[Kabanata 1 - Unang Tagpo]
SANDALI akong hindi nakagalaw dahil sa pagkabigla. Nagbalik ako ng tingin sa mga taong nakatingin din lahat sa akin ngayon. Ang mga lalaki ay umiwas ng tingin habang ang mga babae naman ay halos isumpa na ako dahil sa mga tingin nila sa akin.
"Ano't ganiyan ang suot ng babaeng iyan?" rinig kong bulong isang babae sa kasama niya.
"Hindi ko alam. Wala na siguro siya sa kaniyang katinuan." Napahawak ako sa tapat ng puso ko.
Tinignan ko ang sarili ko at suot ko pa rin ngayon ang dress kong hanggang tuhod, sleeveless din ito pero makapal naman sa balikat. Ngayon ay hindi ko alam kung bakit parang gusto na nila akong dalhin sa kabilang buhay.
Napasunod ang mata ko sa isang batang lalaki nang tumakbo siya palapit sa akin. Naalala ko bigla si Atlas, imposibleng siya 'to dahil ang laki naman ng pinagbago ng mukha niya kung ganoon.
"Binibini, ito raw ay suotin mo sabi ng lalaki." Inabot niya sa akin ang isang balabal na kulay itim.
"Sinong lalaki?" naguguluhang tanong ko, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin masagot ang tanong sa sarili ko kung bakit ako nandito.
Lumingon ang bata sa likod at itinuro ang isang lalaking patuloy ngayong naglalakad paalis, nakaharap siya sa kabilang direksyon. Lumiwanag ang mukha ko nang makita ang lalaking nakasuot ng itim, paniguradong hindi na ako maliligaw habang siya ay paningin ko pa.
Nagpasalamat ako sa batang 'yon bago ipinatong ang balabal sa balikat ko at dali-dali ring tumakbo papalapit sa lalaking may hawak na lampara.
Pero dahan-dahang bumagal ang hakbang ko nang bigla na lang siyang mawala sa paningin ko sa gitna ng maraming taong naglalakad ngayon patungo sa iba't ibang direksyon.
Kinakabahan man pero sinubukan ko pa ring magpatuloy sa paghakbang kahit na ang iba ay napapatingin na sa akin dahil sa walang tigil kong pagtakbo. Namalayan ko na lang ang sarili kong napunta sa isang palengke kakahanap sa kaniya.
"N-nasaan na ba 'yon..." bulong ko sa sarili ko habang patuloy na ilinilibot ang paningin ko sa kapaligiran.
Makalipas ang ilang saglit ay tumigil na rin muna ako sa pagkatakbo dahil hinihingal na ako. Napahawak ako sa dibdib ko at hinabol ang hininga ko. Doon ko lang napansin ang kalinisan ng kapaligiran.
Maraming kalesa na nakaparada sa tapat ng palengke at may mga tao ring naglalako ng iba't ibang bilihin. Ang mga mata ko ay kusang lumibot sa agaw-tingin na paligid habang patuloy na umiihip ang sariwang hangin.
Ngayon ko lang din napagtanto na naiiba ang suot ko mula sa lahat. Ako lang ang nakasuot dito ng bestida at lahat sila ay balot na balot. Tirik ang araw pero ganiyan ang suot nila. Sila yata ang nawawala sa katinuan?
Pero hindi rin. Parang pamilyar ang lugar na 'to sa isip ko, hindi ko lang maalala dahil may amnesia ako. Hindi ko nga rin alam kung anong klaseng sakit ba ang sinasabi nilang amnesia, wala akong kaalam-alam.
Kung may kaibigan ba ako? Sino ako bago nagkaroon ng sakit? Sino ang tunay kong ina? Ang mga tanong na hindi magawang mapunan ng sagot dahil napunta ako sa panahong 'to.
Natauhan ako mula sa pagkakatulala sa malawak na kalsada nang marinig ang mga yapak. Sinundan ko ng tingin ang mga babaeng malapit lang sa akin nang magkahawak-kamay silang maglakad pasunod sa mga taong ngayon ay nasa daungan na rin ang paningin.
Nag-angat ako ng tingin sa malaking barkong natatanaw ko mula rito bago wala sa sariling humakbang palapit sa daungan na nasa tapat ng pamilihan. Nakipagsiksikan ako sa mga taong tila gusto ring makisagap ng balita kung anong nangyayari rito.
BINABASA MO ANG
Kisapmata
Historical Fictionkisapmata // historical fiction story Matapos ang aksidenteng nakaharap, si Kiara na nagmula sa isang malaking pamilya ay nawalan ng ala-ala sa isipan at nakalimutan ang kaniyang totoong mundo. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahagip ng ka...