The Billionaire Proposal

144 6 0
                                        


SIMULA

Nagmamadaling naglakad si Beatriz patungo sa opisina ng asawa niya. Maghahatid siya ng pagkain para sa tanghalian nito. Pinagtitinginan siya ng mga empleyado sa gusali. Hindi nababagay ang suot niyang bulaklakin at lumang bestida sa lugar na iyon. Pawisan din siya dahil sa init ng araw sa labas, ngunit binalewala niya ang tingin ng mga ito.

Napangiti si Beatriz nang matanaw ang pintuan ng opisina ni Mateo. Malapit na siya sa pintuan nang makita niyang lumabas ang sekretarya ng asawa niya. Gusot ang damit nito at bahagyang magulo ang buhok. Napansin din niyang kalat-kalat ang lipstick sa labi nito. Nagbulag-bulagan siya tulad ng lagi niyang ginagawa.

"Magandang araw, nasa loob ba si Mateo?" Nakangiti niyang tanong sa babae.

Hindi na ito nagulat nang makita siya. Pinagtaasan siya nito ng kilay at mapagmataas na tumingin sa kaniya.

"Obvious ba? Opisina ni Sir Mateo 'yan, malamang nasa loob siya. Kagagaling ko nga lang sa loob at sigurado ako na ayaw mong malaman kung ano ang ginagawa namin kapag breaktime."

"Papasok na ako," balewala niya sa sinasabi nito.

Pinigilan siya ng sekretarya nang bubuksan niya ang pinto.

"Maghintay ka muna rito, baka inaayos pa ni Sir Mateo ang damit niya. For sure, matagal mo nang hindi nakikita ang katawan niya." Nakangisi nitong sabi.

Tinabig ni Beatriz ang kamay ng sekretarya. Hindi siya nakinig dito at binuksan niya ang pinto. Hindi niya pinansin nang makitang inaayos ni Mateo ang kurbata. Alam na niya kung ano ang ginawa nito kasama ang sekretarya. Sinalubong siya nito ng matalim na tingin nang makita siya. Palagi naman gano'n at sanay na siya.

"Ano'ng ginagawa mo rito, Beatriz?"

"Nagdala ako ng tanghalian mo." Pinatong niya sa mesa nito ang dala niyang basket ng pagkain, pero tinabig ni Mateo 'yon. Natapon sa sahig ang laman ng basket.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na huwag kang pupunta rito? Sinisira mo ang reputasyon ko sa kumpanya ko!" galit nitong sigaw sa kaniya.

"Bakit? Alam ba nila na ako ang asawa mo? Hindi naman, 'di ba? Paano ko sisirain ang reputasyon mo kung akala ng mga empleyado rito ay katulong mo lang ako? Sekretarya mo lang ang may alam ng relasyon natin."

Galit na tumayo si Mateo at lumapit sa kaniya. Nangilid ang luha niya nang mahigpit nitong hawakan ang mukha niya.

"Huwag na huwag mong babanggitin na asawa kita, Beatriz. Hindi kita asawa. Naanakan lang kita at dapat mong ipagpasalamat na kinupkop at pinapakain ko kayo ng anak mo!"

Napabaling ang ulo niya nang marahas nitong bitiwan ang mukha niya. Inalis niya ang butil ng luha na pumatak mula sa mga mata niya bago muling tumingin kay Mateo.

"Oo, Mateo. Salamat sa 'yo... dahil sa 'yo nasira ang buhay ko!"

Muling napabaling ang mukha ni Beatriz nang sampalin siya ni Mateo. Tumulo ang pinipigilan niyang luha nang mahigpit nitong hawakan ang buhok niya. Marahas nitong hinila iyon para humarap siya rito.

"Huwag mong isisi sa akin ang nangyari sa buhay mo dahil kagustuhan mo 'yan. Akala mo siguro makakaahon ka sa hirap kapag nagpabuntis ka sa mayaman. Nagkakamali ka, Beatriz. Kahit isang sentimo ng kayamanan ko, walang mapupunta sa 'yo."

"Hindi kayamanan ang habol ko sa 'yo, Mateo. Mahal kita at naniwala ako sa mga pangako mo. Pero ano'ng nangyari? Nagdusa lang ako kasama ka!"

"Nararapat lang sa 'yo 'yan, Beatriz. Umalis ka sa pamamahay ko kung gusto mo. Dalhin mo ang anak mo. Tingnan natin kung hindi ka magutom sa lansangan. Pero hanggat nasa puder kita, magdudusa ka!"

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon