SIMULA
Seryosong sinisipat ni Adonis ang dulo ng cue stick habang nakatutok iyon sa bola ng billiard. Isang bola na lang ang natitira sa billiard table. Kapag pumasok iyon, panalo na siya. Nang makuha ang tamang posisyon, tinira ni Adonis ang natitirang bola, pero binangga siya ng lalaki mula sa likuran niya.
Nagalit si Adonis nang hindi pumasok ang bola sa butas. Galit niyang binalingan ang lalaki at hinawakan ang k'welyo nito.
"May problema ka ba, huh?! Bakit mo ako binabangga? Gusto mo ng away? Sige, pagbibigyan kita!" maangas niyang sabi sa lalaki.
"Pare, dumaan lang ako. Hindi ko naman kasalanan kung hindi ka magaling. Ang bulok mo kasing tumira." Nakangisi at tila nang-aasar na sabi ng lalaki.
"Ah, gano'n. Ito sa 'yo!"
Susuntukin sana ni Adonis ang lalaki, pero inawat siya ng mga barkada niya.
"Easy lang, tol. Maraming kasama ang isang 'yan," bulong ng isang tropa ni Adonis.
"Wala akong pakealam kahit marami pa sila. Tuturuan ko ng leks'yon ang isang 'to!"
Sinuntok ni Adonis ang lalaking bumunggo sa kaniya. Natumba ito sa ibabaw ng isang billiard table at nagulo ang laro ng isang grupo roon. Sumugod ang mga kasama ng lalaki kay Adonis. Humarang naman ang barkada nito at doon nagsimula ang gulo. Maging ang ibang grupo ay nakisali rin sa rambulan. Kaliwa't kanan ang suntukan. Nagsigawan ang mga babae sa loob ng billiard room at sinusubukang awatin ang mga kasamang lalaki. Nagliparan ang mga bola na ginagawang armas ng iba sa kaaway. Naputol ang mga cue stick at nasira ang ilan sa mga mesa.
Napahinto ang kaguluhan nang may sumipa sa pinto ng billiard room. Natigilan ang mga nag-aaway nang pumasok ang isang babae. Matangkad ito at makikita sa nakabukas na leather jacket ang suot nitong fitted black shirt na humahapit sa sexy'ng katawan. Seryoso ang itsura ng babae na may bahagyang kunot sa noo. Nilibot nito ang tingin sa paligid at huminto sa direks'yon ni Adonis.
Naglakad ang babae patungo kay Adonis. Walang nagtangkang kumilos sa mga nag-aaway. Nakatuon lang ang tingin ng mga ito sa babae hanggang tumigil ito sa harapan ni Adonis.
"Lumabas ka riyan kung ayaw mong kaladkarin kita," seryoso nitong sabi.
Tinulak ni Adonis ang hawak niyang lalaki at maangas na hinarap ang babae.
"Miss, pinagbabantaan mo ba ako? Hindi mo ba kilala kung sino ako? Mag-ingat ka sa pananalita mo. Baka magsisi ka."
"Umalis ka riyan. Hindi ikaw ang kinakausap ko."
Napahiya si Adonis nang balewalain siya ng babae. Hindi rin siya makapaniwala nang tabigin siya ng babae para umalis sa harapan nito. Hindi siya nagpatinag dito para hindi siya lalong mapahiya sa mga kaibigan at kaaway niya. Hinawakan niya ang braso ng babae at hinila ito palapit sa kaniya. Inilapit niya ang mukha sa babae at ngumisi. Maganda sana ito, pero bastos ang ugali. Wala itong respeto sa kagaya niya na halos sambahin ng mga tao sa paligid niya. Anak siya ng milyonaryo at kayang-kaya niyang pisatin ang sinuman sa isang utos niya lang.
"Huwag mo akong pinapahiya sa mga tao rito, Miss. Wala pang gumagawa niyan sa akin na nakaligtas sa mga kamay ko. Kung ayaw mong maparusahan, lumuhod ka sa harapan ko at humingi ng tawad sa akin."
Nakipagsukatan ng tingin sa kaniya ang babae. "Mainit ang ulo ko ngayon at hindi maganda para sa 'yo kung mananatili kang malapit sa akin. Lumayo ka kung ayaw mong masaktan."
Tumawa naman si Adonis. Hindi niya sineryoso ang sinabi ng babae, pero nagulat siya nang bigla itong kumilos. Binigyan siya nito ng s'wabeng arm throw. Sa sobrang bilis ng kilos nito, namalayan na lang niyang nakahiga na siya sa sahig.
BINABASA MO ANG
SHORT STORIES
Short StoryTunghayan ang mga istoryang maghahatid ng kilig at saya sa inyong mga puso. Mga kwentong puno ng pag-ibig, pagtitiwala, at mga pagsubok. Mga kwentong magpapakita sa inyo na ang pag-ibig ay hindi lamang isang damdamin, kundi isang desisyon na may kaa...
