KISAPMATA XXXV

18 2 0
                                    

[Kabanata 35 - Araw at Buwan]

NAGSIMULA akong maglakad patungo sa dilim ng kapaligiran. Hawak ang lamparang dala ko ay tinapat ko iyon sa daan para kahit papaano ay may nakikita ako.

Madilim ang buong kapaligiran dahil gabi na. Hawak ang lamparang nakita ko sa may kung saan ay kusa na lang akong naglakad palabas ng mansyon namin. Natanaw ko na mula rito ang malaking tarangkahan nang biglang dumapo ang mata ko sa kaliwa.

Dahan-dahang naglaho ang dilim ng kapaligiran at nang magbalik ako ng tingin sa harapan ay bumungad sa akin si Rafael. Sumilay ang matamis niyang ngiti na siyang dahilan upang muling kumulay ang aking mundo.

"Aking sinta," tawag niya sa akin at kinuha sa kamay ko ang lampara upang yakapin ako.

Agad ko siyang yinakap pabalik at napapikit matapos maramdaman ulit ang mainit na yakap niya sa muling pagkakataon. Nandito kami ngayon sa aklatan, marahan ngayong umiihip ang hanging sumasabay sa sandali.

Sa totoo lang ay takot ang bumalot sa puso ko nang sandali akong magbalik sa tunay kong mundo. Natatakot ako na tama si Gil, na ako ang gumawa ng mundong ito na pinapangarap ko.

Sa wakas ay nakabalik na rin akong muli sa pahinga ko.

Hindi rin nagtagal ay bumitaw na si Rafael sa akin at hinawakan ang aking mukha. "Kumusta?" tanong niya.

Nanatili ang mga mata ko sa kaniya hanggang sa wala sa sariling tinaas ang kamay ko para hawakan ang pisngi niya. "Totoo ka ba?" tulalang tanong ko sa kaniya.

Gumuhit ang pagtataka sa mukha niya saglit pero hindi rin nagtagal ay napangiti na siya, "Ikaw ay ayos lang ba, sinta?" tanong niya at natawa.

Napanguso na lang ako lalo na nang akbayan niya ako. Pero kasabay din noon ay ang pagguhit ng ngiti sa labi ko dahil sa kapanatagang totoo siya.

"Siya nga pala, Kiara. Inimbatahan tayo ni Ina na magtungo sa mansyon mamaya. Ayos lang na sa 'yo?" tanong niya, naglalakad na kami palabas ng kaniyang aklatan.

Pinagmasdan ko ang kapaligiran pagkalabas. Nararamdaman kong totoo naman ang mundong nakikita ko ngayon, sana nga ay hindi ako ang mali dahil hindi ko kakayanin ang katotohanang ipinapakita sa akin.

"Kiara?" tawag sa akin ni Rafael na ikinabalik ko sa reyalidad.

"H-ha?" wala sa sariling tanong ko. Tumigil na kami sa paglalakad dahil tumigil siya at hinarap ako.

Hinawakan niya ang magkabila kong balikat, "Ayos ka lang ba? May hindi ka ba magandang nararamdaman?" sinseryong tanong niya at hinawi ang hibla kong buhok ko na tumama sa aking mata.

"A-ayos lang ako. Pumunta tayo kay Ina mamaya," saad ko at sinubukang ngumiti. Saglit niya akong tinignan bago huminga nang malalim at ako'y nginitian din.

Nag-angat ako ng tingin sa kalangitan, marahang umihip ang hangin. Hindi ko maunawaan kung paano nangyari na nagbalik ako sa mundong ito nang biglaan. Kay hirap sagutin ng tanong na maaaring maging dahilan upang matagpuan ko ang katotohanan.

MULA sa salamin ay nakita ko nang sulyapan ako ni Rafael habang abala siya sa pagbubutones ng polo niya sa gilid ng kama. Nandito kami ngayon sa silid at nakapagbihis na ako. Ilang oras na lang at pupunta na kami sa Hacienda Rosales.

Binalik ko ang tingin ko sa sarili at napahawak ako sa buhok ko nang mapansing maigsi na iyon. Ang huli kong naaalala ay mahaba ang buhok ko at kulot din. Nilingon ko si Rafael na noo'y nakatingin pa rin sa akin.

"Raf..." tawag ko sa kaniya at tumayo.

Naglakad ako papunta sa kaniya habang hawak pa rin ang buhok ko. Dahil doon ay napatingin din siya roon. Binabalot man ng kaba ay sinubukan ko pa ring magsalita.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon