SIMULA
Napangiti si Sha nang matanggap niya ang isang mensahe sa cellphone niya. Mabilis naman niyang itinago iyon nang sumilip ang boyfriend niyang si Rafael.
"Mukhang masaya ang baby ko ah. Sino'ng nagtext sa 'yo?" tanong nito sa kaniya habang hawak ang tray ng pagkain na inorder nila sa isang fastfood.
"Sa home credit 'yon. Nagtext lang sa 'kin para sabihin na p'wede ko na raw makuha ang refrigerator na ibibigay ko kay Tita Cora," sagot niya tukoy sa ina ni Rafael.
Ibinaba ni Rafael ang mga pagkain sa mesa bago ito umupo sa tabi niya.
"Hindi mo na iyon kailangan gawin, Sha. Promoted na ako bilang manager sa kompanya. Mabibili ko na ang mga gamit na gusto ni Mama. Kapag nakaipon din ako, magpapakasal na tayo."
Ngumiti si Sha sa kasintahan. Masaya siyang marinig ang plano nitong pakasalan siya. Sa eight years nilang magka-relasyon, akala niya ay wala sa isip nito ang magpakasal. Naging abala ito sa trabaho simula nang magtapos ito ng kolehiyo. Pero ngayon ay panatag na siya dahil narinig niya mismo mula kay Rafael ang bagay na pinapangarap niyang mangyari para sa kanilang dalawa.
Pagkatapos kumain, nagpaalam agad si Rafael kay Sha. Wala namang ibang gagawin si Sha kaya pumunta na lang siya sa bahay ng mga magulang ni Rafael.
"Sha, iha! Ginulat mo naman ako. Akala ko magkasama kayo ni Rafael," magiliw na sabi ng mama ni Rafael habang nakangiti.
"Bumalik na po si Rafael sa opisina, Tita Cora. Wala naman po akong gagawin sa bahay, kaya pumunta na lang po ako rito."
"Mabuti kung ganoon. Wala kasi akong kasama ngayon dito. Umalis ang Tito Mario mo at pupunta raw sa kabilang bayan para bisitahin ang junskshop niya roon. Halika, pasok ka. Nagluto ako ng matamis na saging. Mag-meryenda ka muna," saad nito at hinila siya papasok ng bahay. Dinala siya nito sa kusina. Pinaghila pa siya nito ng upuan sa harap ng mesa bago ito nagsalin ng pagkain sa mangkok.
"Tikman mo ito, Sha. Paborito ito ni Rafael, kaya tiyak na magugustuhan mo rin ito." Maingat nitong inilagay sa mesa ang mangkok. Pinaghanda rin siya nito ng tubig at tissue. Alagang-alaga talaga siya nito simula noong maging kasintahan niya si Rafael. Nag-iisa nitong anak si Rafael kaya siguro ganoon ang turing nito sa kaniya.
"Maraming salamat po, Tita Cora. Sabayan mo po ako sa pagkain," paanyaya niya.
"Hindi na, iha. Katatapos ko lang kumain. Sige, kumain ka na."
"S'yanga pala, Tita. Dadalhin na po rito bukas ang pangako kong refrigerator sa 'yo," saad niya bago simulan ang pagkain. Katatapos lang niyang kumain, pero nahihiya naman siyang tanggihan ang niluto nitong meryenda.
"Maraming salamat, Sha. Alam mo ba simula nang dumating ka sa pamilya namin, lagi na kaming sinuswerte. Nagkaroon ng negosyo ang asawa ko. Nabiyayaan din ng scholarship si Rafael at nakatapos sa pag-aaral. Pagka-graduate naman niya ay nakahanap agad siya ng trabaho at ngayon ay na-promote pa siya bilang manager. Ikaw talaga ang nagdala ng s'werte sa pamilya namin."
"Nagkataon lang po iyon, Tita." Nakangiti niyang sabi.
Ilang oras pang nanatili si Sha sa bahay nina Rafael. Naaliw naman siya sa k'wentuhan nila ng mama nito. Dapit-hapon na siya umuwi. Ngunit pagdating niya sa tinutuluyang apartment ay hindi niya inaasahan ang taong naghihintay sa kaniya sa loob ng bahay.
"Ano na naman ang ginagawa mo rito, Mr. Rendol Wraith? Paano ka nakapasok?" tanong niya sa lalaki na pinagmamasdan ang kaniyang salas. Parang namamangha pa ito sa liit no'n.
Humarap naman ito sa kaniya at ngumisi. "Ito ba ang buhay na gusto mo? Simple at payapa. I can give you that, Misha. No need to hide your true identity from anyone," saad nito.
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES
Storie breviTunghayan ang mga istoryang maghahatid ng kilig at saya sa inyong mga puso. Mga kwentong puno ng pag-ibig, pagtitiwala, at mga pagsubok. Mga kwentong magpapakita sa inyo na ang pag-ibig ay hindi lamang isang damdamin, kundi isang desisyon na may kaa...
