KISAPMATA VII

20 3 0
                                    

[Kabanata 7 - Araw sa Langit]

"I-INA..." ang salitang narinig ko kay Rafael nang tuluyang bumukas ang pinto. Bago pa kami mahuli ng nanay niya ay agad niya na akong hinatak papunta sa likod niya at nagtaklob ng kumot para matago ako.

Likod lang ni Rafael ang nakikita ko sa ilalim ng kumot habang patuloy kong nararamdaman ang pagkabog ng puso ko dahil sa kaba. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa oras na mahuli kami ng nanay niya. Ngayon ko lang napagtanto na nakakahiya pala ang mga pinaggagagawa ko sa buhay.

"May ibang tao ba rito maliban sa 'yo, Rafael?" mahigpit na tanong ng nanay niya, hindi ko akalaing strict pala ang mga tao rito pero sadyang makapal lang talaga ang mukha ko kaya may lakas ng loob na magpunta mismong sa silid ni Rafael.

"W-wala po, Ina..." tanggi ni Rafael at sumandal sa akin na para bang unan ako rito. Agad ko siyang siniko dahil ang obvious ng pagsisinungaling niya.

Sinubukan kong paliitin ang sarili ko habang nakahiga sa likod niya. Kumot lang din ang nakikita ko sa paligid ko dahil nakatago ako roon.

"Ina, maaari po bang lumabas muna kayo saglit sapagkat... wala po akong damit pang-itaas..." mahinang saad ni Rafael. Mukhang isa siyang mabuting anak kaya wala sa bokabularyo niya ang magsinungaling sa kanila.

Sandaling naghari ang katahimikan sa kapaligiran bago muling nagsalita ang nanay niya. "Sige, ngunit ako ay babalik agad. May pag-uusapan tayo." Iyon lang at narinig ko na ang bukas at sara ng pinto.

Bago pa gumalaw si Rafael para sa akin ay dali-dali na akong tumayo at lumayo sa kaniya. Napahawak ako sa tapat ng puso ko at hinihingal siyang tinignan. Hindi ako nakahinga roon, ah? Grabe!

Gusto ko sanang magsalita pero baka nakikinig ngayon ang nanay niya sa labas kaya tinignan ko na lang siya nang masama. Hindi niya alam kung anong naging paghihirap ko habang nagtatago ako sa likod niya.

Pero infairness pa rin, ang bango niya talaga. "Kiara..." tawag niya sa akin na siyang ikinabalik ko sa reyalidad.

Mahina lang iyon dahil sa takot na mahuli kami ng nanay niyang hindi ko pa rin alam kung anong pangalan. Mukhang napagtanto niya nang wala talaga akong balak na umalis dito sa harapan niya kaya pinili niya na lang tumalikod sa akin at mabilis na isuot ang kulay puti niyang pang-itaas na kamiso de tsino.

Longsleeve iyon habang ang pants niya naman ay kulay itim, iyon pala ang pantulog niya. Tumingin ako sa balkonahe at kumulimlim bigla ang kalangitan, mukhang papalapit na ang pagbuhos ng ulan.

Tinignan ko naman ang sarili ko at magkapares na krema at pula ang suot kong baro't saya, kupas na ang kulay nito pero ayos na rin kay sa naman sa wala.

Humakbang ako palapit sa balkonahe at kumapit sa baranda, naramdaman ko ang pagsunod sa akin ni Rafael na tila hindi na alam ang dapat gawin sa sitwasyon namin ngayon. Umihip ang malamig na hangin.

"Tumalon na lang kaya ako rito?" bulong ko sa kaniya nang makapunta siya sa tabi ko, nagtatakang bumaba ang tingin niya sa akin.

"Seryoso ka ba..." Ilinibot niya ang paningin niya sa ibaba, hapon na rin pala. Tinignan ko siya dahil ang way ng pagkakasabi niya noon ay walang halong pagtatanong man lang.

Ang kalmado niya lang talaga. "Oo. Mukha bang hindi?" Tinaasan ko siya ng kilay, tumingin ulit siya sa akin.

Magsasalita na sana siya pero sabay kaming napatingin sa pinto nang may marinig na katok mula roon. Tatalon na talaga sana ako mula sa itaas pero agad akong hinawakan ni Rafael sa braso para pigilan. Napatingin kami sa isa't isa.

"Sa palikuran," mahinahon niyang saad habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.

Gusto ko na sana siyang kwentyonin kung bakit kanina niya pa ako ayaw paalisin pero tulad lang ng nangyari noong unang beses akong nagtungo rito ay dinala niya ako sa palikuran, doon niya ako pinanatili hanggang sa marinig ko na ang muling pagbukas ng kuwarto niya na ang tanging ibig sabihin lang ay nandito na rin sa loob ang nanay niya.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon