KISAPMATA IV

26 4 0
                                    

[Kabanata 4 - Haring Araw]

HINDI ko napigilan ang sarili kong pagmasdan si Rafael matapos niyang sambitin ang pangalan ko. Ang mga mata niya ay nanatili lang din sa akin ngayon. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganiyan siya at para saan din ang sinabi niya.

"P-paano mo nalaman?" pagbasag ko sa katahimikang naghahari sa pagitan namin.

"Stalker ka talaga, e, 'no?!" dagdag ko na ikinatigil niya, mukhang nasindak siya dahil hindi naman ganoon ang karaniwang binibini sa kaniya pero wala akong pakielam.

"Stalker..." nakatulalang pag-uulit niya sa sinabi ko.

"Ano ba talaga kasing kailangan mo sa akin, ha? Ano, pumunta ka lang doon sa panciteria para sabihing alam mo na kung anong pangalan ko? At paano mo nga ba nalaman?" sunod-sunod na tanong ko, nakakunot pa rin ang noo ko dahil sa pagkairita.

Binasa niya ang labi niya bago ako sinulyapan. Sasagutin niya na sana ako pero sabay kaming napalingon kay Latina nang maramdaman ang kaniyang pagdating. Pareho siyang napatingin sa amin ni Rafael bago lumapit sa akin.

Hinawakan niya ang kamay ko bago ilinapit sa kaniya kaya napatalikod ako kay Rafael. "May naghahanap sa iyo. hindi rin ligtas na magsama kayo rito sa kabila ng mapayapang kalsada. Hindi ko nais na maging laman ka ng usap-usapan lalo na't malay ba natin kung may nakasilip na sa atin mula sa mga bintanang iyan," bulong niya sa akin at sinulyapan ang mga bintana ng bahay na nasa magkabilang gilid ng kalsadang ito.

"Ako'y... ako ay kuwentuhan mo na lamang mamaya ngunit sa ngayo'y kailangan na nating lumisan dito," patuloy niya. "Magpaalam ka na sa kaniya upang--" hindi na natapos ni Latina ang sinasabi niya nang bigla akong mapahawak sa buhok ko.

Napahawak ako sa likod ng ulo ko nang maramdaman ang paghatak sa hibla ng buhok ko. Kunot noo kong nilingon si Rafael na noo'y inosente lang na nakatingin sa akin. Aray ko naman, nananabunot ba siya?

Gugulpihin ko na dapat siya pero naunahan ako ng pagsasalita niya. "Binibining Latina, salamat sa liham na iyong ipinadala sa akin. Paalam na rin, mga Binibini. Hanggang sa muli," biglang pamamaalam niya at hinubad ang sumbrero niya para itapat iyon sa kaniyang dibdib.

Muli ay tinignan ako ni Rafael bago tumalikod na at sinimulan na ring humakbang paalis pero nahuli ko pa ang lihim niyang pagngiti bago siya tuluyang umalis sa harapan namin.

Naiwan sa hangin ang halimuyak niya na mukhang mas lalong nagpahulog na naman kay Latina. Nilingon ko siya at nagtaka ako nang sundan niya ng tingin ang buhok ko. Sinilip niya ang likod ng ulo ko at may kinuha roon.

"Ano 'to?" tanong niya at inabot sa akin ang isang kapariso ng papel na hindi ko namalayang nasa buhok ko na pala. Nagtaka rin ako pero kinuha ko na 'yon sa kaniya at binasa.

Sa aming tahanan.

Nanlaki ang mga mata ko matapos mapagtantong hindi naman pala ako sinabunutan ni Rafael dahil ang totoo ay isinabit niya 'to sa buhok ko nang hindi namin namamalayan. Pero ang hindi ko maintindihan sa lahat, bakit sa buhok ko pa talaga?

Nagkatinginan na lang kami ni Latina na noo'y mukhang walang ideya kung anong nakasulat sa papel. Napahinga na lang ako nang malalim at hinayaan ang papel na tangayin ng hangin mula sa palad ko.

"A-ALAM niyo po ba kung taga-saan si Don Rufo?" lakas-loob na tanong ko sa isang ale na mukhang kagagaling lang sa pamilihan dahil sa dala-dala niyang bayong. Hapon na at maaliwalas ang mapayang kalangitan.

Nandito ako sa isang kalsadang may ilang mga taong naglalakad papunta sa kani-kanilang patutunguhan. Ang ale na tinanong ko ay napatingin sa akin, nagtaka ako nang bigla na lang lumiwanag ang mukha ng matanda matapos kong banggitin ang ngalan ng ama ni Rafael.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon