SIMULA
Nakatungo si Emery at iniiwasan ang tingin ng masungit na ginang sa harapan niya. Pakiramdam niya at dinudurog na siya nito sa isip. Masama ang tingin nito simula nang dumating siya sa coffee shop kung saan sila nagkita.
"Magkano ang kailangan mo para layuan ang anak ko?" Taas kilay na tanong ni Mrs. Dela Cruz kay Emery.
"I'm sorry, Mrs. Dela Cruz, pero hindi po matutumbasan ng pera ang pagmamahal ko para kay Alec. Mahal ko po siya at hindi ko siya lalayuan tulad ng gusto mo," ma-dramang sagot ni Emery.
"That's bullsh*t! Walang maidudulot na maganda ang pagkapit mo sa anak ko. Walang puwang ang dukhang kagaya mo sa pamilya ko. Sisirain mo lang ang reputasyon namin!"
"Nagmamahalan po kami ni Alec—"
"Nagmamahalan? Nahihibang ka na ba. Hindi ka mahal ng anak ko. Nasisilaw lang siya sa pang-aakit mo!"
Inilabas ni Mrs. Dela Cruz ang check book mula sa chanel bag nito. Nagsulat doon ang ginang bago nito ilapag ang checke sa mesa.
"Five hundred thousand, sapat na siguro 'yan para lumayo ka. Huwag ka nang magpapakita sa anak ko!" galit nitong sabi bago umalis.
Sinundan ng tingin ni Emery ang papalayong ginang. Dinampot niya agad ang checke nang mawala ito sa paningin niya.
"Ang kuripot naman ni Mrs. Dela Cruz." Nadismaya siya dahil ganoon lang kaliit ang nakuha niya sa pakikipag-relasyon kay Alec. Ilang buwan din siyang nang-akit para makuha ang pansin nito. Bukod pa iyon sa ilang buwan niyang kasusunod kay Alec para makahanap ng pang-blackmail dito, tapos five hundred thousand lang pala ang makukuha niya? Hindi sapat 'yon.
"I'm sorry, Alec, pero gagamitin ko sa 'yo ang huling alas ko."
Kinuha ni Emery ang cellphone para tawagan si Alec, pero tumunog na iyon mula sa tawag ng lalaki. Tumikhim muna siya bago sagutin ang tawag.
"Hello, Alec?" malungkot niyang sagot. Kailangan muna niyang mag-drama kung gusto niyang makuha ang kailangan niya.
"I'm sorry, Emery, pero hanggang dito na lang tayong dalawa. Tinatapos ko na ang relasyon natin. Ayaw ng mga magulang ko sa 'yo at ayoko silang biguin."
"Alec, minahal kita ng buong puso, tapos ganito lang ang gagawin mo sa 'kin? Alam kong iba't-ibang babae ang kasama mo tuwing gabi habang magka-relasyon tayo. Minsan gumagamit ka pa ng pinagbabawal na gamot kasama ang barkada mo. Tanggap ko naman iyon at tinago ang mga lihim mo. Binabalewala ko lahat hanggat kaya kong tiisin ang sakit, pero bakit ang bilis mong sumuko sa relasyon natin?"
"E-Emery, paano mo nalaman ang mga 'yan?" kinakabahan nitong tanong.
Bumuntong hininga si Emery at inalis ang pagkukunwari sa boses niya. Tatapusin na rin niya ang pagtitiis sa relasyong hindi naman niya gusto. Pera lang ang habol niya kay Alec at kailangan niyang makuha iyon.
"Sinusundan kasi kita, Alec. Lahat ng sekreto mo, alam ko. May mga larawan pa nga ako e. Gusto mo bang i-post ko sa social media? Sigurado ako na pagkakaguluhan ng media ang tungkol sa nag-iisang tagapagmana ng Dela Cruz Company. Malaking kasiraan ito sa pamilya mo."
"Emery, huwag mong gagawin 'yan. Hindi na ako makikipaghiwalay sa 'yo kung iyon ang gusto mo. Burahin mo lang ang mga larawan na 'yan."
"Hindi relasyon ang gusto ko, Alec."
"S-Sabihin mo sa 'kin kung ano," kinakabahan nitong sabi.
"Isang milyon kapalit ng pananahimik ko. Ibibigay ko sa'yo ang bank account ko at meron ka lang hanggang bukas ng tanghali para ipadala ang pera. Kung hindi, masisira ang pangalang iniingatan mo."
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES
Short StoryTunghayan ang mga istoryang maghahatid ng kilig at saya sa inyong mga puso. Mga kwentong puno ng pag-ibig, pagtitiwala, at mga pagsubok. Mga kwentong magpapakita sa inyo na ang pag-ibig ay hindi lamang isang damdamin, kundi isang desisyon na may kaa...
