KISAPMATA VIII

8 3 0
                                    

[Kabanata 8 - Dilim]

HINDI ako nakapagsalita dahil hindi ko alam ang dapat ngayong sabihin at gawin sa lalaking nakatagpo ko noon ng landas sa pamilihan. Umihip ang sariwang hangin, siya pala si Luis.

"Kiara, hija. Hinahanap ka ni Ginoong Luis?" patanong na sambit ni Aling Pasencia sa akin.

"Ah, magkakilala po kami." Iyon lang ang tanging lumabas sa akin.

"K-kababata ko po siya, kaniyang nakalimutan lang." Napatingin ako kay Luis nang sabihin niya 'yon.

"Ganoon ba..." nakatulalang saad ni Aling Pasencia bago kami tinignan muli mula sa malalim na pag-iisip. "Kung gayon ay marangya pala ang iyong kababata. Siya na rin marahil ang tinutukoy mo noon. Galing ka ba sa mayamang pamilya? Ngunit akala ko ba ay palaboy ka lamang sa daan?" naguguluhang tanong niya sa akin.

Napakagat ako sa labi ko bago kami nagkatinginan ni Luis. Hawak niya ngayon ang sumbrelo niyang abo at mukhang wala ring maisip na sagot para sa katanungan ni Aling Pasencia. Siya naman kasi, pasabi-sabi pa na kababata ko raw siya.

"G-gaya nga po ng sinabi ko sa inyo ay wala akong maalala. Ang natatanging ala-ala sa aking isipan ay nabuhay ako sa gitna ng magulong kalsada simula nang magising ako sa mundong ito," hindi siguradong saad ko.

Napatango-tango si Aling Pasencia sa sinabi ko. "O'siya, kayo ay iiwan ko na dahil mukhang mahalaga ang inyong pag-uusapan. Tayo na, Latina." Iyon lang at naglakad na si Aling Pasencia papasok sa loob ng panciteria.

Sumunod na rin si Latina sa nanay niya pero nilingunan niya muna kami ni Luis at ngumiti bago sumunod na kay Aling Pasencia. Napatigil ako nang mapagtantong nang-aasar ang ngiti niya. Kumunot ang noo ko at tinignan si Luis pero sinama niya na rin ako paalis sa tapat ng panciteria.

Dinala niya ako sa kabilang kalsada kung saan wala masyadong tao. Ang tingin ko ay nanatili lang sa kaniya hanggang sa tumigil na rin kami sa tapat ng aklatan, dito kami nagkita noon ni Rafael matapos niya akong yakapin sa una naming pagkikita.

Sandali akong napatulala sa aklatang iyon matapos maalala si Rafael at ang nangyari sa akin sa loob ng Hacienda Rosales. Hindi ko namalayang gabi na pala. Nakabukas na ang mga lampara sa bawat kalsada at umiihip na rin ngayon ang malamig na hangin na yumayakap sa mga taong naglalakad sa gilid ng malinis na kalsada.

"Paumanhin ngunit ilang araw na akong hindi pinapatulog ng iyong kapusukan, babae." Napaangat ang tingin ko kay Luis matapos niyang magsalita; hanggang leeg niya ako, gaya lang ni Rafael.

"Edi palayasin mo." Tinaasan ko siya ng kilay, napangiti lang siya bigla.

"Ano't ganiyan ka? Tila may kakaiba sa 'yo," usisa niya.

Hindi agad ako nakasagot dahil ang weird naman kung sasabihin ko sa kaniyang nagmula ako sa hinaharap. Hindi nga rin ako sure kung anong ganiyan ba ang tinutukoy niya ngayon tungkol sa akin.

"Ikaw ay walang maalala?" tanong niya.

"Ha?" Lumulutang yata ngayon ang utak ko.

"Hindi mo maalala ang iyong buhay at nakaraan?" tanong niyang muli at sa pagkakataong ito ay lininaw niya na ang tanong niya.

Hindi ako sumagot at tinignan lang siya. Napahinga ako nang malalim, nagdadalawang-isip ako kung dapat ko bang sagutin ang tanong niya. Sa huli ay pinili ko pa ring tumango sa katanungan niya.

Habang nakatingin pa rin sa akin ay dahan-dahan siyang tumango. "Kung gayon ay nararanasan mo ngayon ang pérdida de memoria o pagkawala ng ala-ala sa isipan. Nasaan ang iyong pamilya? Sila ang makakatulong sa iyo na makaalala muli," saad niya.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon