[Kabanata 29 - Habang Buhay]
HINDI nakagalaw si Doña Mariana sa kinatatayuan niya habang gulat pa rin na nakatingin nang diretso sa akin. Sa totoo lang, ang reaksyon niya ay lubos ngayong nagpapasaya sa akin. Maging si Milagros ay hindi ngayon alam ang dapat gawin sa sitwasyong ito.
"Kiara... A-alvarez? Tunay bang ikaw ang nawawalang anak ng tinitingala na si D-doña Kriselda?" nabibiglang tanong ni Doña Mariana sa akin.
"Kung ano ang inyong nalalaman ay siyang tunay din. Bakit, Doña? Ikaw ay nabigla ba?" sarkastikong tanong ko at ngumiti muli.
Napahabol siya sa sariling hininga dahil sa gulat. Sa tingin ko ay hindi siya naniwala sa balitang ang Doña Kriselda mismo ang nagsabi. Siguro ay inisip niya rin na ibang Kiara ang nawawalang anak ni Ina.
"Ina," nag-aalalang wika ni Milagros mula sa likod ko at lumapit kay Doña Mariana upang alalayan ito.
"Dalawang taon ang lumipas. Hindi maaaring hindi ko nalaman mula sa aking Ina ang kagustuhan mo na siya ay maging kaibigan. Ibig mo siyang maging kaibigan hanggang ngayon dahil sa kaniyang pagkakakilanlan ngunit hindi mo na rin mababago pa ang katotohanang wala siyang oras para sa mga kagaya mo."
"Gusto mo siyang maging kaibigan dahil si Doña Kriselda ay mayaman. Hilig mo pa rin talagang tumingin sa pamumuhay ng isang tao. Hindi ba't ganoon ka naman talaga?" tanong ko at tinignan silang dalawa ni Milagros bago tumalikod.
Kasabay nang pag-ihip ng hangin ay ang simula ng aking paglakad palayo sa lugar kung saan sa wakas ay agad ko ring naramdaman ang tagumpay ng paghihiganting nararapat lang sa isang taong tulad ni Doña Mariana.
MAKULIMLIM ang langit, mag-isa kong tinahak ang daan sa may kung saan. Sa sobrang pagkalutang ay 'di rin namalayan ng sarili kong hindi na tama ang daan na tinatahak ko. Imbis na pauwi, dito pa ako napadaan kung saan nakatayo ang aklatan ni Rafael.
Napahinga ako nang malalim at saglit na tumigil sa paglalakad ngunit hindi rin nagtagal ay nagpatuloy na dahil sa naisip na daan din naman ang kalsada na ito pauwi sa tahanan namin ni Ina.
Iiwasan ko na rin sana dapat ng tingin ang aklatan nang biglang mahagip ng mga mata ko si Rafael na kasalukuyan din na naglalakad ngayon papunta sa loob ng aklatan. Kumunot ang noo ko nang may mapansing kakaiba. Lasing ba siya? Namumula ang mukha niya't mukhang tinamaan talaga.
Napatingin ako sa kotseng papadaan. Bago niya pa makasalubong iyon ay agad na akong naglakad papalapit sa kaniya at hinawakan ang braso niya papunta sa gilid ng aklatan. Napatigil si Rafael at inaantok na napatingin sa akin. Sandaling nanatili ang aming tingin sa isa't isa.
Nauna na akong umiwas ng tingin, "Ayusin mo ang sarili mo. Aalis na ako, Rafael..." paalam ko at maingat na binitawan siya. Naiwan ang mga kamay ko sa hangin nang mabagal siyang umupo sa kalsada, tulad lang nang ginawa ko noong huli kaming nagkitang dalawa.
Napahinga ako nang malalim bago tumalikod. Akmang maglalakad na ako paalis dahil alam kong kakayanin niya naman ito nang wala ako ngunit napatigil ako matapos maramdaman ang kaniyang pagkapit sa kamay ko.
"P-pakiusap, 'wag kang umalis..." mabagal na pakiusap niya na tila nagpabalik sa akin sa nakaraan.
Ang pakiusap niya noon na huwag akong umalis na nagawa kong tiisin. "Maaari ka bang manatili... kahit na sandali?" tanong niya at tumingin sa kamay naming magkahawak, lungkot lamang ang tanging naramdaman ko sa boses niya.
Umusog siya nang kaonti at tinapik ang simento sa tabi niya, senyalas na umupo ako roon. Napakagat ako sa labi ko at tumingin sa magkabilang kalsada, walang tao. Linagay ko ang balabal kong itim sa ulo ko at hindi nagtagal ay umupo na sa tabi niya.
BINABASA MO ANG
Kisapmata
Historical Fictionkisapmata // historical fiction story Matapos ang aksidenteng nakaharap, si Kiara na nagmula sa isang malaking pamilya ay nawalan ng ala-ala sa isipan at nakalimutan ang kaniyang totoong mundo. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahagip ng ka...