KISAPMATA XXII

3 3 0
                                    

[Kabanata 22 - Ala-ala]

SA pagkakataong iyon ay tila nabingi ako at hindi nakapagsalita. Gusto ko nang tumakbo at tumakas palayo sa mundong ito na puno ng dilim, gulo, at balakid. Gusto ko na lang umiyak ngayon dahil sa sobrang pagkagulo.

"Kailangan mo ba na manatili muna nang matagal sa inyong Panciteria de Pasencia? Aking mauunawaan kung iiwanan mo muna ako rito," patuloy niya at pinatong ang kamay niya sa likod ng silya ko. Ngayon ko lamang napagtantong hindi naman pala ang iniisip ko ang siyang tinutukoy niya.

Umiwas ako ng tingin, "H-hindi. Dito lang ako," wika ko at pinigilan na lang ang pamumuo ng luha sa mata ko.

"Kung gano'n ay hindi mo ako iiwan?" Napalingon ako kay Rafael sa tanong niyang dahan-dahang nagpawasak sa puso ko, nakangiti na siya ngayon.

Masakit man, hindi man ito totoo, pero kailangan kong gawin ang lahat para hindi niya malaman ang balak ko. "Hindi..." pagsisinungaling ko.

Inabot niya ang kamay kong nasa hita ko at dinikit iyon sa labi niya habang kumikislap ang mga matang nakatitig sa akin. Kitang-kita ko ang pag-ibig sa mga mata niyang hindi ko hahayaang masayang para lang sa akin.

ORAS na ng pagtulog. Nilingon ko si Rafael na noo'y katatapos lang maligo, nakasuot na siya ng pantulog ngayon. Nasa tagong puwesto ng aklatan ang nag-iisang bagahe ko at hindi maaari na magpalit din ako ng pantulog sa kadahilanang hindi ako puwedeng mahalata ni Rafael.

Mas hindi niya mahahalata kung ito na lang ang susuotin ko hanggang sa pagtulog dahil ang alam niya'y wala naman akong gamit dito sa aklatan.

"Ke..." tawag sa akin ni Rafael na ikinabalik ko sa reyalidad.

Muli ko siyang liningon at mukhang gusto niya yata akong lumapit ngayon sa kaniya ngunit siya na lang din ang humakbang papalapit sa akin upang yakapin ako mula sa likod. Sumandal siya sa balikat ko kaya napapikit ako.

"Alam mo ba kung ano ang aking pangarap ngayon?" tanong niya.

"A-ano?" nanghihinang tanong ko habang nakakapit sa kamay niyang nasa ibaba ng dibdib ko.

"Ang maging tayo..." sagot niya na patuloy nagpasikip sa dibdib ko.

Noon ay mangyayari na sana ang pangarap mo, Rafael. Pero may isang katotohanang pumipigil sa akin.

"Matulog na tayo, Ke?" tanong niya makalipas ang ilang sandali. Hinarap ko siya at pinagmasdan, alam kong ito na ang huling beses na mayayakap ko siya nang ganito kaya hindi ko na rin pinalagpas pa ang pagkakataon para yakapin siya nang mahigpit.

Napapikit ako at sumandal sa balikat niya nang maramdaman ang mabilis niyang pagyakap sa akin pabalik. Siya na ang perpektong tao na nakilala ko sa mundong ito, pero masyado akong imperpekto para sa isang tulad niya.

Idinikit ko ang hinliliit ko sa labi ko nang hindi na mapigilan pa ang luha na buong linggo ko nang pinipigilan. Hindi ko pa rin matanggap na ito na ang huli, tila hindi ko pa rin kayang iwan si Rafael pero hindi puwede.

Napansin ni Rafael ang hindi ko pa rin pagbitaw sa kaniya kaya siya na ang naunang kumawala sa akin. Agad akong tumalikod at dumiretso na lang sa piano niya kung saan ko ipinatong ang baso ng gatas na hinanda ko para sa kaniya.

Kinuha ko na iyon at pinagmasdan sandali, kanina ko pa ito hinanda sa kusina. Napahinga ako nang malalim at nang humarap kay Rafael, ginawa ko ang lahat para magmukhang ayos lang ang lahat sa kaniya.

"Raf..." tawag ko sa pangalan niya at tumigil sa tapat ng kama kung saan ngayon ay nakaupo siya. "Para sa 'yo."

Napatingin siya sa basong hawak ko bago sa akin at ngumiti. "Salamat, Ke." Kinuha niya na sa akin ang baso para mahawakan ang kamay ko.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon