[Kabanata 33 - Mundo]
PATULOY akong naglalakad sa isang payapang kalsada nang bigla ay may makasalubong ako. Napatigil ako at ganoon din siya. Nagtama ang aming paningin, nakatagpo ko ulit ng tingin ang ina ni Rafael, si Doña Mariana.
"Kiara..." tawag niya sa pangalan ko, bagay na hindi ko inasahan. Ang akala ko ay tatawagin niya ulit ako sa bagay na nakakawala muli ng respeto.
"Maaari ba kitang makausap?" tanong niya at nagbabakasakaling tinignan ako.
Marahang umihip ang sariwang hangin, himala at sa pagkakataong ito ay maluwag na ang pakiramdam ko.
Saglit ko siyang tinignan nang diretso sa mata bago mabagal na tumango na nagpangiti rin sa kaniya. Hinawakan niya ang kamay ko, bagay na siya ring nagpagulat sa akin. Inalis niya kami sa gitna ng kalsada at nagtungo doon sa ilalim ng puno. Hindi naman araw ang naghahari ngayon sa langit kung hindi mga ulap na kay sarap din na pagmasdan palagi.
Bumitaw na siya sa kamay ko nang makasilong kami. Tinignan ko muli ang Doña Mariana, hindi ko lubos na maunawaan kung ano ang kailangan niya sa akin.
"Marahil ay... alam mo na rin ngayon ang balitang natigil na ang kasal nila Variya at ng aking anak dahil na rin sa mismong desisyon ni Rafael," saad ng Doña, hindi ako gumalaw at tanging labi ko lamang.
"Bakit? Maging ito ba ay isisisi mo sa akin, Doña?" sarkastikong tanong ko.
Napayuko siya, "Hindi... hindi, Kiara." Huminga siya nang malalim at muli akong tinignan.
"Patawad..." wika niya na saglit na nagpatigil sa tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung bakit sa sandaling iyon ay tila wala akong narinig, parang na-blanko ang lahat matapos kong marinig ang isang salitang kay tagal ko nang hinihintay nang sa gayon ay tuluyan nang lumaya ang puso ko.
"Ngayon ay nauunawaan ko na, na ako pala ang mali. Ang akala ko ay tama ako dahil sa desisyong ginawa ko para sa aking anak, ngunit ako pa pala ang magpapawala sa saya sa kaniyang mga mata."
"Simula nang mawala ka, hindi ko na muli pang nakita ang tunay na ngiti ni Rafael. Isa akong hangal na sumira sa inyong dalawa. Ako ang mali, lubos ko ngayong pinagsisisihan ang lahat..."
"P-patawad, Kiara..." paghingi niya ng tawad na tila unti-unting nagpawala sa sugat na dalawang taon na nanatili sa puso ko.
Isang sariwang hangin ang yumakap sa amin. Mabuti na lang at natutuhan ko kay Doña Kriselda kung paano ko magagawang kontrolin ang emoyon ko kaya hindi pa rin tumutulo ngayon ang luha ko. Sa huli ay pinili ko ang huling desisyon na dapat kong gawin dahil ang pusong mapagpatawad ang siyang magiging malaya sa huli.
"Maaayos natin ito, Doña Mariana. Hindi man ngayon, ngunit asahan mong may pag-asa pa..." saad ko na unti-unting nagpangiti sa kaniya.
A few months later...
DAHAN-DAHANG sumilay ang ngiti sa labi ko matapos mapagmasdan ang tinatayo ngayong tahanan sa Santa Prinsesa. Ito ay kay Luis Delos Reyes, ang bagong tahanan niyang ginawa muli ni Rafael Rosales.
Parang kailan lang, ang panahon talaga ay lumilipas na tila isang hanging dumaan. Naaalala ko pa noong unang beses na ginawan ni Rafael ng bahay si Luis na naulit ngayon, dalawang taon na rin pala ang nakalipas.
Huminga ako nang malalim bago nagsimulang humakbang papasok sa loob, may mga manggagawa sa labas at loob na agad namang bumati sa akin dahil kilala naman nila siguro ang nobya ng kanilang inhinyero.
Sa totoo lang ay buo na ang bahay, kukulayan na lang at napakaganda na. Humahanga talaga sa taong nasa likod ng pagkagawa ng tahanang ito, mabuti na lang at nasa akin na siya.
BINABASA MO ANG
Kisapmata
Historical Fictionkisapmata // historical fiction story Matapos ang aksidenteng nakaharap, si Kiara na nagmula sa isang malaking pamilya ay nawalan ng ala-ala sa isipan at nakalimutan ang kaniyang totoong mundo. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahagip ng ka...