KISAPMATA IX

8 3 0
                                    

[Kabanata 9 - Puno]

"GINOO..." Agad naputol ang salita ko dahil hindi ko naman siya tinatawag nang ganoon. "R-rafael," sambit ko na sa pangalan niya. Hindi ko alam kung bakit ako nautal sa pagsabi ko niyon, ang pangit tuloy pakinggan.

Nagbalik na siya ng tingin sa bukid at tuluyang ibinuga ang usok. Hindi ko akalaing may bisyo pala siya. Mukha lang siyang mabait pero hindi talaga. Kung sa bagay, mali ako dahil hindi naman dahil naninigarilyo siya ay masama na rin siya. Mapanghusga lang talaga ang utak ko.

Naglakad ako papunta sa tabi niya, agad niya namang sinara ang pinto dahil baka mamaya ay may makahuli na naman sa amin. Hindi ko alam at maunawaan kung bakit ang pagiging malapit ng babae at lalaki sa isa't isa ay napakalaking bagay sa mundong ito. Hindi ba puwedeng magkaibigan lang sila? Pero kung sa bagay, hindi naman kami magkaibigang dalawa.

Napansin ko na ang mga bagong sibol ng kabataan ay nagsisimula na ring sundin ang makabagong tuntunin ng panahon kung saan ang mahigpit na bagay ay nagiging maluwag na sa iba. Sadyang marami lang mga tao ang naiwan sa paniniwala ng nakaraan kahit na ang nagdala ng tuntuning iyon ay wala na sa bansang ito.

Bagong pinuno, bagong alituntunin. Ngunit kailan mamumuno ang mga taong tunay na nagmula sa bansang ito? Hanggang kailan masusunod ang mga taong sakim at pinipiling gawin ang mali? Hindi ko man maalala pero alam kong balang araw ay darating din ang sandali kung saan tuluyan nang nakalaya ang bansang Pilipinas mula sa mananakop, mula sa lahat.

Tumikhim ako bago sinimulan nang kausapin si Rafael, "Puwede ba ako sa ganiyan?" interesadong tanong ko sa kaniya.

Dinapuan niya ako ng tingin. "Hindi."

"Bakit ikaw, puwede?" tanong ko at nagtaas ng kilay. Ang daya naman kung ganoon.

"Basta, hindi ka puwede sa ganito. Hindi na lang din ako gagamit, para parehas tayo." Sumilay ang kaonting ngiti sa labi niya.

Sandali akong napatulala sa kaniya habang marahang iniihip ng hangin ang buhok niyang tumatama sa kaniyang makapal na kilay. Ito na ang sinasabi kong mukha lang siyang mabait pero hindi naman talaga. Nakukuha niya ang puso ng lahat sa pamamagitan ng matamis niyang ngiti na hindi ko maitatangging nakahahalina naman talaga.

Napatingin kami sa isa't isa habang pareho ngayong nakasandal sa pader ng panciteria.

Hindi rin nagtagal ay umiwas na ako ng tingin at pinagmasdan ang bukirin na nasa harapan namin. "Ano nga palang ginagawa mo rito? Hindi ako informed na may smoking area na pala sa panciteria namin," saad ko.

Nang hindi siya sumagot ay bumalik ang tingin ko sa kaniya. Naalala ko bigla ang seryoso niyang tingin sa akin nang unang beses na magtama ang paningin namin dito. Marahil ay may sama siya ng loob ngayon at dahil nandito ako ay dito rin siya nagpunta--dahil may galit siya sa akin.

"Ano rin palang nangyari pagkatapos kong tumakas sa bahay niyo?" patuloy ko.

"Hindi na ako magugulat pa kung sa muling pagsapit ng araw ay hanapan na ako ng aking mga magulang ng isang binibining papakasalan dahil sa naging tagpo nating dalawa." Nagtaka ako dahil sa sagot niya.

"Bakit naman?" naguguluhang tanong ko. Nagkita lang kami, kailangan na agad ikasal?

"Ang kasal ang siyang magpapanatag sa loob ng mga nakatatanda sa oras na magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng isang lalaki at babaeng kagaya nating dalawa na hindi naman karaniwan sa paningin nila," tugon niya. Sumunod ang mata ko sa tobacco nang ihulog niya na iyon mula sa kamay niya at durugin sa sahig.

"Bakit kaya patuloy pa ring ginagawa ng tao ang isang bagay kahit alam niyang iyon ang ikasasama niya?" tanong ko na ikinabalik niya ng tingin sa akin. Mukhang naisip niyang siya mismo ang kinekwentyon ko ngayon.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon