Owned by a Dangerous Gentleman

608 15 10
                                        


SIMULA:

"In this case, the jury, found the defendant not guilty of the charge of hit and run. This court is adjourned."

Tila nabingi si Gabriela nang marinig ang final decree ng korte para sa kaso ng kaniyang ama. Narinig niya ang pag-iyak ng kaniyang ina dahil sa kanilang pagkatalo. Nagpuyos ang dibdib niya nang makita ang kasiyahan sa kabilang kampo. Dala ng bugso ng damdamin, sinugod niya si Maverick Rafols—ang salarin sa pagkamatay ng tatay niya.

"Walanghiya ka! Pinatay mo ang tatay ko. Papatayin din kita!" Sinuntok niya sa mukha si Maverick. Sandaling natigilan ang mga kasama nito bago pa kumilos. Hinila siya ng mga ito palayo sa lalaki. Hindi siya binitiwan ng mga kasama ni Maverick hanggat hindi ito nakakalayo sa kaniya. Bago tuluyang mawala sa paningin niya si Maverick, bumaling ito sa kaniya. Makahulugan itong tumingin na hindi niya alam ang ibig sabihin.

***

Huminga nang malalim si Gabriela nang muling pumasok sa isip niya ang nangyari anim na buwan na ang nakakaraan. Oo at natalo sila sa kaso, pero hindi pa rin siya sumusuko. Bibigyan niya ng hustisya ang walang awang pagpatay sa tatay niya. Kung hindi pumapabor sa kagaya niyang mahirap ang batas, ilalagay niya ang batas sa sarili niyang mga kamay.

"Excuse me, Ma'am. Here's your dark chocolate milk tea." Nakangiting sabi ng waitress bago nito ilagay ang order niyang inumin sa mesa niya.

"Thank you," sagot niya at bahagyang tumingin sa direks'yon ni Maverick sa kinaroroonan niyang coffee shop.

Palagi niya itong sinusundan at humahanap ng pagkakataon para gawin ang plano niya, pero nahihirapan siya. Mayaman at ma-impluwens'yang tao si Maverick. Palagi itong protektado ng mga bodyguard. Nagkakape lang ito, pero alerto pa rin ang mga kasama nitong bodyguard sa labas ng coffee shop.

Patuloy ang palihim na pagmamasid ni Gabriela kay Maverick habang umiinom ng milk tea niya. Tumungo siya at inayos ang suot na sombrero nang makitang tumayo si Maverick at naglakad palabas ng coffee shop. Nakaupo siya malapit sa exit kaya dadaan ito sa tapat niya. Sa ganitong oras ay papasok na si Maverick sa Rafols University na pag-aari ng pamilya nito. Alam na niya ang routine nito dahil sa lagi niyang pagsunod dito.

"Yes. Prepare the files I sent to you last night. I'm on my way to the meeting now. Thank you," saad ni Maverick habang naglalakad.

Napansin ni Gabriela na may nahulog mula kay Maverick nang dumaan ito sa tapat niya. Nakita niyang gumulong ang isang ballpen sa paanan niya. Malayo iyon sa direks'yon ni Maverick. Kailangan pa niyang tumayo o umalis sa upuan para makuha nito ang ballpen.

"Excuse me, Miss. Can you move a little bit? Kukunin ko lang ang ballpen ko."

Hindi siya nag-aangat ng tingin kay Maverick. Sigurado siyang natatandaan pa nito ang itsura niya. Hindi pa nagtatagal nang suntukin niya ito sa korte pagkatapos nitong mapawalang bisa sa kaso.

"Miss?" muli nitong pagkuha sa atensiyon niya.

Bumuntong hininga si Gabriela bago tumayo mula sa upuan niya.

"Ako na lang ang kukuha," saad niya bago kinuha ang ballpen ni Maverick sa ilalim ng mesa.

"Careful with the coffee table. It might hurt your head."

Nakita niyang hinawakan ni Maverick ang kanto ng mesa nang bumalik siya sa pagkakaupo. Nagpatay malisya siya sa ginawa nito at inilagay ang ballpen sa mesa.

"Thank you, Miss. Ako na lang ang magbabayad sa iniinom mo para sa abalang ginawa ko."

"Bayad na ito," tipid niyang sabi. Marahil nahimigan nito na hindi siya interesadong makipag-usap kaya umalis na lang ito.

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon