[Ang Simula]
"SHE has an amnesia, Mr. and Mrs. Ferrer."
Ang mga mata ko ay lumipat sa isang Doktor matapos niyang magsalita. Nandito ako sa isang maliwanag na kuwarto at lahat ng mga taong nasa paligid ay nakatingin sa akin. Walo ang mga taong ngayon ay nandito maliban sa akin.
Naguguluhan ako, hindi ko alam kung bakit wala akong kahit anong maalala tungkol sa buhay ko. Napatingin ako sa isa pang lalaki nang maglakad siya papalapit sa akin at umupo sa tabi ko. Hinawakan niya ang mukha ko, ang mga mata niya ay puno ng pag-aalala.
"Anak..." sambit niya at niyakap ako, hindi ko naman nagawang yakapin siya pabalik dahil hindi ko siya kilala.
Kumawala siya sa akin at hinawakan ang magkabilang balikat ko. Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng dibdib ko habang nakatingin sa kaniya.
"D-doc, wala na po bang ibang paraan para makaalala siya agad?" Tinignan niya ang doktor.
"I'm sorry, Mr. Ferrer. There is no way she can remember everything but to help her and stay at her side always," sagot nito.
Napatingin ako sa babaeng katabi kanina ng lalaking lumapit sa akin nang marinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa apat pang mga tao na naririto.
Binalingan ko ang lalaking nasa tabi ko para magtanong, "S-sino kayo?" tanong ko bago napahawak sa noo kong may nakalapat na bendahe.
"Ako si Kristian, anak. Ang daddy mo," pakilala niya at hinawakan ang likod ko para ipakilala sa akin ang bawat taong naririto.
"Siya si Adelina. Ang... Mommy mo." Napabalik ang tingin ko sa kaniya dahil sa paraan ng pagkakasabi niya noon.
Umiwas na lang din ng tingin ang maputing babae na sinasabi niyang Mommy ko. Napatikhim ang lalaking sinasabi namang Daddy ko at linihis na lang ang usapin sa pamamagitan ng pagpapakilala ng iba pang tao.
"Ito naman si Adelia, Adeline, at Akira. Mga kapatid mo." Isa-isa niyang tinuro ang mga magagandang babae na nakahilera sa tabi ng 'Mommy' ko raw. Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang tawaging ganoon dahil hindi ko naman sila maalala.
Napansin kong magkakahawig sila at talagang magaganda. Si Adelia ang pinakamatangkad sa kanila. Nang magtama ang paningin namin ay umiwas siya ng tingin. Kaonti lang ang tangkad niya sa Mommy niya at sumunod na si Adeline at Akira.
Bumaba ang mga mata ko sa isang batang lalaki na nasa tabi ni Akira. Napakurap siya nang magtama ang paningin namin, wala sa sarili akong napangiti nang makita siya.
"Iyan naman si Atlas, ang bunso niyo." Ngumiti ang nagpapakilala sa kanila.
Mula sa pagkakatulala sa batang 'yon na ngumiti sa akin ay dahan-dahan na akong tumango. Nagbalik na rin ako ng tingin sa nasa tabi ko. Katamtaman ang kulay ng balat niya, parehas kami.
Saglit akong napatulala dahil sa hindi pagkapaniwala na maging ang sarili ko ay hindi ko magawang maalala."S-sino naman po ako? Daddy..." Sinubukan ko siyang tawagin sa katagang ipinakilala niya sa akin.
"Kiara..." pagsambit niya sa pangalan ko. Nakita ko ang pagngiti niya dahil sa itinawag ko sa kaniya.
"Iyan ang pangalan mo, anak. Kami ang pamilya mo," ngiti ni Daddy at tinulungan si Atlas na makaakyat sa kama nang tumakbo ito papalapit sa amin. Nagulat ako nang yakapin niya ako, tila lumambot ang puso ko.
Yayakapin ko sana siya pabalik pero lahat kami ay napatingin kay Mommy Adelina nang tumikhim siya. "Let's go," may awtoridad na saad niya habang diretso lang ang tingin sa harapan.
BINABASA MO ANG
Kisapmata
Historical Fictionkisapmata // historical fiction story Matapos ang aksidenteng nakaharap, si Kiara na nagmula sa isang malaking pamilya ay nawalan ng ala-ala sa isipan at nakalimutan ang kaniyang totoong mundo. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahagip ng ka...