Hot Encounter with Engineer

462 19 0
                                        


SIMULA

"Where are you going, Dad?" tanong ni London na kasalukuyan nasa salas at nanonood ng soccer sa telebisyon.

"Pupunta ako sa Pampanga para hikayatin ang tita mo na bumalik sa mansiyon. Nanghihina na ang lolo mo at gusto niyang makita ang tita mo bago siya magpaalam. Ayaw naman sumama ni Marabela sa driver na pinapunta ko roon," sagot nito tukoy sa nag-iisang kapatid.

Pinagmasdan ni London ang itsura ng ama. Nahihirapan na itong maglakad dahil sa edad. Senior citizen na ang daddy niya at may iniindang sakit sa katawan. Hindi makatutulong ang pananatili nito sa probinsya kung nasaan ang tita niya. Malamig ang klima roon ngayon na posibleng magpalala sa kundisyon nito. Siguradong mahihirapan din ito sa byahe.

Pinatay ni London ang telebisyon bago tumayo. "Ako na lang ang pupunta sa probinsya, Dad," sabi niya rito.

"Sigurado ka ba, iho? Mahirap kumbinsihin si Marabela. Baka matagalan ka roon. Ako na lang ang pupunta," pagpupumilit nito.

"Hindi makatutulong sa 'yo ang manatili sa lugar na iyon, Dad. Gagawa na lang ako ng paraan para isama si Tita Marabela pabalik dito."

"London, may kakaibang kundisyon ang katawan mo. Paano kung bigla ka atakehin habang nasa probinsya? Ayokong mapahamak ka sa lugar na iyon," nag-aalala nitong sabi.

"Isang buwan na simula nang matapos ang theraphy ko, Dad. Magaling na ako. Hindi rin ako magtatagal sa probinsya. Babalik din ako mamayang gabi o bukas nang umaga."

Bumuntong hininga ang daddy ni London at napipilitan itong pumayag.

"Kung iyan ang desisyon mo, hindi na kita pipigilan. Mag-iingat ka roon."

"Yes, Dad."

***

Parehong araw ay umalis din si London. Hapon na nang makarating si London sa probinsya. Malubak at medyo maputik ang binabaybay niyang daan patungo sa bahay ng tita niya. Matataas ang mga puno at madalang ang mga bahay. Bata pa siya nang huli siyang makarating doon, kaya hindi niya matandaan kung tama ba ang daan na tinatahak niya.

Napansin ni London ang isang magsasaka sa gilid ng kalsada. Nagpapainom ito ng kalabaw sa bahagyang agos ng tubig sa lupa. Itinigil niya ang sasakyan sa tapat nito. Ibinaba niya rin ang bintana para magtanong.

"Excuse me!" tawag pansin niya sa nakatalikod na magsasaka.

Bahagyang nagulat si London nang tumingin ang magsasaka sa kaniya. Nakita niya ang inosente at magandang mukha ng isang babae. Akala niya ay lalaki ito dahil sa suot nitong maluwang na jacket at pantalon. Natatakpan din ng malaking salakot ang ulo nito.

"Bakit po?" magalang na tanong ng babae.

Sandaling natigilan si London. Para siyang nakarinig ng magandang musika sa boses ng babae.

"Sir?" tawag pansin nito sa kaniya.

Tumikhim si London bago sabihin ang itatanong niya sa babae. "Itatanong ko lang sana kung kilala mo si Marabela Bridge?"

"Ano'ng kailangan mo kay Manang Bela?"

"Bibisitahin ko lang siya at may importante akong sadya sa kaniya."

"Kaano-ano ka ba ni Manang Bela?"

"Pamangkin niya ako. Ako si London Bridge. Alam mo ba kung saan ang bahay niya?"

Ngumiti ang babae na nagpalitaw sa maputi at pantay-pantay nitong ngipin.

"Oo naman. Deretsuhin mo lang ang kalsadang ito. Sa dulo nito makikita mo ang isang kubo na walang bubong at kulang ang sahig ng upuan. Sa gilid no'n ay may puno ng saging na tatlo ang dahon at malapit ng mamatay. Katabi ng punong saging ay isang maliit na daan patungo sa bahay ni Manang Bela. Hindi kakasya ang sasakyan mo roon kaya iwan mo na lang dito."

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon