito ang timba at natapon ang laman no'n sa sahig.

Bumakas ang inis sa gwapo nitong mukha. Pinutol nito ang tawat at ibinaba ang cellphone.

"Darn it! What the heck, janitress? Bakit hindi mo nilalagay sa ayos ang mga gamit mo? Tingnan mo ang nangyari. Nadumihan ako ng maruming tubig na 'yan!" maarte nitong bulalas at masama siyang tinignan bago humakbang palapit sa kaniya.

"Mag-iingat ka, Sir. Madulas po ang sahig," paalala niya sa lalaki.

Hindi pinansin ng lalaki ang paalala niya. Isang metro na lang ang layo nito sa kaniya nang biglang nadulas ang lalaki. Namilog ang mga mata ni Tracey at hindi agad nakakilos nang patungo sa kaniya ang bagsak nito.

"S-Sir, h'wag dito. Sa ibang direksyon ka bumagsak! Ang laki-laki mo. Baka mapisat ako!" natatakot niyang sigaw.

Nagawang pigilan ng lalaki ang napipintong pagbagsak, pero nag-landing ang mga kamay nito sa dibdib ni Tracey. Tila kumukuha roon ng suporta ang lalaki para hindi bumagsak sa sahig.

Nag-init ang mukha ni Tracey kasabay ng pag-iinit ng ulo niya. Nagulat din naman ang lalaki nang mahawakan nito ang dibdib niya.

"Bastos!" sigaw niya.

Pinaghahampas ni Tracey ng map ang lalaki. Tuluyan itong nadulas at bumagsak sa basang sahig dahil sa pag-iwas.

"Ouch! Darn it! Stop it, janitress, or you'll lose your job," pagbabanta nito sa kaniya.

Isang hataw ng map sa mukha ng lalaki ang ginawa ni Tracey bago tumigil, pero napatigil siya nang makitang dumugo ang ilong nito. Pinahid ng lalaki ang ilong at umigting ang panga nito sa galit nang makita ang dugo sa kamay.

"You'll pay for this, janitress. You'll pay for what you did!" galit nitong sabi.

Tumayo ang lalaki, pero muli itong nadulas at padapang bumagsak. Umiwas ng tingin si Tracey at pinigilan ang pagtawa. Nagmukha itong palaka na lumangoy sa tubig habang nakadapa sa sahig. Pinakawalan niya lang ang pagtawa nang lumabas sa banyo ang galit na lalaki.

"Ang laki ng katawan, pero ang lampa naman. Hindi marunong mag-balanse sa madulas na sahig. Dapat mag-enroll siya sa ballet class para matuto siyang mag-balanse." Naiiling niyang sabi bago nagpatuloy sa paglilinis.

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon