KISAPMATA XXVI

13 3 0
                                    

[Kabanata 26 - Nang-iwan]

"KIARA!" tawag sa akin ni Latina na siyang nagpatigil sa tuloy-tuloy kong paghakbang. Sa kabila niyon ay hindi ako lumingon at hinintay na lamang siyang magpakita sa akin.

Hinarap niya ako, "Kiara, ayos ka lang ba?" tanong niya at nag-aalala akong hinawakan sa balikat.

Umiihip ang malamig na hangin, dito kami tumigil sa isang kalsadang tulad ng lahat ay nababalot ng ingay dahil sa patuloy na pagdiriwang ng bagong taon. Hindi ko mapigilang masaktan dahil kung dati lang ay sabay naming ipinagdiwang ni Rafael ang new year pero ngayon ay ang asawa niya na.

Wala na rin akong laban pa. Hindi pa nagsisimula ang laban pero ngayon pa lang ay alam kong talo na ako.

Hindi ko sinagot si Latina at tulalang naglakad lang pasandal sa isang kotse, sumunod naman siya at sumandal din sa tabi ko bago siya napahinga nang malalim. Tinignan ko lang ang sayang suot namin na hanggang paa.

"May nobya na siya..." nakatulalang sambit niya na mukhang huli na rin dahil ito na ang nangyari.

"Kaya ba ganoon na lang ang lahat ng kilos ni Rafael kanina ay dahil malabo ang mata niya? Wala siyang salamin, kaya baka naman hindi niya lang ako nakilala..." matigas na wika ko, hindi hinahayaan ang sariling lumubog na naman muli sa kalungkutan at umasa pa rin kahit na sa wala na lamang.

"Kailanman ay hindi ko na siya nakita pang nagsuot ng salamin simula nang umalis ka," saad ni Latina at tinignan ako.

Nanatili akong nakayuko dahil sa iba't ibang pakiramdam. Lungkot, pag-iisa, kunsensya, at marami pang iba. Hindi ko na rin alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman dahil sa lahat ng nangyari ngayong gabi. Palaisipan na rin sa akin ang sinabi ni Latina. Bakit hindi na nagsuot ng salamin ni Rafael simula nang iwan ko siya?

Ang bagay na alam kong mahihirapan akong malaman dahil may mataas na ngayong pader na linagay ni Rafael sa pagitan naming dalawa upang hindi ko na siya muling malapitan pa nang ganoong kadali.

"Bakit ba ako umasa na mayroon pa ring kami sa oras na magbalik ako?" tulalang tanong ko at dahan-dahang tinignan si Latina.

Namutawi ang lungkot sa mga mata niya matapos makita ang namumuo kong luha na tila walang katapusan. Alam ni Latina ang lahat. Naibahagi ko na sa kaniya ang tunay na dahilan kung bakit kinailangan kong umalis noon at marami pang iba kung kaya't siya lang din ang makakaintindi sa akin ngayon.

Nagpapasalamat akong narito si Latina dahil sa kaniya ko lang din naipapakita ang tunay na ako.

Hinawi ko na ang luha ko at huminga nang malalim upang hindi na lumuha pa. "H-hindi pa ako nakapagpaalam sa kanila. Baka isipin nila lalong-lalo na si Rafael na mang-iiwan ako..." sabi ko bago siya nag-aalalang tinignan.

"Huwag kang mag-alala. Nagpaalam ako kina Inigo bago sumunod sa iyo. Para sa akin, ang paglisan ng isang tao ay may kani-kaniya namang dahilan kung kaya't alam kong mauunawaan ka rin nila," saad niya at hinaplos ang pisngi ko bago ngumiti.

Dahil doon ay nakahinga na ako nang maluwag at napangiti rin kahit paano. Sabay kaming napatingin ni Latina sa kalangitan nang biglang may kumpitis na maghari roon kahit na natapos na ito kanina dahil lumipas na ang ilang minuto. Kusa akong napangiti dahil sa ganda ng nag-iisang kumpitis na iyon.

"Oh, kita mo na. Ang huling kumpitis na iyan ay para raw sa 'yo dahil hindi mo sila nagawang sulyapan kanina," ngiti niya at natawa.

Sa wakas naman ay tuluyan na akong napangiti at natawa rin. Hinawakan ko ang kamay ni Latina at pinisil iyon bilang pasasalamat dahil nagagawa niya pa rin akong pangitiin sa kabila ng lahat. Kinindatan niya ako bilang tugon bago kami muling nag-angat ng tingin sa langit kung saan sumabog ang huling kumpitis na nagsisilbing para sa akin at sa panibagong taon.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon